Third Person's POVMararamdaman sa buong Armedeia ang pagpapakawala ng kakaiba at napakalalakas na pwersa ng kapangyarihan mula kay Yuan.
Halos lahat ng nilalang: communis, gifted man o cursed, crawlers, at ang mga nilalang ng kagubatan.
Marami ang natakot sa pwersa ng kapangyarihang naramdaman nila na hindi mawari kung saan o sa kaninong nilalang ito nagmula, ngunit hindi ang isang kilalang samahan sa Armedeia. Sa una ay nagulat sila ngunit hindi rin naglaon nang maglaho ito at wala nang mababanaag na takot o gulat sa kalooban nila. Nagulat, dahil ang akala nilang ang itinakda ng propesiya na napagtagumpayan nilang paslangin labing limang taon na ang nakararaan ay buhay na buhay at alam nilang sa oras na ito ay nagising na ang kapangyarihan.
"Panginoon..." Nakayukong wika ng isang di gaanong matandang lalaki na nakasuot ng kulay itim na roba na nakataklob mula sa ulo niya.
Humarap naman ang isa pang matandang lalaki na di gaanong nalalayo ang edad sa lalaking tumawag sa kaniya kani-kanina lamang mula sa pagmumuni-muning pagmamasid sa bintana ng madilim na silid kung nasaan sila. Nakasuot din ito ng roba ngunit kulay abo ang sa kaniya, tanda na mataas ang pwesto niya sa samahan habang may hawak na tungkod na may kulay berdeng bato sa itaas nito. Marahil siya ang tinutukoy nitong Panginoon.
"Ano ang iyong kailangan?" Maawtoridad nitong tanong sa lalaking nakayuko.
Nananatiling nakayuko pa rin ang lalaki, tanda na iginagalang niya ang matandang tinawag niyang panginoon.
"Naramdaman niyo din po ba ang malakas na pwersa kani-kanila lamang?" Tanong nito sa pinuno.
Matalas na tumingin ang pinuno sa lalaki na para bang tinatantsa nito kung minamaliit ba siya o sadyang nais lamang nitong malaman kung naramdaman rin ba niya ang malakas na pwersang dumaan na tila isang alon na sumasabay sa hangin kanina lamang.
Dahil na rin sa malalim na pag iisip niya sa mga maaaring dahilan kung bakit buhay pa ang itinakda, imbis na maging mahinahon ay binalot ito ng galit at pagkainis sa paraan ng pagtatanong ng lalaki sa kaniya.
Umilaw ang kulay berdeng bato na nasa ibabaw ng tungkod na hawak ng pinuno na agad namang tumumbok sa lalaking nakayuko, dahilan para tumalsik ito at tumama sa isang aparador na pinaglalagyan ng mga likidong ginagamit nila sa ano mang uri ng pagmamahika.
Wala na itong buhay, umuusok pa ang dibdib nito tanda na bago at sariwa lamang ang nangyaring pinsala sa kaniya.
"Hindi ako mangmang! Alam ko ang nangyayari, inutil!!" Sigaw ng pinuno sa bangkay ng kasamahan na pinaslang niya, wari bang naririnig pa rin siya nito.
"Panginoong Ignisius!? Anong nangyari? Ayos lang po ba kayo!?" Alalang tanong ng isang matandang babae na biglang pumasok sa silid na gaya din ng suot ng lalaki kanina ay nakaitim ding roba ito.
Nilingon naman ng pinunong o panginoong nagngangalang Ignisius ang babaeng dumating. Takot ang bumalot sa kalooban ng babae nang makita niya ang mga titig ng kanilang panginoon. Titig na puno ng galit at pagkadismaya sa mga nangyaring kapalpakan.
"Tawagin ang buong konseho! Pati na rin ang isinumpa. May mahalaga akong misyon sa inyong lahat!" Gigil na utos ni Ignisius kaya aligagang yumuko at sumunod naman ang matandang babae.
Taglay pa rin ang isang mabigat at madilim na awra, nagtungo ang pinunong si Ignisius sa isang silid kung saan nila gagawin ang pagpupulong at kung saan niya iaanunsyo ang misyong ipapagawa niya.
Nakarating na siya sa silid ng pagpupulungan nila at gaya ng inaasahan, hindi na siya nagulat pa dahil naroon na ang lahat ng miyembro ng kanilang samahan. Marahil ay lubos talaga nilang ginagalang at kinatatakutan ang kanilang panginoon.
BINABASA MO ANG
The Gifted Cursed | COMPLETED ✓
FantasyIsang nilalang na pinagkaitan ng nakaraan. Mga alaalang pinipilit na binabalikan. Kinagisnan ang mundong para sa mga kagaya niya'y kay hirap galawan. Pinagkaitan nga ba siya o siya'y hinahanda lamang ng tadhana para sa mas makabuluhan niyang hinaha...