ITINIKOM KO nang mariin ang labi para pigilan ang sarili sa pagngiti. Pasimple kong tinapunan ng tingin ang nagsasalita sa harap ko. Tumango ako at ngumiti para um-oo lang sa sinasabi niya kahit wala akong naiintindihan. Hindi ko na nga alam kung ano o sino ang ikinukuwento niya sa akin.
Pagkatapos ko siyang ngitian ay banayad kong ibinaba ang tingin sa phone kong nakapatong sa aking kandungan. Ibinalik ko ang paningin sa kaniya habang ang kamay ko ay dahan-dahan kong hinawakan at inilagay ko ang hintuturo sa fingerprint scanner sa likod ng phone para buksan.
Tumatango-tango lang ako na sinasabayan ko ng pag ngiti at kapag tatawa siya ay tatawa rin ako kunwari. Nang magpatuloy siya at nagpapanggap naman akong alam ko ang ikinukuwento niya ay mabilis na gumawi ang paningin ko sa phone ko para basahin ang text message ni Chrysler.
From: Chrysler
Kumain ka na?
Gumalaw ang daliri ko para magtipa ng isasagot ko sa kaniya. Bahagya akong umiling at mas lumawak ang ngiti.
To: Chrysler
Kumakain na kami ni Jazz habang nagkukuwentuhan.
Hindi ko na-i-send ang itina-type kong reply noong hablutin ni Jazz phone ko. Kumunot ang kaniyang noo nang basahin niya ang ire-reply ko. Sinundan ko ng tingin ang paglapag niya ng phone ko sa mesa. Matalim niya akong tiningnan nang ibaling ko ang aking paningin sa kaniya.
Napalunok ako kasabay ng pagngiti ko nang nanghihingi ng paumanhin. Itinaas ko ang kamay, kinamot ang kilay at pati ang noo. Gumalaw ang kaniyang panga kasabay ng pag-iling niya.
Mas lalo akong ngumiwi, hindi makatingin nang diretso sa kaniya dahil pabalik-balik sa mata ko sa phone kong katabi ng pinggan niya.
"Puwedeng pakiulit ang sinabi mo? Hindi ko kasi narinig," pakiusap ko, nakangiwi.
Mariin niyang itinikom ang labi at umiiling-iling, dismayado sa ginawa ko kani-kanina. "You're too busy with him."
Hindi ako nakasagot. Bawat salitang binitiwan niya ay may diin at mapang-uyam ang tono. Pikit-mata siyang bumuntonghininga sabay tingin sa kanan, umiwas sa akin nang magmulat. "Si Chrysler ang ka-text mo at wala sa akin ang atensyon mo."
"Hindi ko siya ka-text," pagtanggi ko.
Nilingon niya ako at tumaas ang kaniyang dalawang kilay para panlakihan niya ako ng mata. Umiling siya sa pagitan ng pagngisi niya.
Kinunutan ko siya ng noo. Ano ang mali kung ka-text ko si Chrysler? Wala naman kaming ginagawang masama. Kinukumusta lang niya ako at hindi ko lang nasabing magkasama kami ni Jazz sa kaniya ngayon. Gusto kong bumawi siya dahil hindi siya nakapag-iwan ng text message sa akin kagabi. Siguro nakalimutan niya o baka napagod dahil nasabi niya sa akin noong nakaraang araw na pupunta siya sa Batanes. Gusto kong sumama, pero hindi ako puwede.
"Kung hindi mo siya ka-text, siya ang laman ng iniisip mo." Umismid siya, iniiwas ang tingin. Hinawakan niya ang leeg habang hinihimas-himas iyon nang paulit-ulit.
Kinamot ko ang aking noo sabay tingin sa kaniya kahit hindi siya nakaharap sa akin. "Puwede bang tigilan mo ang ganiyan mong pag-iisip, Jazz? Hindi siya ang iniisip ko," pakiusap ko sa kaniya na sinabayan ng pagbuntonghininga sa huli.
Kahapon pa namin ito pinagtatalunan dahil hindi ako makapagpokus sa ginagawa ko. Alam ko namang mali ako kahapon dahil buong araw na kay Chrysler ang isip ko dahil ni isang text ay wala akong natanggap sa kaniya, pero ngayon, ibinigay ko naman sa kaniya ang atensyon ko kaso, parang mali pa rin ako sa paningin niya.
Ginagawa niyang big deal ang pag-uusap namin ni Chrysler e, hindi naman ako babalik sa kaniya dahil sa kaniya ako-siya ang boyfriend ko. Hindi ko alam kung ano ang ikinakatakot niya. Parehas lang namang sila ang laman ng isip ko.
BINABASA MO ANG
Today is the Day
Romance"Gusto ko ng happy ending, pero bakit ganito ang ending nating dalawa?" - Drishtelle Padilla Date started: August 24, 2020 Date finished: December 25, 2020