PANAY ANG scroll ko sa news feed ko sa Facebook habang nakasakay sa kotse ni Brix, binabagtas ang daan papunta sa review center na gusto kong pasukan. Hindi ko nagugustuhan ang nakikita ko sa news feed ko dahil hanggang ngayon ay mainit pa rin iyong tungkol kay Cathaleya.
Gusto kong mag-comment sa mga posts na nakikita ko, kaso huwag na lang. Baka madamay rin ako at sinabi naman sa akin ni Cathaleya na hayaan ko na lamang at huwag akong makisali dahil baka mas lalo lang daw lalala. Samantalang si Genesis, nakikita ko ang ilang comments niya na talagang nakikipag-away pa sa mga bashers.
“Ngayon pala ang alis ni Kuya Chrysler,” imik ni Brix pagkalingon ko sa kaniya.
Nawala ang dapat kong itatanong sa kaniya noong mandilat ang mata ko at matampal ang noo. Sinulyapan ko ang oras sa phone ko at maaga pa. Siguro naman ay hindi pa siya nakaalis at aalis pa lang siya sa bahay nila para pumunta ng airport.
Nagkakamot sa batok kong nilingon ang kapatid ko. Malapit na kami sa review center pero mahina kong hinampas ang braso niya. Lumingon siya.
“Puwede mo bang iliko papuntang airport?” pakiusap ko habang tumitingin-tingin sa kalsada.
Napansin ko ang pagtango niya sa dulo ng mata ko nang idiretso ko ang tingin sa harap, hindi sa bintana. “Nakalimutan kong aalis na siya. Hindi ko naalala,” nakangiwi kong sambit habang nagkakamot ng noo.
Bakit hindi niya agad sinabi sa akin? Iyong daan papuntang NAIA terminal 1 sana ang tinatahak namin ngayon at malayo pa man din ang airport dito. Makakaabot pa kaya ako?
Akala ko ay kahapon siya nakaalis o 'di kaya kaninang madaling araw, pero alas otso pala ng umaga siya aalis. Nilingon ko si Brix. “Kanina pa ba siya nakaalis? Nasa airport na ba siya o papunta pa lang?” tanong ko.
Umaasa akong maaabutan ko pa siya roon. Shoot! Bakit hindi ko nakalimutan? I promised him that I will send him off.
Tumawa siya sabay iling. “Ikaw pa nagsabi sa akin kahapon ate.”
Muli kong kinamot ang noo ko. May sinabi ba ako sa kaniya kahapon? Wala akong matandaan. Bumuntonghininga ako.
“Nasa review center iyong takbo ng isip ko. Kinakabahan ako kasi mag-re-review na ako for board exam,” nakalabing wika ko.
Todo ang kaba ko habang iniisip ang bagay na iyon. Napanghihinaan ako ng loob dahil baka bumagsak ako at mag-take two. Gusto ko one shot lang ay pasado na ako. Kung nandito lang sana si Jazz, hindi ako kakabahan ng ganito kasi alam kong hindi niya ako papabayaan na bumagsak.
Sa bagay, mas maganda na ring iniwan niya ako para alam ko kung kaya ko ba talaga ito nang walang tumutulong sa akin. Para malaman ko rin sa aking sarili kung may natutunan nga ba ako o puro asa lang ako kay Jazz.
Inabot ni Brix ang likod ko para hagudin sabay lingon sa akin. “Relax, ate. Believe in yourself and you'll succeed.” Ngumiti siyang inalis ang kamay sabay kuyom ng kamao at itinaas sa ere.
Tumango-tango ako. Hindi pa naman ako sumasabak sa pagre-review pero kinakabahan na agad ako. Umaasa akong makakapasa ako.
“Aabot pa ba tayo sa airport? Puwede ko ba siyang i-chat para sabihing hintayin niya ako?” magkasunod kong tanong.
Hindi ako mapakali. Gusto ko talaga siyang makita sa huling pagkakataon bago kami maghiwalay nang tuluyan.
“Aabot pa tayo. Hindi pa siya umaalis sa bahay nila noong umalis tayo ng bahay,” sagot niya.
Ipinagdaop ko ang palad at ipinatong sa aking hita. Pinansin ko ang binabagtas naming daan sa labas. Napapapikit ako sa malalakas na busina ng kotse sa labas, hindi sila makapaghintay na magkulay green ang stoplight. Kahit naman magmadali sila ay hindi maiiwasan ang traffic jam sa buong Pilipinas.
BINABASA MO ANG
Today is the Day
Romance"Gusto ko ng happy ending, pero bakit ganito ang ending nating dalawa?" - Drishtelle Padilla Date started: August 24, 2020 Date finished: December 25, 2020
