Kabanata 15

4 0 0
                                    


“Eto pa iha damihan mo ng kain” nakangiting bilin sa’kin ng Lola Nene ni boy tindero. Nagpakilala ito sa’kin pagpasok palang namin sa may kusina.

O diba lola na, nene pa.

Lola Nene lang malakas.

Iwinaglit ko ang isiping ‘yun at nahihiya akong tumango sa kanya.

Puro kalokohan, kelan pa ako natuto nun?

“Salamat po” sabi ko nang ipagsandok pa ako nito ng karagdagang ulam.

Kahit anong tanggi ko kanina kay boy tindero ay siya parin ang nasunod kaya heto ako ngayon.

Mukha namang mabait si Lola Nene pero nahihiya parin ako.

“ ‘La damihan niyo pa daw” ani boy tindero na nasa tabi ko halatang inaasar ako.

“Malakas kumain ‘ tong kasama ko ‘La kaya dagdagan niyo rin po raw ng kanin yung pinggan niya” sinamaan ko naman siya ng tingin.

Imbento ‘to.

“Nako hindi na po, kumain narin po kayo” tanggi ko sa matanda nang magsandok ito ulit ng kanin. Pinaniwalaan ata ang sinabi ng gunggong sa tabi ko.

“Naks ang bait” dinig ko pang sabi niya pero ako lang ang nakakarinig. Mukhang tuwang-tuwa siya sa nakikita niya ngayon.

Ngumiti naman si Lola Nene sa’kin at sinimulan naring kumain. Paminsan-minsan ay tinutulungan niya rin ang katabi niyang si Allen dahil makalat pa itong kumain. Katapat namin sila ni boy tindero na kanina pa sinisipa ang paa ko sa ilalim.

Hindi ko alam anong trip niya pero mukha atang masyado siyang masaya ngayon. Kapag tinitingnan ko kasi siya ay nginingitian niya lang ako.

“Ngayon lang kita nakita matagal na ba kayong magkakilala ng apo ko?” tanong ng matanda matapos namin kumain.

Nagpresenta akong maghugas ng plato kaya kami nalang ang nandito sa kusina, samantalang nasa may sala naman ang dalawang apo niya. Ayaw pa nga nilang pumayag kanina dahil bisita raw ako pero nung nakitang determinado ako ay pumayag nalang din.

“College friends po kami” sagot ko at napatango naman siya.

“Akala ko nobya” ngumiti ako at umiling.

Magkaibigan lang kami.

Naalala ko tuloy ang Lolo ko. Dahil nga bilang lang ang mga kaibigan ko ay tatanungin niya agad ako kung sino ang nobyo ko sa mga lalaking dinala ko sa bahay gayong group mates ko lang naman ang mga iyon. Hindi na niya pinapansin ang iba pang myembrong babae, sa lalaki lang siya nakatuon. Kapag naman umiling ako at sinabing kaklase ko lang sila ay yuyuko pa siya na parang nalugi sa isang sugal at sasabihing gustong gusto niya na raw ako makitang magkanobyo. Magbabanggit pa siya ng mga pangalan na apo raw o anak ng kumpare niya, kung gusto ko raw kako. Maswerte ako sa Lolo ko. Namiss ko tuloy siya bigla.

Napabuntong hininga naman si Lola Nene matapos kong umiling. Mukhang parehas sila ni Lolo ko na concern sa lovelife ng apo niya.

“Alam mo ‘yang si Aled namin simula nang iwanan sila ng mama niya ay siya na ang umako sa responsibilidad kay Allen. Wala narin kaming balita sa ama niya o kahit sa ama ni Allen. Oo nga’t nandito ako pero matanda na ako iha pati nga ang mga gamot ko ay siya narin ang sumasagot minsan. Imbis na makatulong ay naging pabigat pa ako sa kanya. Nakikita mo naman siguro, palagi siyang nagtitinda. Siya ang tumayong ama at ina sa kapatid niya. Nakakalungkot lang na minsan ay nakakalimutan na niyang alagaan ang sarili dahil sa pag-aalaga sa’min. Gusto ko sana ay bago manlang ako mawala sa mundong ito ay makita siyang masaya at hindi puro pagdurusa” naluluhang pahayag ni Lola Nene.

Itinigil ko muna ang paghuhugas pagkatapos ay pinatuyo ang kapay at niyakap siya.

“Matatag ho ang apo niyo at mabuting tao. Sigurado rin ho ako na hindi niya kayo itinuturing na pabigat. Masaya rin ho siya sa ginagawa niya palagi nga pong tumatawa sa school e”

Ang dami kong nalaman.

Una ay iniwan ng sariling ina si boy tindero, wala narin siyang balita sa sarili niyang ama at magkaiba sila ng ama ni Allen na iniwan din ito kaya siya na ang umako sa responsibilidad na dapat ibigay ng isang magulang.

Kaya pala maraming raket si boy tindero palagi.

Pumasok sa isip ko ang panghaharass na naabutan ko nang minsang samahan ko siya magdeliver.

Paniguradong hindi iyon alam ng Lola at kapatid niya.

“Mukha lang matatag iyong apo kong yun pero alam kong napapagod din minsan. Kalabisan man pero sana ay manatili ka sa tabi niya, kayong mga kaibigan niya. Alam kong takot maiwan mag-isa ang batang iyon, kahit hindi niya sabihin” paliwanag ni Lola Nene matapos niyang kumalas sa yakap. Mukhang tapos na siyang umiyak.

“Opo, kaya huwag niyong masyadong damdamin ang inyong problema, masama ho yun sa kalusugan niyo.”

Talaga Nika?

Ikaw talaga nagsabi?

“Huwag din ho kayong mag-alala sa apo niyo. Marami po siyang kaibigan, marami po kaming nagmamahal sa kanya” nakangiti namang tumango si Lola Nene.

“Salamat iha”
……..

“ Sa lahat ng nagsimpan ikaw itong nakangiti” ani boy tindero at tinitigan pa ako.

“Sabagay mas ayos ‘yan, hindi tulad dati na parang walang emosyon” dagdag pa niya at umarte na parang tulala na ewan. Imbis na maasar sa sinabi niya ay mas lalo akong nangiti.

Kasalukuyan kaming nag-aabang ng masasakyan pabalik sa apartment ko. Dahil nga gabi na ay punuan na ang mga jeep kaya kami natatagalan.

“May halong insulto ‘yung sinabi ko Dimaano bakit ka parin nakangiti? Ganito ka nung first day o” aniya at tumindig ng tuwid sabay tingin na parang bored sa kawalan.

Natawa ako. Kitang kita ko kasi ang kilay niyang nagmukhang brown art paper na basta nalang idinikit sa mukha niya na nilagay ni Allen kanina. May hairpin din siyang may design na butterfly na kulay pink sa buhok. Mayroon din siyang eye shadow na blue pero hindi iyon kitang kita dahil madilim.

Binasa niya ang labi niyang kanina ay pulang pula.

“Sana ol masaya Dimaano” ani niya nang hindi ako nagsalita.

Pagkatapos maghugas kanina ay dumiretso na kami sa sala at naabutan namin siyang ‘inaayusan’ or should I say nilalagyan ng kolorete ni Allen. Natalo raw siya sa laro nilang dalawa kaya bilang kapalit ay susundin niya ang kung ano mang gusto ng kapatid niya at iyon nga ay ang pag-eksperementuhan ang mukha niya sa pamamagitan ng mga gamit pang-ayos ni Lola Nene. Ang usapan ay ihahatid niya akong ganun ang hitsura. Noong una ay ayaw pa niya pero nakumbinsi rin nang sinabi ni Allen na gabi naman raw kaya ayos lang, isa pa’y masama raw kapag hindi sumunod sa usapan.

“Kuya sabi mo po bad kapag di tumupad sa promise po” tanda ko pang pamimilit ni Allen.

Wala na siyang nagawa kung hindi ang pumayag.

ChoiceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon