Kabanata 20

4 0 0
                                    

“ Sandali bili lang akong kandila” aniya at lumapit sa matandang babae ilang dipa ang layo sa amin. Naiwan naman ako dito habang hawak ang bulaklak na binili namin kanina sa may tapat ng grocery store.

Tulad ng pinag-usapan ay pupunta kaming chapel ngayon para dalhin ang mga sampaguita.

Alas singko na ng hapon kaya hindi na mainit. Tuwing linggo lang may misa rito pero may mangilan-ngilan paring pumupunta para magdasal.

“Pasok na tayo?” ngumiti ako at tumango.

Pagpasok palang ay may dalawang magkatapatang anghel kahanay ng mga upuan at sa unahan ay may mga poon kung saan namin isasabit itong sampaguita. Sa bandang likod naman ng chapel nakalagay ang tirikan ng kandila.

Hindi ako palasimbang tao pumunta lang talaga ako dito para dalhin itong sampaguita. Dumiretso si boy tindero sa mga umupuan para magdasal. Sumunod naman ako sa kaniya. Nakaluhod na siya ngayon habang nakapikit ang mata samantalang ako ay nakaupo lang sa tabi niya.

Tumingin ako sa paligid. Mayroong gaya nitong kasama ko ay nakaluhod, umiiyak, matatandang nakahawak sa poon, batang naglalaro ng kandila na agad din namang susuwayin ng matandang kasama nito at syempre may mga kagaya ko rin na nakaupo lang. Siguro ay tapos na silang magdasal.

Napatingin ako sa lalaking kasama ko. Seryosong-seryoso siya at taimtim na nagdadasal. Itinuon ko ang atensyon sa harapan.

Kung ano man ang sinasabi niya sa’yo, sana pakinggan mo.

Mga ilang minuto pa ang lumipas bago siya umupo sa tabi ko. Nakatingin lang siya sa harapan. Mukhang malalim ang iniisip.

Ang labo niya.

Makulit siya, palaging tumatawa, ngumingiti, isip bata, friendly at kung minsan naman ay seryoso na parang may isang mathematical equation siyang gustong unawain ngunit hindi niya maintindihan kahit anong pilit niyang gawin.

Tumingin siya sa gawi ko at nginitian ako. Kusang lumabas ang mga biloy sa mukha.

Hindi ko maiwasang magtanong.

Anong nasa isip mo ngayon?

Masaya ka ba talaga?

O nagpapanggap ka lang?

Bakit kailangang istorbohin mo ang pagtulog ko kanina?

Anong kailangan mo sa’kin?

Bakit palagi nalang akong nagpapauto sayo?

Labin-siyam na taon na akong namamalagi sa mundong ito, hindi ko man ugali na makihalubilo sa maraming tao pero palagi akong nag-oobserba. Marami na akong nakita, gayundin ang mga nalaman tungkol sa iba. Mga taong may lihim na paghahangad, mga taong totoo sa sarili, taong nagpadala na sa kahirapan, mga lumalaban sa buhay maging iyong mga sinamba na ang pera. Karamihan sa kanila ay may suot na maskara.

Aled Rances Francisco anong uri ng maskara ba ang suot mo? Ang hirap mong basahin.

“Gwapong gwapo ka nanaman sa’kin” bored ko siyang tiningnan at iniabot ang sampaguita.

“Ikaw na maglagay niyan dun” inginuso ko ang isa sa mga poon.

“Samahan mo kaya ako dun” aniya at ginaya ang pagnguso ko. Nang-aasar nanaman.

Hinawakan niya ako sa braso at iginiya sa itinuro ko. Hindi gaya dati, hindi na ako nabigla sa paghawak niya ngayon. Binitawan niya rin ako agad pagdating sa tapat ng poon. Kaunti lang naman ang bente pirasong sampaguita kung kaya’t hinati niya ito na tigsampu at ibinigay sa akin ang kalahati. Sabay kaming naglagay sa magkabilang kamay nitong nakalahad bago umalis at dumiretso sa pagtitirikan ng mga kandila.

“Alam mo nung bata pa ako palagi kaming sumisimba ni Mama tuwing linggo.” Pagkukwento niya at inabutan ako ng kandila.

“Palagi rin akong nakakatulog sa kalagitnaan ng misa. Gigisingin nalang ako ni Mama kapag kelangan ng umuwi. Tapos excited naman akong maglalakad kasi alam ko, pagkatapos nun ay kakain kami sa paborito kong fast food restaurant”

Pinanuod ko kung paanong umiyak ang mga kandila.

“Ang sarap humiling na bumalik sa pagkabata ano? Iyong purong saya lang talaga”

Umiiyak ba ito dahil ikinalulungkot nitong ginawa lang siya upang kasangkapanin at hayaang maglaho na sa mundong ito o dahil alam nitong maliban sa literal na liwanag, kahit papaano ay nag-iwan siya ng karampot na pag-asa sa mga taong naniniwala na ang bawat pag-iksi ng mitsa niya ay nangangahulugan na mas madidinig ang dalangin ng bawat isa.

Kung iyong pangalawa ang dahilan ay napakabayani naman ng kandila. Ang isakripisyo ang sariling buhay para sa kabutihan ng iba ay katapangan na tingin ko’y sa panahon ngayon ay may halo ng katangahan. Pero kung umiiyak man ito dahil sa nalalapit na paglaho ay ganun talaga. Anuman ang dahilan ay wala namang pinagkaiba. Parehas silang ginamit ng mga tao, sa ayaw man nila o sa gusto.

“Ikaw? Magkwento ka naman dyan ng childhood memories mo” aniya at pabiro pa akong siniko.

“Kapag linggo”

Ayoko sa linggo.

Tiningnan ko siya, nag-aabang sa sasabihin ko.

“Kapag linggo palagi akong tumatakas sa bahay para makipaglaro kila Eli”

Kasi ayokong makita si Daddy.

Tumawa naman siya sa sinabi ko at sinabing may itinatago pala akong kakulitan.

“Ano kayang itsura mo kapag makulit ka?” kuryoso niyang tanong, nakatingala at natatawa habang naglalakad kami palabas.

Krimstix, imagination mo ang limit.

Medyo madilim na sa labas. Napatingin ako sa suot kong relos. Ala-sais na.

“Kain muna tayo” pag-aaya niya.

Wala ba siyang bahay na uuwian? Baka nag-aalala na sa kanya ang Lola at kapatid niya. Buong araw na siyang hindi umuuwi. Si Bryant, kamusta na? Malamang ay kanina pa gising ang isang iyon.

“Gabi na” ani ko. Baka hindi niya napapansin ang oras.

“Kaya nga kailangan na nating maghapunan” napatigil ako sa paglalakad kaya huminto siya at nilingon ako.

“Ala-sais na ng gabi” ani ko at ipinakita sa kaniya ang relos.

Wala naman akong ibang gagawin. Ayoko lang na mag-alala sa kaniya sila Lola Nene. Wala akong ideya kung alam ba ng mga ito na magkasama kami ngayon.

“Pagkakain natin ay ihahatid kita tsaka ako uuwi”

May problema ba siya?

Gusto kong malaman pero ayoko naman magtanong.

“Baka nag-aalala na sa’yo ang kapatid at Lola mo” natawa naman siya.

Totoo naman ang sinabi ko.

“Itinataboy mo ba ako?” tanong niya. Agad naman akong umiling.

“Hindi ganoon yun ayoko lang na mag-alala sila sa’yo” napakamot ako sa ulo.

“Alam nila na magkasama tayo” napalingon ako sa kanya.

“Ano? Kain muna tayo?” aniya, nakangiti, tinatantya ang reaksyon ko.

Ngumiti ako pabalik.

“Sige”

ChoiceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon