Kabanata 34

3 0 0
                                    

“Bakit? Gaano ka kasigurado na pangarap ko talagang maging inhinyera?”

Lolo, pasensya na.

Sinalubong ko ang titig niya, punong puno ng pagkabigla ang mga mata niya.

“Hindi ba’t gusto mong maging inhinyera? Kaya nga’t Civil Engineering ang kinuha mong kurso” naguguluhan niyang sambit.

Natawa ako.

Hindi niya talaga ako kilala.

Palagi niya akong tinatawag at inaangkin na anak pero kahit kailan ay hindi niya ako naintindihan.

Hindi ko inalis ang titig ko sa kanya.
Ang saya na nakikita ko kanina na napalitan ng gulat ay punong puno na ng pagkagulo at pagtataka ngayon.

Walang kwenta.

Ilang emosyon na ang nakita kong dumaan sa mga mata niya ngunit ang akin ay nanatili paring hungkag, blangko.

“Hindi ko kailangan ang pera mo” nakita ko ang pagdaan ng sakit sa kanya.

He’s too easy to read and I wonder, ama ko ba talaga siya?

“Kailangan mo ito para makapag-aral ka anak” pagpipilit niya.

Napailing ako.

Isa narin siguro sa lohika kung bakit ko pinili ang eskwelahang pinapasukan ko ngayon ay dahil isa itong State University, nangangahulugan na walang tuition. Sapat na ang perang iniwan sa akin ni lolo para sa gastusin ko sa apartment maging sa pagkain at miscellaneous fees. Mapapagkasya ko iyon hanggang sa makagraduate ako at makahanap ng matinong trabaho.

Dinampot niya ang sobre at pilit na inabot sa akin.

“Anak tanggapin mo na” pagsusumamo niya.

Iniwas ko ang tingin ko.

Naiinis ako.

Bakit kailangang makita ko ang sarili ko sa kanya?

Bakit kailangang mukha niya ang makita ko sa tuwing humaharap ako sa salamin?

Lumapit siya at hinawakan ang kamay ko.

“Anak gusto ko lang naman na masigurong nasa maayos ka” paliwanag niya.

Ngayon na sobrang lapit niya sa akin ay mas lalo kong nakita kung gaano kalaki ang itinanda niya. Kitang kita ang mga guhit sa noo niya na parang matagal na siyang namomroblema. Gayunpaman ay hindi ko parin maiwasang makita ang pagkakahawig niya sa akin, mula sa mata, ilong at labi, walang pinagkaiba. Unang tingin palang ay malalaman na agad na magkadugo kami. Ako ang girl version ng ama ko pagdating sa hitsura, marami ang nagsasabi.

“Pasensya na po pero kailangan ko ng magpahinga” ani ko gayong ang totoo ay kagagaling ko lang sa paghiga.

Humugot siya ng paghinga bago nagsusumamo na tiningnan ako.

“Anak tanggapin mo naman itong binibigay ko”

Tanggapin?

Para saan?

Para hayaang isipin ng pamilya niya na pera lang ang habol ko sa kanya? Na kaya lang ako naghanap ng isang ama ay para huthotin ang pera niya?

Hindi, ayoko.

Bahagya ko siyang itinulak upang lumayo.

Okay lang ako.

Maayos ako kahit wala siya.

Hindi ko kailanman kakailanganin ang tulong niya. Hindi ko kailangan ang pera niya.

“Inaantok na po ako, umalis nalang kayo kung kailan niyo gusto” tinalikuran ko siya.

Masyado pang maaga para matawag na tanghali higit lalong gabi ngunit heto ako at ginagawang palusot na inaantok na ako kahit hindi mo naman kakikitaan ng pagkapagod ang mga mata ko. Hindi naman siguro siya ganun kamanhid para hindi maramdaman na ayokong makipag-usap sa kanya.

“Malapit na ang pasko anak, pumunta ka sa bahay namin para magnoche buena, regalo mo nalang sakin. Aasahan ko na makakarating ka” dinig kong sabi niya bago umalis. Hindi ko siya nilingon bagkus ay diretso lang akong nagtungo sa kwarto ko.

Ilang noche buena at mega noche na ang inalok niya sa akin at palagi ko iyong tinatanggihan. Marahil sa paningin ng karamihan ay napakawalang kwenta kong anak dahil hindi ako dumadalo sa mga paanyaya sa akin ng sarili kong ama ngunit hindi ganoon yun. Nanduon ang buong pamilya niya, sabay-sabay silang magdiriwang, kapag dumating ako doon ay siguradong masisira ko lang ang kasiyahan ng lahat. Ako ang nagsisilbing paalala sa kanila kung papaanong muntik ng masira ang masaya nilang samahan. Mas pipiliin ko pang matulog mag-isa dito sa bahay na iniwan nila lolo sa akin kesa ipagpilitan ang sarili ko sa pamilya niya. Magbabalik tanaw nalang siguro ako sa mga pasko at bagong taon na kasama ko si Lolo. Dalawang taon palang ang lumilipas nang mamatay siya dahil narin sa katandaan, ibig sabihin ay pangalawang pagkakataon nang magdadaos ako ng pasko na nag-iisa, kinaya ko naman noong nakaraan kaya mas kakayanin ko ngayon.

Natigil ako sa pag-iisip nang kumalam ang aking sikmura. Malapit ng magtanghali pero hindi pa ako nag-aagahan. Siguro nga ay tama si Larel, napapabayaan ko ang sarili ko kapag nandito ako sa bahay.

Hindi matutuwa si Lolo sa ginagawa ko.

Sa isiping iyon ay tumayo ako, nagtungo sa kusina at kumuha ng mga rekados. Nawalan man ako ng gana dahil sa nangyari ay kailangan ko paring kumilos para makapagluto. Walang Larel na darating ngayon, umalis sila ng pamilya niya para sa ibang lugar magdaos ng pasko.

May karneng manok pa sa ref, mayroon ding pineapple chunks in can na nakastock lang maging evaporated milk kaya napagdesisyunan kong magluto ng pininyahang manok. Maraming canned goods ang nakatabi dito sa kusina na naiipon lang sa isang kitchen cabinet. Pagkatapos na pagkatapos ng bagong taon ay babalik na ako sa apartment kaya’t kailangan kong gamitin ang mga natitirang delata dito, ang iba ay matagal pa naman ang expiration date pero may mangilan-ngilan din na kapag hindi ko ginamit ngayon ay masasayang lang dahil expired na pagbalik ko. Sa katapusan pa ng Mayo ang tapos ng second sem, hassle naman kung dadalhin ko ang mga ito sa apartment, masyado silang madami kaya’t mabigat. Sinadya kong damihan ang niluluto para iyon na rin ang iulam ko mamayang gabi. Dahil nga kumakalam na ang tiyan ko ay gumawa muna ako ng sandwich bago nagsimulang magluto. Ilang beses akong napaso at kamuntikan pang mahiwa ang sariling kamay habang ginagayat ang iba pang sahog.

Hindi mawala sa isip ko ang nangyari kanina. Kung nabubuhay pa si lolo at nakita ang nangyari ay paniguradong sesermunan niya ako. Bagay na hanggang ngayon ay hindi ko parin maintindihan.

Noong nabubuhay pa siya, kapag dumadating ang araw ng pagbisita ng aking ama ay tahimik lang siya. Malamig ang pakikitungo nila sa bawat isa pero kapag nalaman ni lolo na umalis ako sa bahay upang hindi makita ang ama ko ay pagagalitan niya ako at pangangaralan na hindi tama ang ginawa ko.

Hanggang ngayon ay naguguluhan ako sa lahat pero wala rin naman akong ibang masisisi kundi ang sarili ko, hindi ako nagtanong at hindi ko rin inalam. Sa tuwing pinapagalitan niya ako, naguguluhan man kung bakit pakiramdam ko’y mas kinakampihan niya ang lalaking hindi niya naman kinakausap ay tumatango ako at sasabihin na hindi ko na iyon uulitin kahit alam ko sa sarili ko na sa susunod na pagbisita ng ama ko ay tatakas ulit ako sa bahay, mas pipiliin na makipaglaro kay Eli kesa ang makausap siya.

ChoiceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon