Kabanata 25

4 0 0
                                    

“Kahapon bangag tapos ngayon bangag ulit, may problema ka ba Nika beybi?” ani Bryant. Hindi ko siya pinansin.

Sa pagkakatanda ko ay parehas kaming bangag kahapon pero ngayon ay mukhang okay na siya. Ang lakas na nga ng loob na pagtawanan ako e.
Tinampal naman siya ni Miles at pinagsabihan.

“Atleast itong si Nika nagpapaalam kapag hindi na papasok eh ikaw? Gago bigla ka nalang nawala!”

Napatingin ako kay Bryant.Nitong nakaraang araw ay napapansin kong parang may pinagdadaanan ang isang ‘to pero hindi nalang ako nagsasalita. Alam ko naman na napapansin din iyon nila Miles at malamang ay tinanong na siya.Hindi ko lang alam kung sinabi niya.

Sila lang naman ata ni boy tindero ang nagkakaintindihan.

Speaking of boy tindero napatingin ako sa kanya. Kausap niya ngayon si Gigi at ang iba pa naming kaklase. Seryosong seryoso ang mukha niya. Medyo malayo ang pwesto nila sa’min. Napatingin siya sa pwesto ko at nakipagtitigan sa’kin. Pinagtaasan niya rin ako ng kilay. Napaiwas naman ako ng tingin.

Kasalanan niya kung bakit ako napuyat e.

Tiningnan ko si Bryant. Mukha namang okay na siya ngayon.

“Guys may documentary daw na gagawin. What’s the plan?” napatingin ako kay Gigi na kararating lang sa harapan namin. Kasunod niya si boy tindero.

“Documentary about what?” tanong ni Miles.

“Societal issue, tayo narin ang magkakagroup para less hassle” sagot ni boy tindero at tumingin nanaman sa’kin.

Tiningnan ko si Gigi.

“Si Sir?”

Ikinibit naman niya ang balikat. Senyales na wala.

“Hindi na raw siya pupunta dito. Pag-usapan nalang daw natin yung docu” napa-Yes naman si Bryant.

“Tanga! Ang sinabi mag-usap hindi umalis” sermon ni Miles ng magsimulang lumakad palabas ng room si Bryant.

Ang dami niyang energy ngayon. Napansin ko lang.

“Kain tayo sa Cafeteria, gutom na ako e”

“Bryant naman o! First period palang gutom ka na agad?” pagkontra din ni Gigi.

Napangiti ako. Himalang nagkasundo sila ni Miles.

Nagsimula naring umalis ang iba pa naming kaklase.

“Pre bilhin mo nalang ‘tong burger na itinitinda ko thirty pesos nalang para sa’yo”

Napatingin naman kami kay boy tindero. Tiningnan niya rin kami pabalik.

“Ano?” inosente niyang tanong. Natatawang lumapit naman sa kaniya si Bryant. Inakbayan siya nito at itinuro ang isang bond paper na nakadikit sa pader. Sign na ipinagbabawal ang uminom o kumain sa loob ng classroom.

“Tara sa labas?” pag-aya niya nang marealize na hindi kami pwedeng kumain sa loob.

Napailing naman si Gigi.

“Intayin niyo nalang maglunch guys”

“Gutom na ako” pagpipilit ni Bryant.

“Walang prof” dugsong naman ni boy tindero. Malamang ay sang-ayon siya sa paglabas namin dahil magsisimula nanaman siyang magtinda sa daan habang papunta kami sa Cafeteria.

Tiningnan sila ng masama ni Gigi.

“Boys bawal nga” natawa naman si Miles kaya tiningnan din siya ni Gigi.

“Nagbago na isip ko. Gusto ko narin magcafeteria” anito at dinampot ang bag, dire-diretsong lumabas.

Sumunod naman agad si Bryant kaya dinampot ko narin ang bag ko para sana umalis narin pero hawak na iyon ni boy tindero.

“Tara na?” ani niya bago ako hinawakan sa braso at marahang hinila pero hindi ako umalis sa kinatatayuan ko.

Nagtatanong niya akong tiningnan.
Napakamot naman ako ng ulo. Pagkatapos ay iyong noo ko naman ang kinamot ko. Pinanood niya lang naman akong magmukhang tanga. Si Gigi ay nakaalis narin.

“Bakit? May problema ba?” nag-aalala niyang tanong.

Napakamot ulit ako. Wala namang makati e. Bakit ba ako nagkakamot?

Tiningnan ko ang bag ko, nakasukbit na ito sa braso niya. Napatingin din siya dito.

Mas lumapit pa ako sa kanya at hinawakan ito pero hindi niya parin binitawan.

“Bag ko ‘to” sambit ko, hindi parin binibitawan ang bag.

Natawa naman siya.

“Alam ko, ako na magdadala” ani niya, nakangiti. Mas hinigpitan ko ang pagkakahawak sa bag ko.

May dala pa siyang isang eco bag ng paninda niya na paniguradong mabigat pagkatapos ay gusto niya pang dalhin pati ang bag ko.

Tiningnan ko siya, mukhang nasisiyahan sa nangyayari.

“Hindi ako baldado, hindi rin paralisado at hindi mabigat ‘yang bag ko “

Tae.

Ang haba ng sinabi ko.

“Ako na magdadala” ani niya, nagpupumilit.

Ito ba yung sinasabi niya na gusto niya ako?

Ang cringe naman.

“Gusto kong dalhin” sagot ko pabalik.

Binitawan niya rin naman ito pero nanatiling nakahawak parin siya sa braso ko habang naglalakad kami patungo sa cafeteria.

Hindi ko na makita sila Gigi.

Ang bilis naman nila maglakad.

“Teka sandali” ani niya at lumapit sa isang kumpol ng mga estudyante. Dahil nga hawak niya ako sa braso ay wala akong choice kundi sumunod sa kanya.

“Pre burger?” ani niya at ibinaba ang hawak niyang eco bag bago nakipaghigh five. Isang stainless na box ang nasa loob ng eco bag. Hindi ko alam ang tawag dito pero ganun ang itsura nito. Malamang ay ang burger na tinutukoy niya ang laman.

“Ayos Aled sakto gutom na kami” ani ng isang maliit na lalaki. Napatingin ako sa ID lace niya maging sa mga kasama niya.

Pito sila at lahat sila ay CIT o College of Industrial and Technology students.

Mukhang alam na nila ang presyo ng ibinebenta niya dahil hindi na sila nagtanong.

“Dalawa akin pre” ani naman ng isa na may katamtamang tangkad. Magkasing tangkad lang kami.

“Kuha lang ng kuha” sagot ni boy tindero, abala siya sa pagbibigay ng sukli. Dahilan kung bakit kailangan niyang alisin ang hawak sa braso ko.

“E siya? Magkano?” ani ng isang matabang lalaki at itinuro ako. Dalawang burger ang hawak niya.

Nginitian niya ako. Hindi naman nakakabastos ang paraan ng pagtingin niya, halatang nakikipagbiruan lang kaya ngumiti rin ako pabalik.

“Gago off limits” ani boy tindero. Bahagya niyang itinigil ang pagsusukli at lumapit sa akin. Inilayo ako sa harapan noong matabang lalaki at inilagay ako sa likod niya bago nagsimula ulit magsukli. Natawa naman ang mga lalaki.

“Tunay na ba ‘yan pre?” saad ng isa pa. Nakasalamin naman ang isang ‘to. Kumuha naman si boy tindero ng burger at ibinato dito na agad din namang sinalo.

Tumatawa parin sila.

“Sa isang araw mo nalang bayaran” tumango naman ito.

Akala ko’y aalis na kami nang hawakan niya ulit ako sa braso pero hinarap niya ako sa kanila pagkatapos ay dahan-dahang ibinaba ang sariling kamay sa may pulsuhan ko at itinaas ito sabay ngumiti ng nakakaloko bago kami umalis.

Naiwan naman iyong mga lalaki na nagsusumigaw.

May narinig pa ako na minura si boy tindero pero nakangisi lang siya at ipinagpatuloy ang paglalakad.

ChoiceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon