Kabanata 37

3 0 0
                                    

“Anak ako sa labas” ani ko, pilit ipinapaintindi sa kanya kung bakit hindi niya ako pwedeng mahalin.

Ayoko.

Natatakot ako.

Alam kong sinasabi niya lang ang mga bagay na iyon para pagaanin ang loob ko.

Tapos ano?

Sa huli ay matutulad lang ako sa aking ina na nabulag ng pag-ibig.

Ayokong mangyari iyon.

Mas mabuti pang mag-isa.

“Kahit maging anak ka pa ni Saitama dyan, mamahalin parin kita” presko niyang sabi, tinutukoy ang isang anime character na gumaganap na bida sa One punch man.

Nababaliw na ata ako. Kanina ay purong sakit lang ang nararamdaman ko dahil naaalala ko kung gaano kalupit sa akin ang mundo ngunit heto, isang walang kwentang banat niya lang ay natawa ako.

Kahit maging anak pa ako ni Saitama huh?

Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Masaya ba ako o malungkot?

Ang gulo.

“Merry Christmas!” pagbati niya nang hindi ako magsalita.

Tiningnan ko ang suot na relo. Nang hindi makita ang oras ay mas inilapit ko pa ito sa aking mukha ngunit bigo, nahihilo na ako at nanlalabo narin ang paningin. Sa huli ay sumuko nalang ako, ibinaba ang kaliwang braso at sinimulang manghula kung anong oras na.

“Merry Christmas din” hindi man sigurado kung anong oras na ay binati ko narin siya pabalik.

Hindi niya naman siguro ako babatiin kung hindi pa alas dose.

Sandaling binalot kami ng katahimikan. Ipinagpatuloy ko parin ang pagtungga ng alak. Bukas ay paniguradong tanghali na ako magigising pero iyon naman talaga ang plano ko. Ang hayaang lumipas ang pasko.

“Magkwento ka pa” maya’y sabi niya.

Ano namang ikukwento ko?

Kanina pa kami nag-iisa hindi ba siya nauubusan ng load?

“Ano namang ikukwento ko?”

Paskong pasko pero puro hinanakit sa buhay ang ikinukwento ko kanina.

“Kahit ano”

Natawa ako.

“Mga walang kwentang bagay lang ang maikukwento ko sa’yo believe me”

Totoo naman.

Palyadong-palyado ang communication skills ko at matagal ko na iyong tinanggap kaya nga’t mas pinipili ko nalang palagi ang tumahimik.

“Para sa’kin basta galing sa’yo may kwenta yun” hindi ko siya nakikita pero nang sinabi niya iyon ay naramdaman ko kung gaano siya kasinsero.

“Handa akong makinig Dimaano”

Hindi ko alam kung anong meron sa akin, kung anong mayroon sa pasko, sa ingay ng video oke ng kapitbahay at sa balat ng chichiryang nakakalat sa kwarto ko dahil nang marinig ko iyon, nang sabihin niya ang katagang iyon alam kong naniwala ako.Ayoko man aminin sa sarili pero napaniwala niya ako.

Binitiwan ko ang bote ng alak at tumingin sa kawalan.

Lasing na nga ata ako.

……..

“Anak nagdala ako nitong spaghetti tsaka iyong iba pang mga handa” aniya at sumilip sa loob. Niluwagan ko naman ng bukas ang pinto para makapasok siya.

“Kumain ka na ba? Nako tiyak na magugustuhan mo itong mga dala ko” dugsong niya, dire-diretso akong nagtungo sa kusina, sumunod naman siya sa akin.

Nang nasa kusina na ay siya na mismo ang naglabas ng mga dinala niya. Ako naman ay nakaupo lang, tulala.

Anong oras na ba? Kagigising ko lang e.

Kumuha siya ng pinggan at nilagyan iyon ng mga dala niya.

“Tikman mo iyan, masarap ‘yan” nakangiti niyang sabi bago iabot sa akin ang pinggan.

Ayokong nandito siya pero wala akong lakas upang siya ay ipagtabuyan. Idagdag pang masakit ang ulo ko.

Anong oras na ba ako natulog?

Tinanggap ko ang pinggan at nagsimulang kumain, wala naman siyang ibang ginawa kundi pagmasdan ako.

Inalala ko ang mga pinagsasabi ko kay boy tindero. Gusto kong sampalin ang sarili dahil doon.

Sa susunod na mag-iinom ako ay ilalayo ko na ang telepono sa akin, masyado akong madaldal kapag nalalasing, masyadong mahina. Lahat na ata ng hinaing ko sa mundo ay sinabi ko na sa kanya. Hindi ko tuloy alam ang gagawin kapag nagkita ulit kami.

Nakakainis.

Bakit kasi kailangan niyang tumawag nang ganoong oras?

“Anak” ani ng aking ama.

Nilingon ko siya, may gusto siyang sabihin ngunit mukhang tinatanya pa niya ang sitwasyon.

Hindi naging maganda ang pag-uusap namin noong nakaraan, iyon siguro ang dahilan.

Pero kailan ba naging maganda ang pag-uusap namin?

Sa tuwing bumibisita siya para kamustahin ako ay palagi iyong nauuwi sa pagtatalo.

“Siguro ay abala ka kagabi ano?” pagsisimula niya, sumusubok na gumawa ng pag-uusap sa pagitan naming dalawa.

Tumango lang ako.

“Naiintindihan ko kung bakit hindi ka nakapunta” umiwas ako ng tingin nang sabihin niya iyon.

Wala naman akong ibang ginawa kung hindi magpakalango sa alak.

“Pero sana ay makapunta ka na sa pagdiriwang namin ng bagong taon. Sabay natin iyong salubungin anak”

Hindi ako nagsalita.

Wala akong planong makisaya sa pamilya niya.

“Aasahan kita doon ha?” maya’y sabi niya at tumayo, nagbabadyang aalis kaya tumayo rin ako.

“Sandali”   pumanhik ako sa kwarto. Nang makita ang hinahanap ay kalmado akong naglakad pabalik. Naabutan ko na siya sa salas.

“Anak para sa iyo ‘yan” apila niya ng iabot ko ang bagay na iyon.

Ang sobre na dahilan kung bakit kami nagtalo noong nakaraan. Iniwan parin niya iyon sa may center table sa kabila ng pagtanggi ko noon at napansin ko lang iyon noong gabi na.

“Hindi ko kailangan ng tulong mo” pagmamatigas ko.

Hindi pa ba siya natututo?
Kung ayaw niyang mag-away kami dapat ay hayaan niya nalang ako!

Hinawakan niya ang kamay ko at nagsusumamo akong tiningnan.

“Anak, kahit ito lang, hayaan mo naman akong maging Daddy mo kahit ito lang anak, kahit sa paraang ganito lang”

Itinulak ko siya.

Nagsisimula nanamang uminit ang ulo ko.

“Kaya ko ang sarili ko, hindi ko kailangan ng pera mo” ani ko, pilit pinapakalma ang sarili.

Dapat pala ay hindi ko na siya pinagbuksan kanina.

Masisira lang ang araw ko.

Kinuha ko ang kamay niya at nilagay doon ang sobre bago tumalikod.

“Umalis ka na, hindi ko kailangan ng tulong mo”

Huminto ako nang may maalala.

“Huwag mo narin subukan pang iwanan pa ulit iyan dito kung ayaw mong mas magalit pa ako sayo”

ChoiceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon