Kabanata 41

3 0 0
                                    

"Good morning! " masigla niyang bati.

Alas sais palang ng umaga ay nangbubulabog na siya agad.

"Nagdala ako ng pandesal para sa agahan mo" dugsong niya habang nakangiting ipinapakita sa akin ang dalawang supot ng pandesal. Kung pagbabasehan ang suot niya ay nasisiguro kong katatapos niya lang magtinda.

"Pwedeng pumasok?" nag-aalinlangan niyang tanong nang mapansin ang hilatsa ng mukha ko.

Ilang segundo kaming nagtitigan. Siya na naguguluhan at ako na walang pakialam sa reaksyon niya.

Ano bang dapat kong sabihin sa kanya? Na hindi siya pwedeng pumasok dahil wala ako sa mood o dahil gusto kong mapag-isa?

"Ayoko" hindi ko sinasadya ngunit kusang lumabas ang salitang iyon sa bibig ko at sa hindi malamang dahilan ay ramdam ko ang lamig niyon.

"Bakit? Okay ka lang ba?" ang kaninang naguguluhan niyang mukha ay napalitan ng pag-aalala.

Agad akong napamura.

Bakas na bakas ang pag-aalala sa mukha niya na kahit sino ay kaya niyang mapaniwala. Umiwas ako nang sinubukan niyang kapain ang aking noo.

"Pagod lang ako, bye" pagkatapos bitiwan ang mga salitang iyon ay pinagsaraduhan ko siya ng pinto.
Walang pakialam sa reaksyon niya.

Dinampot ko ang aking cellphone nang ito'y tumunog ngunit agad din iyong binitawan nang makita kung sino ang tumatawag. Nang hindi ko iyon sagutin ay ang pagkatok naman niya sa may pintuan ang aking narinig.

Dumiretso ako sa kwarto para sana matulog ngunit hindi ko rin iyon nagawa. Sa huli'y nakita ko nalang ang aking sarili na tulalang nakatingin sa kisame. Ang totoo'y kagabi pa ako hindi makatulog. May ideya na ako kung anong dahilan ngunit ayoko paring tanggapin. Napahawak ako sa aking dibdib nang maalala ang dahilan kung bakit ako nagkakaganito.

"Akin lang 'yan, walang aagaw" pag-alala ko sa eksaktong kataga na aking nabasa.

Base sa dami ng nagreact sa comment ng babaeng iyon ay nasisiguro kong magkaparehas sila ni boy tindero. Magaling silang makisama kung kaya't bagay talaga sila at hindi malayong maging magkasintahan.

Naiinis ako sa sarili ko.

Nang malaman ko na bunga ako ng pagkakamali ay ipinangako ko sa aking sarili na hinding hindi ako gagaya sa aking ina ngunit heto ako't nakikipaglandian sa isang lalaking may nagmamay-ari na pala.

Ayoko siyang kausapin dahil naiinis ako. Hindi ko alam ang gagawin. Aminado akong napapalapit na ang loob ko sa kanya. Dapat ba akong umiwas? O marahil ay magpanggap na lang na wala akong alam? Nasampal ko ang aking sarili sa isiping iyon.

Anong magpanggap na walang alam?
Akala ko ba'y hindi ako gagaya sa aking ina? Agad akong bumangon nang maalala ang pangakong iyon sa aking sarili. Dinampot ko ang cellphone na kanina pa tumutunog at sinagot ang tawag. Hindi na ako nag-abalang tingnan ang caller dahil sigurado naman akong si boy tindero iyon dahil siya naman talaga ang kanina pa tawag ng tawag.

"Mag-usap tayo" ani ko. Handa akong gawin ang tama. Kung kinakailangan na layuan ko si boy tindero ay gagawin ko pero bago iyon ay gusto ko muna siyang kausapin. Hindi tama na magpakita siya ng motibo sa isang babae gayong may nobya na pala siya!

"Hello? Ito ba si Annika? Annika Dimaano? Ako si Thiago, iyong kapatid mo kay Thadeo Dimaano. Maaari ka bang pumunta dito sa ospital? Inatake si Daddy sa puso." dire-diretsong sabi ng kausap ko na nagpahina sa akin.

"Itetext ko ang address. Sana pumunta ka" ani nito bago pinatay ang tawag. Samantalang siya ay naiwan doon na nanghihina.

A-anong gagawin ko?

Napuno ng pag-aalala ang aking isip at nabalik lang ako sa reyalidad ng tumunog ulit ang aking cellphone.

Tinitigan ko ang caller ID. Ngayon ay si boy tindero na talaga ang tumatawag. Hindi ko alam kung saan nakuha ng aking kapatid ang numero ko ngunit hindi iyon ang mahalaga. Inatake sa puso si Daddy!

Nang matauhan ay agad akong tumayo at inayos ang sarili. Kailangan ko siyang puntahan.

"Dimaano, anong proble—" ani boy tindero na hanggang ngayon ay hindi parin pala umaalis sa tapat ng apartment namin. Hindi ko na siya pinatapos magsalita dahil si Daddy lang ang nasa isip ko.

Wala akong ideya na may sakit siya sa puso. Buong akala ko ay malusog siya. Iyon ba nag dahilan kung bakit parang pagod na pagod siya nang huli kaming magkita?

"Dimaano!" dinig kong sigaw ni boy tindero bago ako tumama sa kanyang dibdib.

"Ano bang nangyayari sayo? Muntik ka ng masagasaan!" nag-aalala niyang tanong habang masusing tinitingnan ang aking mga braso. Sa sobrang lakas ng pagkahila niya sa akin kanina ay natumba kaming parehas sa may gilid ng daan. Agad akong tumayo, pagkatapos ay pumara ng sasakyan na dumadaan. Nakaalis na ang sasakyang muntik makasagasa sa akin kaya wala ring silbi kung iisipin ko pa iyon. Kailangan ako ngayon ni Daddy.

Nang makasakay ako ng jeep ay wala akong ibang iniisip kundi si Daddy. Hindi ko rin maiwasan na sisihin ang sarili kapag naaalala ang mga pagtatalo namin. Hindi ko alam na may sakit siya sa puso, hindi ko alam. Iyon lang ang nasa isip ko sa buong byahe. Natauhan nalang ako nang madaanan namin ang ospital na tinutukoy ng kapatid ko kaya't agaran akong bumaba.

Pagdating ko palang sa tapat ng ospital ay napatigil ako. Gagawin ko ba talaga? Malaki ang posibilidad na makita ko ang mga taong matagal ko ng iniiwasan kapag itinuloy ko ito. Napakuyom ako ng kamao nang maalala ang kondisyon ni Daddy. May kasalanan din ako. Marahil ay pinapunta nila ako dito para sisihin na sa tingin ko ay nararapat lamang. Masyado kong pinasama ang kalooban ng aking ama nitong nakaraan kaya't dapat lang na harapin ko ang galit nila. Isa pa'y gusto ko rin makita si Daddy upang masiguro ang kanyang kondisyon.

"Andito ako, kapit ka lang" nabigla man ay nagawa ko parin siyang tingnan.

Sinundan niya ako hanggang dito at hindi ko manlang iyon napansin! Ganun na ba ako kalutang? Ibinaba ko ang aking tingin upang masdan ang kamay niyang nakahawak sa kamay ko. Bahagya niya iyong pinisil kaya't napatitig ako sa nakangiti niyang mukha.

"Sasamahan kita"

ChoiceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon