Chapter 2 Dreams

10.3K 494 64
                                    

"Love is like handling someone a gun, having them point it at your heart, and trusting them to never pull the trigger."


Celeste/Hannah POV


Habol ang hiningang napabalikwas ako ng bangon sa kama na halos maligo na sa sariling pawis. Isa na namang masamang panaginip ang napanaginipan ko. Hanggang kailan ito matatapos? Hanggang kailan ako nito guguluhin? Siya na naman... siya na naman ang napanaginipan ko. Ang magandang babaeng maayos na nakatirintas ang buhok habang nakatanaw sa dagat... pinapanood ako habang papalayo. Hanggang kailan niya ako tatantanan?

Ngunit ang kaibhan lang, malinaw ko ng nakikita ang galit sa kanyang mga mata. Hindi kagaya nitong mga nakaraan na malabo.

"Hannah!" Mabilis na bumangon mula sa kinahihigaan si Rachel ng mapansing nakaupo ako sa kama. Agad niyang binuksan ang lampshade sa ibabaw ng lamesitang nasa pagitan ng aming kama bago siyang lumapit sa akin. "Nanaginip ka na naman ba ng masama?" Puno ng pag-aalalang tanong niya.

Hinihingal pa ring tumango ako.

"Sandali lang." Tsaka nagmamadaling lumabas ng kuwarto.

Napapikit ako at kasabay ng pagbuntong-hininga ko ang pagsuklay ko sa aking buhok gamit ang mga daliri. Parang malinaw pa sa isip ko ang nakita kong galit sa kanyang mga mata. Hindi malinaw sa panaginip ko ang kanyang mukha pero alam kong maganda siya. Hindi ko alam, naguguluhan ako.

"Heto." Muling pumasok si Rachel sa loob ng kuwarto na may dalang isang baso ng tubig. Naupo siya sa gilid ng kama at iniabot sa akin ang hawak. "Uminom ka muna."

Agad kong kinuha ito sa kanya at ininom. Halos maubos ko ang laman nito. "Salamat." Sabi ko sa kanya ng muli niyang kinuha ang baso at inilapag sa ibabaw ng lamesita.

Si Rachel ang kasama ko dito sa boarding house. Siya ang kahati ko sa upa sa kuwartong kinaroroonan namin. Naging matalik ko na rin siyang kaibigan sa loob ng mahigit isang taon naming pagkakakilala.

"Nagiging madalas na ang pagdalaw ng masamang panaginip sayo ah." Nag-aalalang puna niya. "Tawagan mo kaya si uncle Clyde? Magpareseta ka sa kanya ng kagaya ng iniinom mong gamot noon."

Napailing ako. "Panaginip lang 'to." Pagpapanatag ko sa kanya. "Ayos lang ako. Mawawala din 'to."

Napabuntong-hininga siya ngunit hindi na muling nagpumilit pa. Alam ko namang nag-aalala lang talaga siya sa akin.

"Sige na, matulog ka na ulit." Sabi ko. "May pasok ka pa bukas."

Hindi siya tumalima. "Sigurado ka bang okay ka na?" Naniniguradong tanong niya.

Ngumiti ako ng tipid sa kanya. "Oo. Okay na ako. Panaginip lang 'yon."

Ilang segundo rin siyang hindi nakakibo habang nakatitig ng mataman sa akin. "Siya na naman ba?" Puno ng simpatyang tanong niya.

Ako naman ngayon ang hindi agad nakasagot. Nagbaba ako ng tingin at itinuon ang pansin sa mga kamay kong nasa ibabaw ng aking mga hita. Kapagkuwa'y ipinatong niya ang palad sa kamay ko dahilan ng awtomatikong pag-angat ng aking tingin.

"Tatawagan ko na ba si uncle Clyde?" Tanong niya.

Mabilis akong napailing-iling. "Please, don't." Maagap kong pagtanggi. "A-ayokong istorbuhin siya sa trabaho. Baka marami siyang pasyente."

Si Clyde ay tiyuhin ni Rachel. Isa siyang doktor sa isang kilalang ospital sa bayan.

Muli siyang napabuntong-hininga. "Sige," Parang napipilitan pang pagpayag niya. "Matulog ka na rin ulit."

Her Wayward WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon