-CEDRIC-
Maaga akong nagising dahil sa si-net kong alarm sa aking phone. Noong nakaraang araw kasi, medyo nahuli ako ng gising kaya ang resulta ay muntikan na akong mahuli rin sa klase ni Mr. Cruz.
Kaso...
*Bzztt... bzztt...*
Sabi na nga ba may magri-react sa ginawa ko.
"Cedric... nagulat ako sa alarm mo."
Napailing na lamang ako habang basa-basa ko ang reaksyon ng kaibigan kong si Mitch. Natatawa nga akong nagtitipak ng aking irereply sa kanya.
"Sorry na agad..." Then I hit send tsaka inilapag ang aking phone sa aking side table at nagtungong banyo para maligo.
---
As usual, matao pa rin sa hallway sa may ground floor habang papunta ako sa hagdan kung saan ako aakyat papunta sa ikaapat na palapag ng gusaling ito.
Naisip ko nga kung hindi ba sila napapagod na magkumpulan at magtsismisan dito? Kung ako sa kanila, kukunin ko ang bakanteng oras na ito para reviewhin ang magiging lessons ng aming guro para sa araw na ito.
Sa pinakadulo ng nagkukumpulang estudyante rito ay nahagip ng aking paningin ang dating bestfriend ko na si Andrew Dela Torre, na ilang araw ko ring hindi nakikita or nakakasalubong. Kahit na hindi na kami magkaibigan ay ipinagdadarasal ko pa rin na sana nasa maayos siyang kalagayan sa araw-araw.
No'ng nakita kong mapapadpad na rito ang kanyang tingin ay agad din akong tumalikod at nagmadali nang tumungo sa hagdan para umakyat.
---
Nang sa wakas ay nakarating na rin ako sa aming silid-aralan para lang sa aming Alpha Students, gano'n din ang naabutan kong eksena na parang maihahalintulad ko rin sa mga kaganapan sa ground floor.
Kanya-kanya rin silang grupo rito at nag-uusap tungkol sa mga bagay-bagay, pwera na lang sa aking kaibigang si Mitch na naabutan kong tulog sa kanyang silya, at si Kylie na abala sa pagbabasa sa isang nobela.
Pagkabukas ko naman ng pinto at pagkapasok sa aming silid-aralan ay napansin kong napatigil sa pag-uusap ang iba ko pang mga kaklase at napagawi ang kanilang tingin sa aking direksyon.
Siyempre hindi ko rin napalampas ang pagkakataong makita ang pagtingin ng epal na si Warren-- na kulang na lang ay patayin niya ako sa kanyang tingin-- pero minabuti ko na lang na dedmahin ito at magtungo na lang sa aking silya katabi ng antukin na si Mitch.
"Good morning Cedric!" masiglang bati ni Kylie sa oras na makaupo ako sa aking silya sabay lingon sa akin.
Nginitian ko naman siya sabay bati ng, "Good morning."
"Nakakapagtaka namang wala pa rito si Mr. Cruz." turan naman ng dalaga na siyang ikinakunot ng noo ko sabay tingin sa aking suot na relo sa aking palapulsuhan.
"Ngayong nabanggit mo 'yan, oo nga noh. Dapat ngayong oras ay andito na siya." tugon ko naman.
"Well, baka marami lang sigurong inasikaso." dagdag ko pa.
Napaisip naman itong kaibigan ko. "Baka nga."
Speaking of our teacher, maya-maya pa ay nakita na namin ang pigura ng aming class adviser na si Mr. Cruz na kasalukuyang pumasok sa pinto ng silid-aralan na para bang may bumabagabag sa kanyang isipan. Nagsiayos naman ang iba ko pang mga kaklase. Minarapat ko namang gisingin ang aking antukin na kaibigan na agad ding nagising at nag-ayos ng sarili.
"Good morning class." bati nito sa amin matapos niyang makarating sa kanyang teacher's desk.
"Nitong araw lang, may natanggap kaming balita mula sa aming technical team na may isang anonymous sender daw ang nagpadala ng isang threat na may layong ibulgar ang sikreto ng ating organisasyon."
Ang anunsyong ito ni Mr. Cruz ay nakapaglikha ng mga agam-agam mula sa mga kaklase ko dahilan para magsibulungan sila sa kani-kanilang mga silya.
"Gusto ko lamang ipaalala sa inyo ang parusa na inyong matatanggap sakaling susuwayin ninyo ang ikatlong rule na diniscuss ko sa inyo sa umpisa pa lang ng ating klase. Hindi lang kayo ma-e-expel sa section na ito... kundi maging sa Eastwood High mismo."
Pansin kong isa-isa kaming pinapasadahan ng tingin ni Mr. Cruz, as if tinitingnan ang kada reaksyon namin sa kanyang sinabi.
"Kaya kung sinuman sa inyo ang may gawa nito... mabuti pa't huwag niyo na lamang ituloy habang maaga pa."
Matapos ang huling pahayag ni Mr. Cruz ay dinig ko naman ang pag-side comment ng aking katabing si Mitch sa akin.
"Well, alam naman nating lahat kung sino ang may kakayahan upang gawin ang bagay na iyon 'di ba?" sabi niya.
"Huh? Sino?" kunot-noong tanong ko naman.
"Eh sino pa ba, kundi ang mayabang na si Warren. Siya lang naman ang may property sa atin na tungkol sa teknolohiya." pabulong niyang tugon.
Napaisip din ako sa kanyang sinabi.
As much as possible ay ayaw ko ng nang-aakusa. Pero may punto rin itong kaibigan ko. Wala nga sa amin ang may kakayahang mag-manipula ng teknolohiya kundi siya lamang.
"Bukod doon class ay may isa pa akong mahalagang anunsyo." dagdag pa ng aming guro na siyang nakapag-patahimik sa aking mga kaklase.
Nang tumahimik na sila ay saka siya nagpatuloy.
"Sa susunod na linggo na pala gaganapin ang annual School Festival event ng Eastwood High. Lahat ng sections sa eskwelahang ito ay required na maghanda ng isang booth or isang mini-event para sa mga darating na bisita. Bilang isang Alpha Student, awtomatikong sa inyo na ibibigay ang malapad na activity room sa ground floor para sa ihahanda ninyong mini-event."
Marami ang nagalak sa anunsyong ito ng aming class adviser. Pati ako ay nasasayahan din dito. Kauna-unahang beses naming lahat na makisaya sa gaganaping School Festival ng Eastwood High.
"Para diyan ay ako na ang bahala." mayabang namang tugon ni Warren sabay smirk.
Napatingin naman sa kanya si Mr. Cruz. "Magaling! Mabuti pa't makipag-cooperate kayo sa inyong batch leader ng sa gano'n ay matapos ninyo ang ihahanda ninyong event para sa darating na School Festival."
Matapos ang dalawa niyang anunsyo ay sinimulan na rin ni Mr. Cruz ang pagdi-discuss para sa topic namin sa araw na ito.
---
Pagkatunog ng aming school bell bilang hudyat sa pagtatapos ng aming klase para sa araw na ito ay agad ding nagdismiss ang aming guro sa aming last subject at nagpaalala ng aming takdang aralin na kailangan naming ipasa bukas sa kanyang klase.
Pagkaalis ng nasabing guro ay agad na ring nagsitayuan ang aking mga kaklase sa subject na ito at nagsi-alisan na rin sa silid-aralan, habang ako naman ay abala pa rin sa pag-aayos ng aking mga gamit sa aking bag.
*Bzztt... bzztt...*
Napatigil ako sa pag-aayos ng aking mga gamit ng maramdaman kong nagvibrate ang aking phone sa loob ng aking bag kaya agad ko itong inabot para tingnan kung sino ang nag-message. Nagulat ako ng makatanggap ako ng isang SMS galing sa isang hindi kilalang number.
Maghanda kayo Alpha Section sa nalalapit niyong katapusan, sapagkat mailalantad na rin sa buong eskwelahan at pati na rin sa buong mundo ang tinatago ninyong sikreto...
-Anonymous Sender-
Tila natigil naman ako sa paggalaw at napatitig sa aking phone ng ilang segundo bago ako ulit matauhan.
Sino naman kaya ang magngangahas na makakagawa ng ganitong bagay?!
BINABASA MO ANG
Alpha Section
Science FictionAng Alpha Section ay isang naiibang grupo na inorganisa ng aming eskwelahan- ang Eastwood High- na kung saan, ayon sa mga nagkalat na haka-haka sa buong campus, ang mga pinaka-matatalinong estudyante lamang ang nakakapasok. Subalit wala sa amin ang...