Kilala si Badong bilang nangungunang pabling sa San Fabian. Pilyo at maloko. Walang babae ang hindi nahuhumaling sa angking kakisigan ng binata. Ngunit nagbago ang lahat ng masilayan ni Badong ang magandang anak na dalaga ng Gobernador ng kanilang bayan, si Maria Soledad Mariano. Pag-ibig sa unang pagkikita. Unang beses pa lamang nasilayan ni Badong si Soledad ay sadyang nahulog na ang kanyang mapaglarong puso dito. Mula noon ay wala nang ibang babae sa kanyang paningin maliban kay Soledad lamang. Nagkaroon siya ng pagkakataon na makipagkilala dito nang idaos ng kanilang bayan ang Kapistahan. Sa gabi ng sayawan, sa pagtatangka ni Badong na maisayaw ang dalaga, isang tagpo ang kanyang naabutan na naglagay kay Soledad sa panganib. Nagawa ni Badong na iligtas ito sa nobyo nitong nagtangka itong pagsamantalahan. Mula nang gabing iyon ay pinangako ni Badong sa kanyang sarili na hindi siya hihinto hangga't hindi nakukuha ang puso ni Soledad. Tila sinagot ng langit ang kanyang dalangin. Ang minsan pagligtas niya rito ang naging simula ng maganda nilang pagtitinginan. Sa paglalim ng pag-ibig nila sa isa't isa, sinubok ng tadhana ang kanilang pag-ibig nang mariin tutulan ng ama ni Soledad ang pag-iibigan ng dalawa. Pinaglaban nila ang pagmamahalan kaya't humantong sila sa desisyon na magtanan. Ngunit sa pagsisimula ng buhay nila bilang mag-asawa, dumating ang ikalawang digmaan pandaigdig na nagbago sa takbo ng kanilang buhay at ng buong San Fabian.