Umabot sa pandinig niya ang ugong nang tumigil na sasakyan.
Tumigil sa pagtipa ng keyboard ang mga daliring nababalot sa itim na gwantes. Kumilos ang mapanuring mga mata. Pinasadahan uli ni Puting anino ang sinimulang kabanata. Nakontento siya sa ginawa kaya nangingiting pinindot niya ang save button.
Tumayo na siya at lumayo sa harap ng laptop ni Chrystal. Lumapit siya sa bintana at bahagyang hinawi ang kurtina. Naging malapad ang ngiti niya nang makumpirmang dumating na ang hinihintay niya.
Mabilis pero tahimik. Maingat. Inilang hakbang niya ang pagitan ng kwarto at sala. Saglit lang na tinapunan niya ng tingin ang walang buhay na matandang babae nang papasok na siya ng kusina. Nakaupo ito sa sahig at nakasandal ang likod sa dingding. Nakadilat pa rin ang mga mata nito habang natatakpan ng natuyong dugo ang kalahati ng mukha nito. Kung hahawakan lamang ay malalamang lamog ang ulo nito sa ilang beses na pagkauntog. Paulit-ulit.
Tumalungko si Puting anino sa harap ng matanda. Tinitigan ang mga walang buhay na mata.
“Nandiyan na ang alaga mo 'ya.” mahina at dahan-dahan ang ginawa niyang pananalita. “Namimiss ka na siguro. Huwag kang mag-alala. Magsasama kayo uli. Hindi na nga lang dito.” Hinawakan niya ang baba nito para iharap sa kanya. Inilapit niya nang husto ang sarili niyang mukha. Tumawa siya ng mapakla. “Sa kabilang buhay na.”
“Ya? 'San ka?” Nag-echo sa kabahayan ang boses ni Chrystal. Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Puting anino sa patalim. Tumayo na siya at iniwan ang matanda. Nakakabingi ang kabog ng kanyang dibdib. Hindi dahil sa takot sa balak niyang gawin. Nahihirapan siyang maghintay. Gustong-gusto na niyang ibaon ang patalim sa katawan ni Chrystal pero kailangan niyang ayusin ang lahat. Kailangan niyang maging maingat.
“Yaya?” Base sa lakas ng boses, nasa gitna ng sala si Chrystal. Nanatiling nakadikit ang likod ni Puting anino sa pader ng kusina. Mano ba't pupunta rin doon si Chrystal. Pero hindi. Hindi na siya makapaghintay. Ikiniskis niya ang patalim sa pader. Gumawa iyon ng matinis na tunog. Ginawa niya iyon ng paulit-ulit. May ritmo. Sumasabay sa paglipas ng segundo. Tumigil sa pagtawag si Chrystal. Nanahimik ang buong bahay at tanging ang ingay na ginagawa ng patalim sa pader ang maririnig. Napangiti si Puting anino. Nararamdaman niya ang takot ngayon sa dibdib ni Chrystal. Halos naririnig niya ang pigil at malalalim na paghinga nito.
Nasa loob ng kwarto si Chrystal nang marinig ang kakaibang tunog na iyon. Tumigil siya sa pagtawag sa kanyang yaya. Inaninag niya ang pinagmumulan ng tunog. Natukoy naman niyang sa kusina iyon galing. Hindi lang niya mawari kung ano iyong gumagawa ng ganoong tunog. Biglang umahon ang matinding kaba sa dibdib niya. Kung nasa kusina lang ang yaya niya, bakit hindi ito sumasagot? Nanatili siyang nakatayo habang titig na titig sa pinto. Nabibingi siya sa lakas ng kabog ng kanyang dibdib. Nanghihina ang kanyang mga tuhod. Tahimik siyang nakinig. Nakiramdam.
Isang minuto siyang ganoon ang ayos. Sa wakas ay tumigil ang pag-ingit ng kung anong bagay sa kusina. Lakas-loob na humakbang siya palapit sa pinto. Sino ang nasa kusina?
Napasinghap siya nang may parang nabasag na bagay. Sigurado siyang hindi iyon galing sa kusina. Parang may hinagis na kung ano sa pader malapit sa pinto.
“Y-yaya?” umurong siya at nagulat nang tumama sa gilid ng kama ang mga binti niya. Nawalan siya ng balanse at pabagsak na napaupo. Nagkukumahog siyang tumayo. Hindi siya pwedeng manatili roon.
Tinakbo niya ang pinto. Kailangan niyang makahingi ng tulong--- “Argh!” tumama sa dibdib niya ang isang mabigat na bagay. Nawalan agad siya ng panimbang. Sapo niya ng kanang kamay ang tinamaang dibdib habang sinubukan niyang alalayan ang sarili sa pagtayo gamit ang kaliwang kamay. Hindi pa siya tuluyang nakakahuma nang may humawak sa mga paa niya at hilahin siya. Sumigaw siya. Malakas. Umaasang may makaririnig. Nagkakawag ang mga kamay niya, pinipilit kumapit sa kahit na anong bagay. Bigla ay naramdaman niya ang pagsabunot sa kanyang buhok. Ipinasak sa bibig niya ang isang rolyo ng tela. Dinaganan din siya mula sa likod. Pinilit niyang abutin at kalmutin ang nasa likod niya pero halos hindi niya ito maabot. Napakabigat nito at nananakit pa rin ang dibdib niya. Hindi nito pinagkaabalahang itali ang mga kamay niya.
BINABASA MO ANG
Puting Anino
Mystery / ThrillerKill... Write... Send Sino si Puting Anino? [First Alex Gonzalez novel]