XXXI. End of Feb (The Assault)

375 9 1
                                    

Malayang nakakakilos si Puting Anino kasama ng mga nakikiusyoso sa naganap na krimen. Natagpuan ng isang basurero ang katawan ni Sanchez. Gaya ng dati, hinintay lamang niyang may makakita sa bangkay at saka siya magpapakita rin sa lokasyon ng krimen.

Ikinatutuwa niya ang makita ang reaksiyon ng mga tao. Nagugustuhan niya ang takot sa mga mata nila. Ang mangilan-ngilang naduduwal kapag nakikita ang kanyang obra. Ang ingay ng nagluluksang kamag-anak. Higit sa lahat, gusto niyang naririnig ang mali-maling hula ng mga tao kung paano, sino at bakit pinatay ang biktima. Masarap sa pakiramdam na siya lang ang nakakaalam ng katotohanan.

Si Santos na ang magiging huli. Hindi nga dapat niya ito papatayin pero nanlabo ang isip niya nang makita ang mensaheng naipadala nito kay Alex. Higit kanino man, alam niya ang kakayahan ni Alex. 

Nararamdaman niyang hahanap-hanapin ng katawan niya ang pagkitil ng buhay pero hindi niya pwedeng sirain ang kwentong matagal na niyang binuo sa isip. Dito na magtatapos ang kwento ni Puting Anino. Mababaon na at hindi na mahuhukay kailanman.


 Ika-28 ng Pebrero, 2015// 6:31 ng umaga

"Marco, anong lagay ni Santos?"

Napaatras si Alex. Kalalabas pa lamang niya ng tricy. Una niyang nakita ang kaibigan habang kausap nito ang isa sa mga miyembro ng forensic. Sunod na nahagip ng paningin niya ang katawan ni Santos.

Kasalukuyang minamaniobra ang police car para mailayo dahil nasa ilalim nito mismo ang katawan ng pinaslang. Saktong tumambad ang kabuuan ng katawan ni Santos. Maging si Marco napangiwi din nang sundan nito ang tingin ni Alex.

Napisa ang ulo ni Santos. Patagilid ang pwesto niyon at mukha nito ang nakatapat sa direksiyon nina Alex. Madilim na butas na lamang ang dati ay kinalalagyan ng mga mata nito, nabali ang ilong at ang malaking bahagi ng bibig ay nalapnos. Nagkalat sa paligid ng ulo ang karamihan sa mga ngipin habang kalahati na lamang ng dila ang nakaluwa mula sa bibig ni Santos.

Mula sa mga dugong kumapit sa gulong ng sasakyan, masasabing sinagasaan ang ulo nito ng paulit-ulit.

Nagtaka si Alex. Nasaan na ang marka ni Puting Anino? Hindi ba't mukha lang ng biktima nito ang iniiwang malinis habang ang katawan ang minomolestiya?

Hindi pa naman masasabing si Puting Anino ang may kagagawan ng pagkamatay ng dati nilang kasamahan. Pwedeng may nakabangga si Santos sa pamamalagi nito sa Cagayan. Posible ring---ito ang contact nila sa kaso ni Laurie. Iyon lang ang pinakamatatag na anggulo ngayon.

"Mabuti nakarating kayo agad. Kumusta ka na?" hindi inalis ni Marco ang diretsong pagkakatingin sa kanya. "Condolence, pare."

"Salamat. Si Hagos. Nanghiram ng helicopter. Malakas sa ninong niya ang loko. Lumapag kami malapit dito. Uuunahin niyang pumunta sa hospital na pinaglagakan kay Laurie." Inginuso ni Alex ang katawan na ngayon ay maingat nang sinisiyasat. "Mukhang nanlaban si Santos." Mula sa kinatatayuan napansin ni Alex ang basag na salamin ng police car. Nagsimula siyang humakbang. Sumabay sa kanya ang kaibigang doktor. Muli naalala niyang itanong ang tungkol sa insidente sa parking lot isang taon na ang nakararaan. Dati na bang magkakilala sina Mariella at Marco?

"...Dalawin mo minsan si..."

"Natagpuan din dito si Laurie kanina."

Napalingon si Alex sa kasama. " Paano siya nakarating dito?" Sa likod ng isip niya, mas malaking tanong kung paano ito nakaalis ng hospital sa Makati.

Nagkibit-balikat lang si Marco. "Natagpuan siyang nakaupo sa gilid ng sasakyan. Tulog. Sugat-sugat ang mga kamay."

"Kung ganun kalalaking bato ang binuhat niya para mambasag ng salamin ng sasakyan..." Itunuro ni Alex ang umpok ng mga bato sa bandang gilid ng kalsada. "Magsusugat talaga ang mga kamay niya." 

Puting AninoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon