May 5, 2013// 1:16 ng umaga
Sigaw. Matinis na sigaw. Ang tunog ng metal laban sa kapwa metal. Malakas na alog. Umiikot ang paligid. Tumitilapon ang mga bubog. Katahimikan. Matinding kirot. Kadiliman.
Bumuka ang mga bibig ni Don Luis para sa isang sigaw pero walang tunog. Unti-unti siyang humugot ng hangin. Halos hindi kumurap ang kanyang mga mata.
Magkasunod na pumasok ang babae at lalaking kapwa nakasuot ng puting uniporme. Puti rin ang dingding na katapat ng kamang kinahihigaan niya. Nasa hospital siya.
Muling dumaan sa isip niya ang mga tagpong nakita niya bago siya magkamalay.
Lumapit ang doktor sa tabi niya. Itinapat nito ang mga kamay sa kanyang mukha. Nang makita sigurong nagreresponde ang kanyang mga mata ay tumango-tango ito.
“Don Luis?”
Nilingon niya ang doktor.
“Naaalala mo ba kung anong nangyari sayo? Alam mo ba kung bakit ka nandito?”
Lumipat ang tingin niya sa nurse na matamang nakatingin din sa kanya at naghihintay ng sagot.
Sa pagkakataong iyon, parang eksena sa sinehang nabuo ang mga imahe sa puting dingding ng hospital.
Pauwi sila mula sa bar na pinagdausan ng kaarawan ng isa sa mga barkada nila. Nakita niya ang sarili sa harap ng manibela. Ang kambal niyang si Nikko Luis ay nakaupo sa tabi niya habang nakaangat ang mga paa at masayang sumasabay sa tugtog mula sa stereo ng sasakyan. Nandoon din si Laurie na tahimik na nakaupo sa likod. Paminsan-minsan ay nakikisabay siya sa pagkanta. Napapangiti naman si Laurie sa sintunadong boses nila. Naaliw marahil ito kaya sa chorus ay nagpalakasan na silang tatlo ng boses. Sabay silang nagkatawanan ng matapos ang kanta.
Noon sumulpot ang truck mula sa kabilang direksiyon. Mabilis. Nakakasilaw ang liwanag. Mabilis niyang kinabig ang manibela pero huli na. Hinigit si Don Luis ng seatbelt kaya halos madurog ang mga buto sa dibdib niya sa higpit niyon. Nahagip ng mga mata niya sa salamin ang pagkakahampas ng katawan ni Laurie.
Umikot pa ang sasakyan. Umusad hanggang sa bumangga sa poste ng kuryente.
Humampas ang ulo ni Don Luis sa manibela. Bumaon din ang ilang piraso ng bubog sa dibdib niya. Nang mag-angat siya ng mukha, tahimik na ang paligid. Nahihilo pa rin siya. Una niyang napansin ang nakayukyok na ulo ni Nikko Luis. Hindi parin ito kumikilos. Gayun din si Laurie na pabaluktot ang ayos sa likod ng sasakyan.
Nahirapan siyang kalasin ang seatbelt dahil basa ng dugo ang mga kamay niya maliban sa nanginginig ang mga iyon. Nang sa wakas ay bumigay ang seatbelt, itinulak niya ang pinto ng kotse at saka tinungo ang pinto sa likod.
“Laurie...” tinapik niya ang binti ng dalaga. Iyon kasi ang malapit sa pinto. Padapa ang ayos nito sa upuan, nakasandal ang ulo sa kabilang dulo habang nakalaylay ang kaliwang kamay. Pumasok si Don Luis nang hindi ito kumilos.
Pagkatihaya kay Laurie, saglit na natigilan si Don Luis. Balot na balot ng dugo ang mukha ng babae. Tiyak na may sugat ito sa ulo. Lalo niyang ikinabahala ang piraso ng salamin na nakatarak sa kanang balikat nito. Umaagos ang dugo mula roon pababa sa nakalaylay na kamay ng dalaga. Pumapatak-patak pa ang dugo mula sa daliri nito.
“A-ayos lang ba siya?”
Napalingon si Don Luis. Nagkamalay na si Nikko Luis. Nakatunghay ito sa kanila pero naririnig ni Don Luis ang paghila nito sa seatbelt. Nahihirapan siguro itong tanggalin iyon.
BINABASA MO ANG
Puting Anino
Mystery / ThrillerKill... Write... Send Sino si Puting Anino? [First Alex Gonzalez novel]