XIV. Hours to Death

230 12 3
                                    

“Nakasunod pa rin ba?”

Pasimpleng sinulyapan ni Steve ang itim na Subaru sa side mirror ng minamanehong kotse. Napailing siya. Nakailang liko na sila pero nakabuntot pa rin sa kanila ang itim na sasakyan. Mga limang kotse ang layo nito ngayon.

 “Baka nagkataong pa-Makati area din yung driver.” pinipilit niyang hindi maalarma. May kalayuan naman ito sa kanila kaya posibleng hindi talaga sila sinusundan.

 Nakita niya ang pagyakap ni Chrystal sa sarili. Halatang medyo kinikilabutan na ito. Gusto sana niyang biruin ito na baka delayed lang ang reaction ng driver. Baka may gustong sabihin kaya hintuan na nila pero hindi maganda ang timpla ng kaibigan. Baka masinghalan lang siya.

 “Dumiretso na muna tayo sa prisinto.”

 “Malayo pa---”

 “Bilisan mo kasi.” may kalakasan ang boses ni Chrystal pero kulang sa tapang. Halos manginig na ito.

 “Opo, mahal na prinsesa.” nakangising sagot ni Steve. Inirapan lang siya ni Chrystal.

 Sinulyapan niya uli ang side mirror. Nakapagtataka. Nangingilabot din siya kapag napapatingin sa sasakyan. Pakiramdam niya tumatagos sa tinted na harapan ng kotse ang tingin ng driver. Pakiramdam niya sa tuwing titingin siya ay nakatingin din ito sa kanya.

 Iniliko niya uli ang sasakyan. Bumilis na ang takbo nila. Bahagyang lumuwag na ang traffic. Nag-overtake na siya sa ibang mga sasakyan. Parang kusang naaalarma ang sistema niya. Ayaw man niyang aminin, nangingilabot din siya. Ang nakakatawa, walang rational na dahilan kung bakit niya iyon nararamdaman. Ni hindi nga pinatulan ng driver si Chrystal kahit nagwala ito kanina. Isa pa nasa kahabaan sila ng EDSA. Hindi sila pwedeng galawin nang walang makakakita.

“Anong kulay?”

 “Itim nga ho, mamang pulis! Ilang beses na naming inulit ha. Bingi ba kayo o ano?” naiiritang sagot ni Chrystal. Sa wakas ay narating nila ang prisinto na walang nangyayaring masama.

 “Pasensiya na. Ano bang ginawa sa inyo?”

Nagtinginan sila. Si Steve ang sumagot. “Wala naman hong direktang ginawa samin. Yung patakbo lang ho niya. Masyadong mabilis kaya muntikan niyang masagi yung kotse ko.”

 “Hay, naku! Mga bata kayo. Hala, sige irerecord ko ito.” lumingon ito kay Chrystal. “Sa susunod huwag din masyadong mainit ang ulo.” nagkamot ang matandang pulis.

 Nakahinga naman si Chrystal. Hindi naman siya ganun. Nairita lang talaga siya sa manager niyang bakla. Turuan ba naman siyang magsinungaling.

 “Ok, ka na?” si Steve. Gaya ng dati, kahit sa ganitong mga oras, nakangiti pa rin ito.

 “Oo. Ikaw?”

 Tumango lang ito.

“Teka.” si mamang pulis ulit. “Napansin niyo ba 'yung plaka ng sasakyan?”

 Kung babalikan ang nangyari, tumigil iyon sa harap nila. Noon bumaba si Chrystal para katukin ang bintana ng kotse.

 “Hindi ho namin napansin kasi--” hindi naituloy ni Steve ang sasabihin dahil biglang humirit si Chrystal.

 “Parang naalala ko. JRX52...” pumikit si Chrystal. Naglalaro sa isip niya ang plaka ng sasakyan pero malabo sa bandang huli. Hindi niya matukoy kung ano iyong huling numero. “Hindi ko matandaan yung huli.”

 “Aba--”

 “Pero sigurado ako diyan sa JRX52.” depensa niya.

 “Sige. Ipapacheck ko 'to sa records ng Land Transportation Office. Itim na Subaru ka niyo? Makapal ang tinta ng mga bintana. JRX52. Hindi bale 1 to 9 lang naman ang posibleng numero sa huli.” tumawa si mamang pulis.

Puting AninoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon