XX. "Laurie, Laurie..."

209 13 2
                                    

Ika-23 ng Marso, 2015 // 8:15 PM

"Nandito na tayo sa tapat ng bahay mo, Laurie."

Tila naaalimpungatang iginala ni Laurie ang tingin sa paligid. Nasa loob pa rin siya ng kotse ni Mariella. 


"Napagod ka siguro. Magpahinga ka ng maayos. Sigurado dudumugin ka ulit bukas. Remember 7 am tayo sa MOA." Si Nikki. Nakisabay ito sa kanila tutal ilang kanto lang naman ang layo ng inuuwian nito mula sa bahay niya.

Tumango lang si laurie bilang sagot sa paalala nito. 


"Bessie, sorry ha. May pinuntahan daw kasing importante si Alex. Pero kung nandun lang yun, nakapasok sana tayo." Si Mariella. Tumawag kasi ito sa prisinto para ipaalam na gusto nilang dalawin si Luis pero naging pulido ang pagtanggi ng nakausap na pulis. Nasa special assignment daw si Alex at puspusan ang paghihigpit kay Luis. Nagbaba na ng court order na hindi ito pwedeng tumanggap ng bisita.


"Naiintindihan ko." Matamlay pa ring sagot niya. "Sige, mauna na ako." 


"Laurie, yung book signing ulit bukas sa MOA ha." Narinig niyang hirit ni Nikki pero nagpatuloy lang siya sa paglabas ng kotse. Pakiramdam niya pagod na pagod siya.

Maayos naman siyang nakapasok sa loob ng bahay niya. Nanatili siyang nakasandal sa dahon ng pinto. Nakatanga sa paligid. Halos hindi rumerehistro sa kanya ang kaubuan ng sala. Dahan-dahan siyang dumausdos at naupo sa sahig. 

Napakatahimik ng buong bahay. Madilim. Lalo niyang naramdaman ang pag-iisa niya. 
Unti-unting pumatak ang kanyang mga luha. "Luis..." paulit-ulit niyang sambit sa pangalan ng kaibigan. 


Nagsimula uling pumintig ang magkabilang gilid ng kanyang ulo. Tumitindi ang sakit hanggang sa naisabunot na lang niya uli ang kamay sa mahaba niyang buhok. Sa higpit ng hawak ay halos humiwalay ang mga buhok sa anit niya pero hindi niya iyon alintana. Masyadong maraming bagay ang nagpapalit-palitan sa pagsulpot sa utak niya. Mayroong mukha ni Luis na nakangiti pagkatapos ay kotseng itim. Maya-maya pa ay may nakikita siyang dugo. Umaagos, maraming dugo. Kinakapos siya sa paghinga. Patalim... may umiiyak.

 "H-huwag! Tama na! Huwag... huwag!!!"


Hilam na sa luha ang buo niyang mukha. Namamanhid na rin ang ulo niya. Masyadong mainit sa pandama ang likidong umaakyat sa katawan ni Laurie. Higit sa lahat, halos bumukas na ang dibdib niya sa nararamdamang lakas ng pagbayo ng kanyang puso. Alam niyang nasasaktan at nalulungkot siya. Sobrang nalulungkot.


"Laurie..."


Narinig ni Laurie ang ginawang pagtawag sa pangalan niya. Sa loob-loob, kilala niya ang may-ari ng boses. Unti-unti siyang nag angat ng mukha.

"Laurie..." 


Napakaamo ng mukha ng taong kaharap niya. Nakatayo ito sa gtna ng sala. Mukhang nasasaktan din ito sa paraan ng pagkakahulma ng ekspresyon sa mukha. Naaawa. Naaawa ito sa kanya. Pinilit ngumiti ni Laurie. Pinangako pala niyang hindi siya magiging iyakin. 


Nakita niyang inilahad ng lalaki ang kanang kamay nito.  Tumayo si Laurie at marahang pinahid ang sariling luha gamit ang likod ng kanyang kamay.


"Luis?"


Ngumiti lang ang lalaki at saka naglakad palayo. Nagtataka man, sinundan ito ni Laurie.

"Luis?" Kusang humahakbang ang mga paa niya. May kung anong napigtas na bahagi ng utak niya. Hindi siya nagtaka nang buksan ng lalaki ang malaking aparador sa dulo ng sala at pumasok doon. Sumunod pa rin si Laurie na para bang matagal na rin siyang pumapasok doon. 


Isa pang pinto ang nasa likod ng aparador. Pagpasok doon ay may panibagong kwarto. Naninilaw ang puting kumot sa kama. Walang ibang piraso ng gamit maliban sa mesa na may ilang bote ng gamot at pitsel ng tila tubig. Inaagiw at maalikabok ang buong paligid. Hindi iyon nakikita ni Laurie. Lumapit siya sa kama at nasisiyahang humiga roon. Nangingiting naluluha pa rin siya.

"Luis... huwag mo na akong iiwan ha." Bulong niya sa katabi. Yumakap siya rito at isinubsob ang mukha sa dibdib nito. 


"Hindi." Balik bulong ng lalaki. "Hindi kita iiwan." 


Kontentong ipinikit ni Laurie ang mga mata at nakatulugan na ang pagod at bigat ng dibdib.


Kung titignang mabuti, sa kabila ng payat na katawan at luhaang mukha, napakaganda ni Laurie para sa maduming paligid ng kwarto. Nakakapagtakang ang pabango niya ang naamoy niya laban sa mabahong amoy ng naagnas na laman lalo na at ang pinagmumulan ng matinding amoy ay ang hugis taong nababalutan ng patung-patong na kumot sa kanyang tabi. Ang kanyang Luis. Ang walang buhay niyang Luis na magdadalawang taon ng nahihimlay sa tagong kwarto na iyon.

~»~»~»~Ika-24 ng Marso, 2015 // 5:45 PM


Sa prisinto, sa loob ng isang selda, iyong may pinakamakakapal na bakal, naroon at nakayukyok sa sahig ang tinaguriang Puting anino.


"Francisco! Kumain ka na." 


Nagmulat ng mga mata si Luis. Nakita niya ang pinggang ipinasok sa espasyo sa pagitan ng bakal at sahig. May kanin, munggong masabaw at sardinas. Ipinikit niya uli ang mga mata. Mas kailangan niya ng tulog. Bago pa siya tuluyang igupo ng antok, naglaro sa isip niya ang mukha ng babaeng dahilan kung bakit niya tinitiis lahat ng iyon.

"Laurie…”

Puting AninoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon