Ikatlong araw mula nang makalabas ng hospital si Laurie. Hindi na niya gaanong naiisip ang laman ng sulat. Kung sumasagi man iyon sa isip niya, hindi na rin ganoon kalaki ang takot niya kay Puting Anino.
Paminsan-minsan ay nanonood siya ng balita. Mainit pa rin ang tungkol sa mga patayang naganap. Pinakainteresante para sa kanya ang manunulat ng nobelang naglalarawan sa bawat pagpatay. Kung tama ang pagkakaintindi niya sa report, nauunang naa-update ang kwento sa Wattpad bago niya natatanggap ang email.
Tumawag din ang isang Arriane Ceres nang nagdaang gabi. Humihingi ng interview. Hawak na ng mga ito ang kopya ng emails na nareceive niya mula kay Puting Anino. Nagpaumanhin pa ito sa nangyaring panghihimasok sa laman ng inbox niya. Wala naman itong dapat ipaliwanang dahil alam niyang hindi malalaman ng mga pulis ang tungkol sa emails kung hindi dahil kay Maxine. Inilarawan kasi ni Arriane ang babaeng nakausap ng mga ito. Nang tanungin niya ang buong pangalan ng babae ay saka niya nakumpirmang si Maxine nga talaga iyon.
Kasalukuyan siyang naghuhugas ng pinagkanan ng agahan nang tumunog ang doorbell.
Pinunasan niya ang kamay at saka tinungo ang pinto sa sala.
“Good morning! Senior Inspector Arriane Ceres. Kasama ko si PO1 Eduard Billaron at SPO1 Dante Sanchez.”
Unang napansin ni Laurie ang nagpakilalang si Arriane. Matapang ang dating nito pero imposible ring di mapansin ang ganda nito.
“Good morning! Tuloy kayo.”
Pinapasok niya sa sala ang mga bagong dating. Nag-alok siya ng kape na sinang-ayunan naman ng mga ito.
“Mag-isa ka lang dito?” Si Arriane ulit. Lumilinga-linga ito.
Naconscious si Laurie sa ginawang pagmamatyag ng mga ito sa paligid. Pakiramdam niya may kriminal sa loob ng bahay niya.
“O-oo.”
Hinayaan nilang mailapag niya sa mesa ang tatlong mugs ng kape bago nagsimulang magtanong ang mga ito.
“May ideya ka ba kung bakit ikaw ang pinadadalhan ni Puting Anino ng mga emails?”
Umiling siya. “Matagal ko na ring tinatanong iyan sa sarili ko.”
“Anong pagkakaintindi mo sa alias ng killer?”
Natahimik nanaman siya. Umiling. “Hindi naman pwedeng maging puti ang anino. W-wala talaga akong ideya. Pasensiya na.”
Inabot ni Arriane ang magkabilang kamay niya. “Hindi ka namin pipilitin. Wala ring tama at maling sagot. Kami ang humihingi ng tulong dito.”
Hindi napigilang sulyapan ni Laurie ang dalawang pulis sa tabi ni Arriane. Nakangiti rin ang mga ito.
“Kung ano ang nasa isip mo, sabihin mo. Pwedeng ikaw lang ang makatulong sa amin para makilala ang killer. Manunulat ka. Manunulat din iyong gumawa ng kwento sa Wattpad at pwede ring siya ang gumagawa ng krimen para maging makatotohanan ang mga nangyayari sa kwento niya. Sa tingin mo ba...”

BINABASA MO ANG
Puting Anino
Mistero / ThrillerKill... Write... Send Sino si Puting Anino? [First Alex Gonzalez novel]