Ika-30 ng Enero, 2015 // 8:45 ng umaga
“Chrystal, kain na! Ikaw na bata ka wala ka nang ginawa kundi kalikutin yang laptop mo ha.”
Hindi natinag si Chrystal. Nanatili siyang nakatitig sa monitor. Mag-aalas nuwebe na iyon ng umaga. May pasok pa siya ng alas onse. Kumukuha siya ng Mass Communication sa PUP.
Gaya ng nakagawian, dirediretso ang yaya niya sa pag-angat ng mga blinds ng bintana. Kung hindi nito iyon gagawin baka maghapon siya sa harap ng laptop niya.
“Nakahain na iyong almusal mo. Maligo ka na at bumaba ka agad pagkatapos.”
“Opo.” wala sa sariling sagot niya.
“Chrystal!”
Napaigtad si Chrystal. Paano'y sa tabi ng tenga niya ito nagsalita. “Ano ba yan ya! Nanggugulat ka naman.”
“Hindi mo naman kasi ako pinapakinggan. Ano ba iyang binabasa mo?” Lalo nitong inilapit sa screen ng laptop ang mukha. Napangiti si Chrystal. Matanda na nga pala ang yaya niya. Nakatandaan na nito ang pag-aalaga sa pamilya. Bigla niya itong kiniliti. Nagpumiglas naman habang nakatawa ang yaya niya.
“Tama na. Tama na.”
Tumigil naman siya. “Naku. Sumasakit ang katawan ko sayong bata ka.” kunwari ay reklamo nito.
“Ang kulit mo kasi ya.”
“Aba! Eh, sa araw-araw na kinukulit kita wala namang nagbago. Tuloy lagi kang late. Kung nandito si Eloisa...”
Nagbaba ng tingin si Chrystal nang mabanggit ang pangalan ng mommy niya. Ilang taon na kasi silang hindi nagkikita. Sa ibang bansa kasi ito nagtatrabaho.
“Ano nga ba iyong pinagkakaabalahan mo? Wat-wattpad ba iyon? May natapos ka naman bang kwento?”
Nagliwanag ang mukha ni Chrystal. “Oo naman ya. Umabot na nga sa one million yung reads ng ginagawa kong kwento. O, diba?”
“Sus, lagi ka namang nalilipasan ng gutom dahil diyan. Hala, mag-ayos ka na at nang makakain ka na rin. Bilisan mo.”
“Opo, ya.” hinalikan niya sa noo ang matanda. Kampante naman itong lumabas na ng kwarto.
Binalikan ni Chrystal ang laptop. Unang tumama sa paningin niya ang karaniwang mukha ni kamatayan sa sulok ng pahina ng kwentong binabasa niya sa Wattpad.
Sampong minuto pa. Tatapusin lang niya hanggang Chapter 8. Gusto niya kasing malaman kung sino ang susunod na biktima? At makakatanggap ba iyong bida ng sulat gaya ng dati tungkol sa krimeng mangyayari?
~~~Ika-27 ng Enero, 2015 // 11:57 ng umagaNapatayo ang mga pulis sa lounge nang pumasok si Alex. Sumaludo agad ang mga ito. Tumugon naman siya. Alam niyang napansin agad ng mga ito ang init ng ulo niya.
“Where is Agent Hagos?”
Nagtinginan muna ang mga ito. Mula sa pinto ng kalapit na opisina ay lumabas si Arianne Ceres. Senior Inspector Arianne Ceres. Babae. Babaeng matinik pa sa lahat ng nadatnan niyang pulis sa kwartong iyon.
“Nasa sariling kampo niya. Naghahanda para sa party niya mamayang gabi. Para siyang tanga.”
“Party?” napakunot noo si Alex.
BINABASA MO ANG
Puting Anino
Детектив / ТриллерKill... Write... Send Sino si Puting Anino? [First Alex Gonzalez novel]