XIX. Killer's Hints

237 14 4
                                        

Ika-23 ng Marso, 2015 // 7:50 AM

Maaliwalas ang mukha ni Laurie. Book signing ngayon sa Megamall. Excited siya dahil tiyak na hindi na siya mabuburo sa upuan niya gaya ng nangyari last year nang maghost ang publishing company na kinabibilangan niya. Isa sa tatlong pinakamabebentang nobela ang gawa niya nitong nagdaang mga buwan kaya't nakikinikinita na niyang dadagsain siya. Sa sobrang excitement ay maaga siyang humiga kagabi. Matapos sagutin ang tawag ni Luis ay agad na siyang pumasok ng kwarto at hindi na itinuloy ang panonood ng balita. Importanteng maging maaliwalas ang mukha niya kapag nilapitan na siya ng mga tumatangkilik sa nobela niya. Kailangang makita ng mga ito ang pagiging mabait at palakaibigan niya.

Kasalukuyan siyang bumababa ng MRT nang tumunog ang cellphone sa shoulder bag na dala niya. Nakipaggitgitan muna siya sa pila. Tatlong beses na tumunog at namatay ang ringtone bago niya iyon nasagot. Mahirap kasing maglabas ng cellphone sa mataong lugar. Lunes pa naman kaya dagsa ang tao sa MRT. Nang nasa harap na siya ng Megamall ay saka lang niya binagalan ang lakad para masagot ang telepono.
Numero ang nakarehistro sa screen.


"Hello! Sino po sila?" 


[Laurie Asuncion?] Sa boses, tiyak niyang lalaki ang tumatawag.


"A-ako nga. Sino to?" Napapakunot noo si Laurie. Lalong bumagal ang lakad niya.


[Si Alvin Ventura ito ng IBV news. Iimbitahan sana kita para sa isang live interview. ] Biglang lumakas ang kabog ng dibdib ni Laurie. Dahil kaya sa sales ng nobela niya kaya siya inaanyayahan sa interview. May mga mambabasa siya na gumawa pa ng blogs para sa romance novel niya. May isang linggo rin na nagtrending iyon sa social media. Kung nagkataon, magandang pagkakataon ang interview para mapromote pa ang ibang mga gawa niya.


"P-para saan ang interview?" Siyempre mas masarap pa rin pakinggan mula sa iba ang laman ng isip niya.


[Tungkol sa relationship mo sa mass killer na si Luis Francisco ] Parang sinabuyan ng malamig na tubig ang buong sistema ni Laurie. Hindi agad rumehistro sa utak niya ang narinig o mas tamang ayaw iyong tanggapin ng utak niya. 


[Miss Asuncion, nadiyan ka pa ba?]


"O-oo. Sinong k-killer?" Parang natatangang tanong niya sa nasa kabilang linya.
[Pasensiya na Miss Asuncion kung nagulat kita. Alam naman ng lahat na pati ikaw ay hindi nakakakilala sa nagpapadala sayo ng mga emails. Gusto lang naming makuha ang panig mo lalo na at ayon sa mga kasamahan niyo ay close daw kayo ni Francisco--] 


"A-anong?! Anong pinagsasasabi mo?" Nalilito. Naiinis ang tono ni Laurie. Hindi niya ikinubli iyon sa kausap.


[Are you not aware? Hinuli na ang killer na nagpapadala sayo ng emails. Hawak na ng mga pulis si Puting anino.] Tumawa ang lalaki. [Kagabi lang hinuli si Luis Francis--]
Hindi pinatapos ni Laurie ang sinasabi ng kausap. Sumigaw siya. Naramdaman niya kasi ang biglaang pag-iinit ng pisngi. Tila namanhid din ang kanyang katawan. Itinapon niya ang cellphone at maging ang shoulder bag ay dumulas na rin mula sa kanyang balikat. Pumipintig ang kanyang ulo at parang babaliktad ang kanyang sikmura.

"N-no! NO! " Ramdam niya ang mainit na likidong gumagapang sa kanyang katawan at sadyang napapabilis sa pintig ng kanyang puso. Naisabunot niya ang dalawang kamay sa nakatirintas na buhok. Nagmistula iyong hindi sinuklay ng tatlong buwan.

"N-not here, Laurie" Napatalungko siya. Nagsasalin sa pagsabunot at pagngatngat ng daliri si Laurie. "L-look at what you've done?" Pinipilig niya ang ulo na parang may kausap at matamang pinagsasabihan. "No! No! N-not again." Mangiyak ngiyak siya habang bumubulong-bulong. Pinagtitinginan na siya ng mga taong naghihintay sa pagbubukas ng Megamall.  

Puting AninoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon