MARAHANG kumikilos sa loob ng kabahayan ang dalawang lalaking parehong nakaitim. Nakaparada sa malapit ang itim na van. Hindi lingid sa kaalaman nilang nasa hospital si Laurie pero hindi sila pwedeng mapansin ng mga kapit-bahay nito kaya't ingat na ingat pa rin sila. Isa pa'y magtataka ang sinumang mapadaan kung bubuksan nila ang ilaw kaya't nangangapa silang pareho.
“May nakita ka ba?” halata na ang pagkabagot sa boses ng lalaking mas maliit ang katawan.
“Wala. Mahirap talagang maghanap ng hindi mo alam. Dito ka na muna. Tatawagan ko si boss.”
Tumango lang ang isa. Hindi rin naman hinintay ng lalaking malaki ang katawan ang magiging sagot niya. Agad nitong kinapa ang daan papasok sa banyo ng kwarto. Doon siya pwedeng magsalita ng mas malakas sa bulungan nila.
Tatlong ring lang at nasa linya na ang boss nila. “Boss, ano ba talagang hinahanap namin?”
“Mga ugok talaga kayo! Yung kopya ng sulat na nakita niyo sa laptop niya.”
“Eh, yung laptop na lang kaya, boss. Kahit may password kayang-kaya naming pasukin yun.”
“Hindi pwede. Hindi niya dapat malaman na may nagmamatyag sa kanya. Hindi kayo dapat gumalaw ng kahit na ano diyan na walang kinalaman sa sulat.”
Napakamot ng ulo ang lalaking malaki ang katawan.
“...kailangang makuha natin ang kopya noon bago pa niya dalhin sa mga pulis...”
“Dito ka lang.” kumapit si Laurie sa kaliwang bisig ni Luis. “Huwag mo akong iwan. Hindi ko kaya.” tumutulo ang mga luha niya. Nanghihina ang buo niyang katawan. Higit sa lahat, takot na takot pa rin siya.
Umupo ulit si Luis sa tabi ng hospital bed. Hinaplos niya ang mga palad ni Laurie at saka ito nginitian. Trying hard to assure her that he'll never leave her. Not ever.
“Pahinga ka na ulit.” Hinawi nito ang ilang hibla ng buhok na tumakip sa mukha ni Laurie. “Dito lang ako.”
“Promise?”
“Promise.”
Hinila pang lalo ni Laurie ang mga bisig ni Luis. Niyakap iyon. Parang batang nagsumiksik. Humuhugot ng lakas mula sa kanya. Hinayaan niya ito. Di nagtagal at dahan-dahan din itong iginupo ng antok. Nanatiling nagmamatyag si Luis sa maamong mukha ng kaibigan.
Sa conference room ng police headquarter sa Makati, asiwang nagsasalita ang babaeng umano ay may hawak ng buong kwento ng mga pangyayari sa dalawang magkasunod na patayan. Ang baguhang reporter na si Chrystal at si Senior Inspector Arriane Ceres ang naroon para isagawa ang interview sa babae. Ang ibang officers ay nasa labas at pinanonood sa monitor ang ginagawa nilang interrogation.
"Paano namin malalamang hindi mo gawa-gawa itong laman ng sulat?” si Arriane.
"May time nang pagkakasend at pagkareceive ng email sa mismong inbox sa yahoo. Hindi ko 'yon pwedeng i-edit.” Mataray na sagot ng babae. Medyo mainit ang ulo nito. Nagpaschedule siya ng interview sa channel 2 kaso ito nga at nalaman ng mga pulis ang impormasyong hawak niya kaya't inimbitahan muna siya rito sa prisinto. Oh, gosh! Prisinto?
“Kailan pa nakakatanggap iyong kaibigan mo ng mga ganito klase ng email?”
“Natanggap niya yung first email nung mismong araw ng pagkamatay ni De Nierro. Ganun din 'yung email tungkol kay Bernadette. Parehong hapon niya natanggap. Kanina nga hinimatay pa siya.” bahagyang natawa ang babae sa puntong iyon. “Ang arte kasi talaga ng Laurie na 'yun.”
“Anong pangalan?” si Chrystal.
“Laurie. Err...”
“Kapangalan ba?” bumaling si Arriane kay Chrystal.
“H-hindi. Walang Laurie sa kwento sa Wattpad. P-pero L ang initial ng first name niya.”
Naintidihan agad ni Arriane ang gustong ipahiwatig ni Chrystal. Binalingan niya ang babae. “Anong surname ni Laurie?”
Nagkamot ang babae. Tila nababagot. Bakit ba nila kailangang pag-usapan ang mortal enemy niya?
"Laurie... Laurie Asuncion.”
“May wattpad account ba siya?”
“Aba malay ko? Ni hindi nga kami nag-uusap ng babaeng 'yon--” natutop niya ang bibig. “I mean, medyo may tampuhan kasi kami.”
“Magkaibigan ba kayo o hindi?” Tumigas ang anyo ni Arriane. “May pahintulot ba siya sa kopyang hawak mo? O baka naman, sine-set-up mo lang siya?” kinuyom niya ang palad para lalong manginig ang babae.
“Eh kasi...” kinagat nito ang pang-ibabang labi.
“Invasion of privacy. Alam mo bang--”
“Tumutulong na nga ako tapos ako pa ngayon ang masama? Wala naman siyang balak bigyan kayo ng kopya.”
“Kaya pala mas inuna mong magpa-interview muna kay Boy Abunda nang makuha mo yang kopya. Gusto mong tumulong sa imbestigasyon ng mga pulis huh?” nanunuyang turan ni Arriane.
Natahimik uli ang babae. Maya-maya ay tumayo ito. “Aalis na ako.” Inihagis niya ang dalawang piraso ng papel na naglalaman ng printed na email ni Puting anino kay Laurie. “Kung gusto niyo ng impormasyon sa kanya na kayo magtanong. Walang kwenta. Basta talaga may kinalaman sa baabeng 'yon!” Nanggigigil pa rin itong lumabas. Hindi na nila ito pinigilan. Wala namang grounds na pwedeng ikonsidera para mai-detain nila ito.
Pumasok sa kwarto si Major Ricarte. Agad na sumaludo si Arriane. “Kumusta ang imbestigasyon?”
Sinenyasan muna ni Arriane si Chrystal para lumabas bago sumagot. Nakaintindi naman ito.
“Closed door killing.”
“What do you mean?” nangunot ang noo nito.
“Malinaw sa CCTV kung kailan lumabas pero hindi ang pagpasok ng killer. Nireview na ng team ang kuha 24 hours prior sa pagpatay, hindi posibleng nagtago sa loob ng CR ang killer ng higit pa sa mga oras na iyon.”
“Paano kung ganun nga ang ginawa niya?”
"We are not completely omitting that possibility. Further analysis though, shows na kaya napatay iyong dalawang college students ay dahil nakasalubong at namukhaan nila ang killer. Kung dati nang nasa loob ang killer, hindi na sana sila kinailangang mamatay dahil pwedeng si Richard De Nierro na lang ang abangan sa loob.”
“What about Bernadette Quizon?”
Arriane flashed a smug smile. “She's Richard's mistress.”
The old horse finds it amusing. Sa isip-isip ni Arriane. Huling-huli kasi niya ang pagngiti ni Major Ricarte.
“Naungkat ng mga assets natin ang madalas na pagsasama ng dalawa sa mga bar sa Q. C. May sex video rin sila sa isang porn site. Iniingatan ng investigative team na hindi makalabas lahat ng iyon sa media at imaximize na muna sa paglutas ng kaso.”
Tumango-tango si Ricarte. Naglalaro ngayon sa isip niya kung anong kinalaman ng dalawa sa pagkamatay ni Allison De Niero. Pwedeng si Richard ang nagpapatay kay Allison para makasama na nito ang kabit. Sino ang nagpapatay kay Richard na maaaring may galit din kay Quizon?
Napabuntong-hininga ang matandang Chief Inspector. Saktong itatanong niya si Alex nang iluwa ito ng pinto ng interrogation room.

BINABASA MO ANG
Puting Anino
Misterio / SuspensoKill... Write... Send Sino si Puting Anino? [First Alex Gonzalez novel]