:XXIX. No Escape

262 13 8
                                        

Ika-27 ng Pebrero, 2015// 8:20 ng gabi

 “Kumusta ang kaso? A-absweltuhin na ba si Luis?” tanong ni Alex. Nasa labas siya ng memorial house kung saan pinaglalamayan si Mariella. Kausap niya sa telepono si Arriane.

  [Wala pang matibay na ebidensiyang makakaabswelto sa kanya. Isa pa, pwede siyang kasuhan sa ginawa niyang pagtatago ng mga ebidensiya.]

  “Kung mapatunayang may sakit nga sa utak si Laurie...”

 [ Ang batas ay BATAS. Sa kalagayan niya, baka ni hindi magkaroon ng hearing ang kaso. Kinontak na yung mental hospital na dating pinagpasukan sa kanya, pumayag na doon siya dalhin pansamantala kapag nagkamalay na.] paliwanag ni Arriane.

  “May natanggap na ba tayong kopya ng medical record niya?”

  [May dumating na mula sa Cagayan. Nilakad ni Santos. Hindi pa siya umuuwi mula nang pumunta kayo. Siya ang naging contact natin sa probinsiya ni Laurie. Yung hospital ngayon dito sa Makati ang hindi pa nagbibigay.]

  Tumango-tango si Alex kahit alam niyang hindi iyon nakikita ng kausap sa kabilang linya.

  “Ano namang balita sa pagkamatay ni Dr. Fuentes?” tanong uli ni Alex. Nakayuko lang siya. Hawak ng kanang kamay ang cellphone habang nakasuksok sa bulsa ng pantalon niya ang kaliwa.

[Gaya ng iba biglaan ang pagpatay sa kanya. Mabuti at ayaw ng mga anak niya ng eskandalo kaya tinapalan nalang yung ibang mga pahayagan para hindi na maglabas ng kung anu-anong balita tungkol sa pagkamatay ng nanay nila. Tutulong naman daw sila sa imbestigasyon dahil gusto rin nilang malaman at makulong kung sinong pumatay.]

 “Ganun ba?”

 [Kumusta ka naman?]

 “Para saan ‘yung email na ipinadala mo?”

 Hindi agad sumagot si Arriane. Nakailang buntong-hininga ito bago muling nagsalita. [Wala ako sa posisyon para sabihing sana maayos ka na. Ang akin lang trabaho. Isa pa, ngayong sangkot si Mariella, sana mas nagpupursige kang malaman kung sino si Puting Anino. ]

 Si Alex naman ngayon ang nanatiling tahimik. Nagpatuloy si Arrianne. [Sana makapasok ka bukas. Kailangan ka sa prisinto. Ikaw ang inaasahan ng lahat para matapos ‘tong gusot na ‘to.]

 Wala pa ring nakuhang sagot si Arriane. Ang mabibigat na paghinga lang ni Alex ang naririnig niya.  [Sige. Dadaan ako diyan bukas. ]

Tatlong minuto nang wala sa linya si Arriane pero nakadikit pa rin sa tenga ni Alex ang cellphone. Nakailang lingon siya sa pinto ng memorial house. Kita mula doon ang kabaong ni Mariella. Muli, nagtalo ang isip niya kung mananatili ba siya sa tabi nito o uunahing hanapan ito ng katarungan bago mailibing.

 Ipokrito. Hindi niya kailangang manatili sa tabi ni Mariella dahil noon ngang nabubuhay ito ay madalas na wala silang panahon para sa isa't-isa. Hindi mapupunan ng pananatili niya sa tabi ng kabaong nito ang mga panahong iniwan niya ito sa gitna ng date, hindi nadalaw dahil sa biglaang kaso, o ng pauli-ulit na pagkapostpone ng engagement nila. Lahat ng mga simpleng bagay na iyon ang unti-unting kumakain sa konsensiya niya ngayon.

Independent si Mariella. Isa iyon sa mga katangian nitong hinangaan niya. Alam din niyang hindi siya ang unang lalaki sa buhay nito. Kahit kailan hindi naman niya naungkat ang bagay na iyon. Ang importante siya ang kasalukuyan at sana ay hinaharap kung hindi ito kinitlan ng buhay. At siya? Inagawan ng bukas.


Ika-27 ng Pebrero, 2015// 8:44 ng gabi

 Pasipol-sipol si Santos habang naglalakad papunta sa nakaparadang police car.  Nasa kahabaan siya ng Kalye Komersiyo. Bumili siya ng ilang personal na gamit dahil hindi pa rin niya tiyak kung hanggang kailan siya sa probinsiyang iyon.

Puting AninoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon