Ika-24 ng Marso, 2015 // 8:40 ng gabi
Naalimpungatan si Laurie. O baka mas tamang sabihing bumalik siya sa katinuan. Unang napansin niya ang amoy ng parang naagnas na laman. Sunod ang bulto ng nabalot na kung ano sa tabi niya. Doon nanggagaling ang nakakasukang amoy. Bigla siyang napatayo pero agad din siyang napakapit sa gilid ng kama at saka naupo sa sahig. Nahihilo siya. Dalawang araw siyang hindi kumain. Hindi niya alam iyon kaya laking pagtataka niya nang sabay-sabay na rumehistro sa sistema niya ang pagod, gutom at bigat sa dibdib. Huling naalala niya nang makaharap niya si Mariella. Ang gulat sa mukha nito.
Si Luis... tama! Nakulong daw si Luis.
Inangat niya ulit ang tingin. Pinakatitigan niya ng husto ang hugis-taong nakabalot sa tela. Katabi lang niya iyon kanina.
Madumi tignan ang telang nakabalot pero sa ilang bahagi ay may bakas ng tumagos na pulang likido. Parang sa tuyong dayon na nga ang kulay pero kung pakatititigan mong mabuti, malalaman mong dugo iyon na natuyo at nilipasan na ng taon. Napaatras siya, napapailing habang pagapang na lumalayo sa kama. Nang hindi na niya makaya ang takot, sumigaw siya ng malakas. Pinipilit niyang tumayo pero nanginginig ang mga tuhod niya. Malapit na siya sa pinto ng kwarto nang maramdaman ang parang napigtas na ugat sa bandang likod ng kanyang ulo. Lalong lumakas ang sigaw niya. Umiiyak din siya sa pagitan ng pagsigaw. Sinasabunutan nanaman niya ang sarili. Nang hindi niyon mabawasan ang sakit, inumpog niya ang ulo sa pinto. Paulit-ulit hanggang sa umagos ang dugo sa gilid ng kanyang mukha. Maya-maya nagbago ang paligid. Naglaho ang maduming kwarto sa paningin niya.
“Huwag kang makulit. Dapat inaalagaan mo 'tong mukhang 'to dahil ito ang mukhang makikita ko sa bawat umagang gigising ako sa tabi mo.”
“Bakit hindi mo nalang sabihing napapangitan ka sa mukha ko?”
“Believe me. You are beyond beautiful.”
Wala sa sariling pinahid ni Laurie ang sariling dugo sa gilid ng kanyang mukha at saka mabilisang inayos ang nagulong buhok. Naririnig niya ang boses ni Luis. Nag-e-echo iyon sa utak niya.
Nasa harap niya ito. Ang kanyang Luis. Dahan-dahan nitong pinapahiran ang gasgas sa kanyang noo. Napangiti si Laurie. Nangako nga pala itong hindi siya iiwan. Hinding-hindi siya iiwan.
"Laurie! Laurie! Nasan ka, neng?"
Tatlong kapitbahay ni Laurie ang nagpasyang pumasok para tignan kung anong nangyari at sumisigaw siya. Nagdala ng baseball bat ang batang lalaki.
"Wala dito." Nagtatakang sigaw ng matandang lalake. Kalalabas nito ng kwarto. Kasalukuyan namang inaayos ng babaeng nasa edad trenta ang nagkalat na laman ng bag ni Laurie sa sala.
"Wala rin dito." Anunsiyo ng binatilyo. Sakusina at banyo siya galing.
"Noong isang araw ko pa huling nakita iyong batang 'yon a. Pumasok lang dito, hindi ko naman napansing lumabas."
"Ay, baka hindi mo nga lang napansin." Sagot ng matandang lalaki.
"Aba! Kung ganun sino yung sumisigaw kanina? Anong problema mo, JR?" Puna ng matandang babae sa binatilyong kasama. Napapatakip kasi ito ng ilong habang tinitignan ang sarili sa salamin sa gilid ng aparador.
"Ang baho kasi. May binabagoong ‘ata dito." Turo niya sa aparador. Nagkatinginan ang dalawang matanda.
Unang lumapit ang lalake. Napansin niya agad na mabaho nga sa parteng 'yon. Hindi lang basta mabaho. Nakakasuka. Tipong mapapaisip ka kung anong bagay ang hinayaang mabulok para mangamoy ng ganoon.
Akmang bubuksan niya ang aparador nang biglang bumukas ang pinto sa sala at malakas na humampas iyon sa kalapit na pader. Dalawang pulis ang nalingunan nila. Nakatutok ang mga baril ng mga ito. Pumasok ang pangatlong pulis kasama ang isa pa nilang kapitbahay.
"Anong ginagawa niyo rito?"
~>~>~>Ika-24 ng Marso, 2015 // 11:01 ng gabi
“Para saan ‘yan? Iwan mo na dito.”
Umiling ang lalaking may dala ng brown envelope. “Bilin lang, boss. Iabot ko raw mismo kay Senior Inspector Arrianne Ceres.”
Nagkamot ng ulo ang matandang desk officer. Kinuha pa rin niya ang envelope, kinapa at saka muling ibinalik. “Diretso. Yung pinakadulong opisina.”
“Salamat.”
Tumango ang desk officer at saka muling tinapunan ng tingin ang dalawang nakaitim na lalaki sa gilid. Kahahatid lang nina Billaron sa dalawang lalaki. Mga traffic violators daw. Nasa labas pa ng prisinto ang itim na van na dala ng mga ito at kasalukuyang sinisiyasat ng mga kapwa niya pulis.
“Kakausapin kayo mamaya ni Arriane. Huwag kayong gagawa ng hindi maganda. Pinapaalala ko lang, nasa prisinto kayo.”
Tumingin lang ang dalawa. Hindi sila nagkomento.
***
Sa loob ng opisina, kunot ang noo ni Arriane habang binabasa ang kinalabasan ng laboratory tests.
“Sigurado ba kayo dito?”
“Ma’am, delivery boy lang ho ako. Hindi naman ho ako taga-forensic. Anong alam ko diyan.”
Pilosopo. “Sige. Salamat.”
Nakatayo pa rin si Arriane hanggang sa makalabas ng pinto ang lalaking naghatid ng resulta. Napapailing siya. Imposible. Wala ni isang fingerprint ni Luis sa mga ginamit sa pagpatay. Wala rin sa katawan ng mga biktima. Dead skin? Buhok na aksidenteng nahulog? Nabaling kuko? O kahit na maliit na patak ng dugo ng pumapatay?
Wala.
Hindi man lang kaya siya nahirapan? Hindi man lang ba nanlaban ang mga biktima? Napakaperpekto naman ng ginawa niya. Pero kung hindi nga talaga siya…
Ibinabalik niya ang report sa loob ng envelope nang may makitang isa pang papel sa loob. Hindi niya agad iyon napansin. Nakatupi kaya parang mas maliit tignan kaysa sa unang papel na hinugot niya.
Lalong nalukot ang noo niya sa nabasa. Hindi iyon parte ng report pero pinagkaabalahang idagdag. Sa ibaba ng papel ay nakapirma ang isang Dr. Saturnina N. Fuentes. Kilala niya ang matandang doctor. Ito ang pangulo ng Forensic Association sa bansa. Ang team ng doctor ang umako sa laboratory tests na kailangang isagawa sa lahat ng may kaugnayan sa kaso ni Puting anino. Hindi niya akalaing hands-on ang doctor sa ginawang pagsisiyasat. Kinuha niya ang numerong katabi ng pangalan ng doctor.
Ang nagpakilalang sekretarya ng sadyang doktor ang sumagot sa tawag ni Arriane.
“Kailangan kong makausap si Dr. Fuentes.”
“Sino ho sila?”
“Senior Inspector Arriane…”
“Inspector! Ibinilin po ni Doktora kanina na kung tatawag kayo sabihin kong nasa lab pa siya.” Napapaisip si Arriane. Inaasahan ng doktora na tatawag siya?
“Kung gusto niyo raw makipagkita available siya bukas ng umaga. Eight AM sa Greenfield District.”
“Bakit doon?” Pwede namang puntahan niya mismo sa opisina nito para hindi na siya lumabas ng Makati. Dapat bang itago ang pagkikita nila?
“Hindi ko po alam.”
“Okay. Pupunta ako.” Pagbaba niya ng cellphone, nasulyapan niya ang nakapatay na laptop sa kanyang mesa.
Naalala ni Arriane ang pinag-aaralang e-mail bago pa magkagulo sa prisinto kaninang dumating si Alex. Kopya iyon ng e-mail na ipinadala sa account ni Laurie. Ipinahack niya ang YahooMail! ng babae para makuha nilang lahat ng pwedeng gamiting ebidensiya laban kay Luis. Ang kaso, habang dumarami ang ebidensiya, lalong lumalayo ang mga iyon kay Luis. Iba ang itinuturo. Iba ang lumalabas na katauhan sa likod ni Puting anino.
BINABASA MO ANG
Puting Anino
Mystery / ThrillerKill... Write... Send Sino si Puting Anino? [First Alex Gonzalez novel]