Love letter (Prologue)

888 26 13
                                        

To: laurieXC@yahoo.com

From: Putinganino3@ymail.com

CC: Ella

Ella... Ella...

 Maaga kang pumasok sa opisina kanina. Sobrang aga kaya siguro akala mo mag-isa ka. Mali. Nandun din ako. Sumusunod. Pinagmamasdan ka. Gaya ng dati, matamis ang ngiti mo sa mga gwardiyang bumati sayo. Tama. Ngumiti ka dahil 'yan na ang huling ngiting maibabahagi mo sa kanila.

 Maraming manghihinayang. Maraming magtataka. Huwag kang mag-alala, balang araw makakalimutan ka rin nila.

 Masyado kang mabait at palaging masaya. Madamot ang mundo. Hindi mo ba nahalata? Siguro hindi. Sa mga kagaya mo, hindi uso ang hirap. Ang nakikita mo lang ay iyong maganda. Kaya kaninang umaga... a, Ella... Ella.

 Sumakay ka ng elevator. Inakyat ko naman ang hagdan. Naging maingat ako. Pinilit kong hindi makagawa ng ingay. Hayun nga at inabutan kitang sinususian ang pinto ng opisina mo.

 Pinagmasdan kita. Hinintay ang tamang pagkakataon. Gusto kong makita mo ako kung kailan hinding-hindi mo inaasahan. Gusto kong makitang manlaki ang mga mata mo sa takot.

Hindi ako nabigo. Ni hindi ka nakasigaw.

 Ibinaon ko agad ang patalim sa dibdib mo. At habang pinipilit mo akong itulak, banayad kong hinaplos ang iyong pisngi. Nararamdaman ko pa rin hanggang ngayon kung gaano kakinis, gaano kalambot ang balat mo.

Itinulak mo ako palayo... pero hindi. Gusto kong pagmasdan ka habang hirap na hirap sa paghugot ng hininga. Ang mga mata mong matagal kong hinangaan ay lalong gumanda sa paningin ko. Ganun din ang mga labing ngayon ay nilalabasan ng maraming dugo. Pula. Mainit. Malapot na dugo.

 A, Ella... Ella... Hanggang ngayon natutuwa pa rin ako sayo. Nang hinang-hina ka na at tuluyang bumagsak sa sahig, dinaluhan kita. Lumuhod ako sa tabi mo, nagsawa sa paglaslas ng maputi at makinis mong balat. Sinigurado kong humiwalay ang matagal nang patay na puso sa dibdib mo. Lahat ng bahagi ay nilabasan ng sariwang dugo.

 Huwag kang mag-alala, tiniyak kong wala ni isang galos ang iyong mukha. Napakaganda ng mukha ng 'yan para sirain ko.

 Makikilala ka pa rin nila. Pagkakaguluhan. Ikaw ang magiging laman ng balita. Pero sikat ka nga pala. Sanay ka sa camera. Sanay ka sa atensiyon ng iba.

 P. S. Medyo nahirapan akong isabit ka sa pinto ng opisina mo. Nakapagtataka dahil napakanipis ng mala-modelo mong katawan. Pero nagawan ko ng paraan. Doon ka nila matatagpuan, pagkakaguluhan. Hindi ka na nga lang makakangiti dahil malamig na bangkay ka na. 

 

 Nagmamahal,

 Puting Anino

Ika-2 ng Marso, 2015 // 3:39 ng hapon

Itinupi ng lalaki ang papel na naglalaman ng kopya ng e-mail mula kay Puting anino. Nang mag-angat siya ng mukha, sumalubong ang limampu't limang espasyo ng Manila North Cemetery, ang pinakamatandang sementeryo sa bansa.

Nangingitim pa rin ang paligid ng mga mata niya pero walang nakakakita dahil mas maitim ang suot niyang salamin sa mata. Ilang araw na siyang walang tulog. Inabala niya ang sarili sa paglutas sa kaso. Kung nakakaramdam pa siya, hindi niya alam. Sinubok niyang umiyak, isang bagay na kahit kailan hindi niya ginawa. Ngayon lang at hanggang subok lang siya dahil kahit gaano kabigat ang dibdib niya, walang luhang lumabas.

 Maraming nakipaglibing. Maliban sa mga kilalang tao na nakapaligid sa kanya ngayon, siguradong buong Pilipinas ay pinapanood din ang mga huling minuto ng sikat na modelo. Nang natatanging babaeng bumihag sa puso niya---si Ella.

Ngayon ay dahan-dahan nang ibinababa ang kabaong. Isa-isang naghulog ng mga bulaklak ang mga kamag-anak ng namatay. Hindi na niya napansin kung gaano kahaba ang pila. Lahat gustong sumilip sa mukha ng babaeng naging laman ng balita sa nakalipas na isang linggo at sa susunod pang mga linggo.

Binigkas ng pari ang huling basbas.

Natapos ang seremonya ng libing. Pitong sepulturero ang naiwan para ayusin ang libingan at itanim ang lapida. Mahigit isang oras ang dumaan. Hindi umalis ang lalaking may hawak ng papel.

Ang totoo gusto niyang punitin ang papel na'yon. Pero hindi. Iyon ang naglalaman ng mga huling sandali ni Ella. At iyon ang magtuturo sa pumatay sa kanya. Sa kanila. Tama. Hindi nag-iisang biktima si Ella. May mga nauna sa kanya at kung mamalasin ay may mga susunod pa.

 Tahimik na ang paligid. Wala na ang mga nakipaglibing. Walang umiiyak. Wala... Wala na rin ang tanging babaeng minahal niya.

Wala na siyang susuyuin kapag nagtampo. Walang tatawanan kapag nagseselos. Wala ng nakangiting mukha na sasalubong sa kanya sa umaga at magpapaalalang mag-ingat dahil may maghihintay sa pagbabalik niya.

Kinapa niya ang baril sa holster na nakasabit sa kanyang tadyang. Blangko ang utak niya pero alam niyang kung nasa normal siyang pag-iisip, mabuting mamatay na rin siya.

 Alex...

 Natigilan ang lalaki. Lumayo ang mga kamay niya sa baril. Tumayo siya at hinanap ang taong tumawag sa pangalan niya. Iisa lang ang alam niyang ganoon kalambing ang boses.

 Mag-isa siya. Walang ibang tao sa berdeng damuhan na kinahihimlayan ng mga wala ng buhay; mga nagpakamatay, sadyang namatay at pinatay.

 Natawa siya. Tawang pwedeng bilangin sa mga daliri. Tawang lumakas ng lumakas hanggang sa huli ay nasundan ng malakas na sigaw.

Habol ang hininga, lumuhod siya sa harap ng patag na lupa. Sa harap ng lapida na tanging magpapaalala sa magandang anino na minsan ay bumuo sa pagkatao niya.

Isa...dalawa... bumilis pa ang patak ng ulan hanggang sa bumuhos. Itinumba ng lalaki ang katawan sa tabi ng lapida. Iniunat ang dalawa niyang kamay. Sinalubong ng kanyang katawan ang marahas na patak ng ulan. Hinintay niyang mamanhid ang kanyang mukha.

 Sa gilid ng nakapikit na mata ng lalaki, lumabas ang unang butil ng mainit na likido. Gaya ng tubig-ulan, umagos ang luha sa marmol na lapida, sa mismong pangalan ni Ella, sa maninipis na dahon ng bermuda hanggang sa humalo sa lupa. Apat na metro mula sa ibabaw ay ang kabaong na napapatungan ng bulaklak.

 Umiiyak siya. Tama. Iiyak lang muna siya.

# First time ko po magsulat ng about killings... please support this humble piece of work:)

 Kung interesting po---VOTE:)

PS Hindi po ito horror. Thriller/Mystery po ang sinusubukan kong sulatin. Kung magmukha siyang horror (mwahahaha) sabihin niyo lang----COMMENTS are welcome po :)

Asahan niyong may pagka-Detective Conan to... siya kasi inspiration ko. Panay clues lang po sa una, detalye ng krimen at series ng killing. Sa later chapters po ang mga explanations at reasons. Ngayon palang pwede na kayong manghula kung paano, bakit at siyempre---> SINO si Puting Anino?

Salamat po!

Puting AninoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon