STACEY’s P.O.V.
Mag-iisang linggo na ako sa dalawa kong trabaho pero tila ba ilang taon na akong naroroon dahil sa matinding pagod. Ewan ko ba, kung bakit ba naman kasi pinipilit ko ang sarili ko. Siguro dahil nakokonsensya ako. Gusto kong magsama-sama na ulit kaming lahat dito sa Pilipinas.
“Excuse me, miss! Bumibili ako!”
Bumalik sa reyalidad ang natutulog kong utak. Mukhang galit na ngayon ang kaharap kong estudyante na mayabang ang dating. Bigla ko tuloy naalala si Josh nang dahil sa kanya. Parehas kasi silang pumorma. Nasaan na kaya sila ni Aira ngayon?
“Hoy, miss! Kanina pa ako bumibili! May klase pa ako, damn it.”
“Ito na nga eh...” Pinigilan ko ang sarili na mapairap dahil sa inis.
Ang yayabang na ng mga estudyante rito ngayon hindi na katulad namin noon na halos magkakaibigan ang lahat ng mga magkaka-blockmates.
“Ang bagal kumilos.”
Kaunting pasensya pa, Stacey. Malapit naman na ang uwian. Hindi ko na kailangan pang magtagal dito sa University na ’to. Hay naku, sarap manampal ng mga estudyanteng hambog.
Pagkatapos nang trabaho ay iniligpit ko kaagad ang aking mga gamit. Uuwi ako ng maaga ngayon para naman makapagpahinga ako kahit papaano. May pasok pa naman ako mamayang gabi. Siguro ay sasakay na lang ako sa mga jeep sa tapat para dire-diretso na ang byahe.
Suot ang backpack na naglalaman ng aking mga gamit, lumakad na ako papalabas ng University. Gustong gusto ko na iniisip na kabilang lamang ako sa kanila, sa mga estudyante. Ang sarap sigurong bumalik sa nakaraan. ’Yong tipong pag-aaral lamang ang iniintindi ko at wala pa gaanong mga problema. Ngayon ko lang narealize na habang tumatanda ka pala, pahirap ng pahirap at palungkot ng palungkot ang buhay.
“Oh isa pa! Isa pa! Sakay na!”
Guni-guni ko lang ba ’yon oh ano? Para kasing narinig ko ang boses ni Neil. Grabe talaga, sa sobrang pag-iimagine ko ng nakaraan, pati siya pumapasok na sa isip ko.
“Sakay na mga magaganda at gwapong pasahero!”
Teka nga... Bakit parang totoo? Napalinga-linga ako sa paligid upang hanapin kung saan nanggagaling ang sigaw na iyon. Laking gulat ko na lamang nang mapagtanto kong... Tama nga ako. Si Neil iyon, o dapat ko bang sabihin na si Sir Dwayne iyon?
Nakasimpleng T-shirt at shorts lamang siya ngayon habang suot ang isang beltbag na hula ko ay lalagyan niya ng mga barya. At ano naman kayang naisip niya at nandito siya ngayon? Sinong nagbabantay sa kumpanya? Teka nga. Wala na pala dapat akong pakialam doon. Tinapos ko na pala ang lahat ng meron kaming dalawa.
Muli na sana akong maglalakad pero naestatwa ako nang naibaling ang kaniyang pagtingin sa akin... At... Nginitian niya ako. ’Yong ngiting katulad nang dati. Psssh! Tumigil ka nga, Stacey! Ayan ka na naman eh! Galit ka sa kanya, hindi ba? Pagkatapos ng lahat ng ginawa niya sa’yo... Gumising ka na sa katotohanan.
“Miss Beautiful! Sasakay ka ba?” Halos malaglag ang aking panga nang dahil sa tanong niyang iyon. Nababaliw na ba siya?
“Ano pong ginagawa niyo rito, Sir Dwayne?” Tinaasan ko siya ng kilay.
“Miss, sorry ah. Pero hindi ko kilala ang Dwayne na iyon. Neil ang pangalan ko ngayon.” Ngumiti siya sa akin ng pagkalapad-lapad bago kumindat.
Nangunot naman ang noo ko dahil sa sinabi niyang iyon. Anong laro na naman ba ’to? Sana naman kung trip niyang magbarker ulit ay huwag na niya akong idamay pa. Tahimik na kasi ang buhay ko, tumahimik nang ilang linggo dahil hindi ko na siya nakikita pa.
“Sir Dwayne, kung nandito po kayo para–”
Kaagad niyang pinutol ang balak kong sabihin sa pamamagitan ng pagtatakip sa aking bibig gamit ang kaniyang isang daliri.
“Ang daldal mo naman. Sumakay ka na lang kaya? Naghihintay na si Mang Kanor oh.”
Nanlaki ang mga mata ko bago tinapik ang daliri niya papalayo. Lumingon ako sa paligid para hanapin kung totoo ngang nandito si Mang Kanor at oo nga, hindi niya ako niloloko. Parang bumalik nga kami sa dati, ang kaibahan nga lang ay bago na ang jeep ni Mang Kanor ngayon.
“Kamusta, Stacey?” nakangiting tanong niya sa akin.
Nginitian ko si Mang Kanor bago umirap kay Sir Dwayne. Akala niya ah. Hindi niya na ako madadaan sa mga pakulo niya. Nagtungo na lamang ako papalapit kay Mang Kanor para kamustahin siya.
Habang nag-uusap kaming dalawa, kita ko sa gilid ng aking mga mata kung paano ako titigan ni Sir Dwayne habang nakangiti. O baka guni-guni ko lang talaga iyon. Tsssk. Mamaya sabihan na naman niya ako ng kung ano-ano.
Pagkatapos ng mahabang pakikipagkwentuhan, nagdesisyon na akong umuwi. Gusto ko ngang batukan si Sir Dwayne habang papasok ako sa loob ng jeep dahil sinabi niya pala ang lahat ng tungkol sa amin kay Mang Kanor. Alam din nito na nag-away kami noong nakaraan kaya nandito raw siya ngayon para tulungan si Sir Dwayne na suyuin ako. Akala niya naman kung ganoon lang kadali iyon.
“Oh isa na lang! Sakay na!”
May magandang babae ang lumapit sa kinaroroonan ni Sir Dwayne habang ngiting ngiti at mukhang may balak pang landiin siya. Napakunot na lamang ang aking noo nang dahil doon. Psssh. Ano namang pakialam ko, hindi ba?
“Hi pogi!” pagbati nito sa kanya.
Nanlaki naman ang mga mata ni Neil nang hawakan nung malanding babae ang mga braso niya. Kitang kita kasi ang maganda niyang pangangatawan dahil sa simpleng pananamit niya ngayon.
“Palagi ka bang nandito?” pasimpleng tanong nung babae.
Bahagyang tumawa si Sir Dwayne na mukhang natutuwa rin naman sa ginagawa sa kanya nung babae. Ang haharot. Nasa gilid pa naman sila ng kalsada. Napatikhim na lamang ako sa aking sarili.
Biglaang lumingon si Sir Dwayne sa aking direksyon nang marinig iyon. Sinisilip niya ata kung nanonood ako sa kanila. Yuck lang. Akala niya naman. Kaagad kong binaling sa ibang direksyon ang aking mga mata. Muli, nakarinig ako nang mahinang pagtawa.
“Ah miss, may gagawin pa ako,” sambit niya bago pasimpleng inaalis ’yong kamay ng babae sa kaniyang braso.
“Ay, sayang naman. Sige, una na ako.” Napapahiyang umalis na lamang ito nang mapagtanto niyang walang interes sa kanya si Sir Dwayne.
Duh. CEO ’yang kaharap mo! Napakataas ng standard niyan. Si Liliane lang ata ang papasa r’yan eh.
Hindi ko na napigilan pa ang aking sarili na mabanggit ang pangalan ng bestfriend ko. Bigla tuloy akong napaisip kung kailan ko makikilala ’yong boyfriend niya. Mukhang hindi naman na kasi tuloy ang kasal nilang dalawa ni Sir Dwayne.
Napabuntong hininga na lamang ako sa sarili. Naramdaman ko na lamang na pinapaandar na pala ang jeep kung saan ako lulan ngayon dahil kumpleto na ang mga pasahero. Napatingin ako sa direksyon ni Sir Dwayne na patuloy lang sa pagsigaw na parang normal lang sa kanya ang lahat ng mga nangyayari. Hindi mo mababakas ngayon na isa pala siyang may-ari ng malaking kumpanya.
Maya-maya pa, nagulat ako dahil sa biglaan niyang pagkalampag sa likuran ng jeep. Pansin kong napangiti si Mang Kanor dahil malapit lamang ako sa harapan. Nag-umpisa nang umandar ang jeep nang biglang may isinigaw si Sir Dwayne na ikinatili naman ng mga kasama naming pasahero.
“Bye, Miss Beautiful! See you tomorrow!” Nag-flying kiss pa siya sa ngayong papalayo nang jeep.
Hindi ko maiwasang hindi mamula at mahiya kahit hindi ko naman sigurado kung ako ba ang sinigawan niya ng ganoon. ’Di bale na nga, hindi ko na lamang iisipin iyon. Nagsasayang lang ako ng oras sa pagiging assumera ko.
Flying kiss? Psssh. Baduy.
BINABASA MO ANG
The Barker Who Stole My Heart [COMPLETED✔]
Romance[A STAND-ALONE NOVEL] "Marami ang nai-in love sa mga doctor, engineer, pulis, at kung ano-ano pa. Lahat ng mga mayroong propesyunal na estado sa buhay. Mga taong mas nakaaangat kaysa sa mga katulad nating pangkaraniwan lamang. Pero ako, minahal ko a...