Chapter 49 [✔]

92 6 0
                                    

STACEY’s P.O.V.

         Balisa at patuloy akong lingon ng lingon sa paligid sa kadahilanang hinatid ako ni Neil sa may kanto namin. Pagkatapos kasi ng nangyari kanina sa aming dalawa sa may paradahan ng jeep, hindi ko na makontrol ang sarili at patuloy na lamang na umiyak. Naisipan niya tuloy ang ihatid ako na ngayon ay ikinababahala at pinagsisisihan ko na.

        Biyernes pa ang uwi nila Tito Alex at Papa Joey kaya naman sigurado akong walang makakakita sa aming dalawa kahit pa si Evelyn dahil nga sa nilalagnat pa ito. Ngunit kahit ganoon, kinakabahan pa rin ako sa maaaring mangyari sa aming dalawa. Ewan ko ba, pakiramdam ko ay palaging may nakabantay sa aking mga mata simula noong lumuwas sila Papa Joey dito sa Maynila.

“Ayos ka na ba, Stacey?” Ibinaling ko ang mga tingin kay Neil na halatang nag-alala na ngayon.

“Hindi mo na dapat ako hinatid dito, Neil.”

“Pero mukhang hindi ka pa okay kanina eh. Huwag ka na ngang mag-alala diyan, hindi ba sabi mo ay Biyernes pa ulit ang uwi ng Papa mo? Walang makakakita sa atin, Stacey. At kung meron man, ano naman? Wala naman tayong ginagawang masama.”

“Pero Neil... Iba kasing mag-isip si Papa Joey. Ayokong magalit siya. Baka may magawa siyang hindi maganda.” Napalunok ako dahil sa isiping iyon.

“Kung harapin ko na lang kaya siya? Hindi naman ako masamang tao, Stacey.”

“Alam ko naman ’yon eh. Basta, mahirap ipaliwanag. Huwag ka munang magpapakita kay Papa dahil baka...”

“Baka ano?”

“Basta. Hindi mo kasi ako naiintindihan, Neil,” mariin kong saad.

“Edi ipaintindi mo sa akin. Stacey, kahit anong mangyari hindi kita isusuko na lang ng basta-basta, tandaan mo ’yan.”

         Hindi na ako makatingin ng diretso sa kanyang mga mata. Nahihiya ako. Nakakahiyang isipin na parang ipinapahiwatig ko na sa kanya na tigilan na lang namin ang lahat dahil lamang sa isang problema. Sasagot pa sana ako ngunit isang pagtawag ang gumulat sa aking buong sistema.

“Ate Stacey!” Si Kean.

        Halos mapako ako sa aking kinatatayuan. Tinignan ko si Neil na ngayon ay gulat na gulat din ang ekspresyong nakaguhit sa kanyang mukha. Sana naman ay tama ang hinala ko. Sana ay maintindihan kami ni Kean.

“A-ate... Bakit kayo nandito? Hindi mo ba dadalhin ’yong bisita mo sa bahay?” Ngumiti siya na nagpawala sa aking kaba.

        Pati si Neil ay nakahinga na rin ng maluwag habang si Kean naman ay mukhang natatawa na sa kanyang loob-loob. Ang batang toh talaga. Ang sarap hampasin minsan eh. Pinakaba niya talaga kaming dalawa.

“Ito naman si Ate Stacey, ninerbyos kaagad,” natatawa niyang saad.

“Ginulat mo naman kasi kami, Kean. At hindi, hindi ko dadalhin si Neil sa bahay. Alam mo naman si Papa Joey. Baka kung ano na naman ang isipin niya kapag nalaman niya ito.”

“Huwag kang mag-alala, hindi ko kayo isusumbong.” Ngumiti siya kay Neil na ngayon ay nakangiti na rin sa kanya.

“Ah... N-Neil, si Kean nga pala, kapatid ko. Kean, si Neil... Ah... kaibigan ko.” Hindi ko alam kung bakit ’yon ang lumabas sa bibig ko gayong pagsisinungaling iyon.

The Barker Who Stole My Heart [COMPLETED✔]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon