STACEY’s P.O.V.
Lumipas pa ang ilang mga araw, Biyernes na ngayon pero hindi ko pa rin alam kung papaano ko muling makakausap si Neil. Hindi rin nakakatulong sila Mang Kanor dahil ipinagpipilitan nilang hindi nila nakita si Neil noong nakaraan kahit alam ko namang totoo iyon.
Napagdesisyunan ko na lamang tuloy ang puntahan siya sa Bulacan kinabukasan dahil Sabado naman. Ayoko kasing masagasaan ang pagrereview naming dalawa ni Liliane nang dahil lamang sa plano kong pagpunta kay Neil. Hindi ako pwedeng bumagsak at mas lalo nang hindi ako pwedeng makita ni Papa Joey na umalis ng bahay bukas. Mabuti na lamang at naghahanap siya ng trabaho tuwing Sabado kaya mukhang wala akong magiging problema.
“Oh, ano na, Stacey? Sure ka na ba talaga bukas? Good luck. Alam ko namang kaya mo ’yan.” Napangiti ako dahil sa suportang palaging ibinibigay sa akin ni Liliane.
“Oo naman. Pero huwag na muna nating isipin iyon. Kailangan pa nating mag-aral. Malapit na ang exam.” Bahagya akong ngumiti ng pilit sa kanya. Sana naman ay hindi niya iyon nahalata.
Papasok na kami sa gate ng aming University nang makasalubong naming dalawa si Mang Kanor, balisa at hindi maipinta ang kaniyang mukha. Akmang lalagpasan na sana namin siyang dalawa ni Liliane nang pareho kaming napatigil dahil sa pagtawag niya sa akin.
“Stacey...”
Lumingon ako at sinenyasan si Liliane na hintayin na lamang ako sa tapat ng gate. Marahan siyang tumango bago nauna nang maglakad sa akin. Nilapitan ko naman kaagad si Mang Kanor. Hanggang ngayon ay hindi ko itatangging masama ang loob ko sa kanya, dahil hindi siya nagsasabi ng totoo sa akin.
“Ano po ’yon, Mang Kanor?” tanong ko.
“Pasensya ka na, Stacey. Nagsinungaling ako sa’yo...”
Halos tumigil ang pagpintig ng aking puso pagkatapos marinig mula sa kanya iyon. Tama nga ako, nandito si Neil noong araw na iyon. Pinilit ko na lamang pakalmahin ang aking sarili bago wala sa sariling napahinga ng malalim.
“Alam ko po, Mang Kanor. Ang hindi ko lang po maintindihan, bakit kailangan niyo pong itanggi sa akin na nagpunta dito si Neil?” kuryusong tanong ko.
“Nakiusap siya sa akin, Stacey. Sinabi niya pa kung gaano ka niya kamahal. Kaya lang, sinaktan mo raw siya kaya naawa ako. Pinagbigyan ko na lamang ang huling kahilingan niya sa akin...”
Biglaang nanikip ang aking dibdib dahil sa narinig. Huling kahilingan? Para namang namamaalam na si Neil sa lagay na iyon. Bakit, may sakit ba siya? Oh baka naman ay hindi na siya babalik dito kahit kailan?
“Huwag ko raw sasabihin sa’yo na nagpunta siya rito, dahil ayaw ka na raw niyang makita kahit kailan.”
Tila ba milyong-milyong mga karayom ang tumutusok sa aking puso sa mga sandaling iyon. Ang sakit. Ang sakit-sakit palang marinig na ganoon pala ang epekto ng ginawa ko sa kanya. Pero kailangan kong magtiis, dahil ako rin naman ang may kasalanan ng lahat ng ito.
“Kung gano’n po, Mang Kanor, bakit sinasabi niyo pa po sa akin ang lahat ng ’to?” mangiyak-ngiyak kong tanong.
“Dahil nakokonsensya ako, Stacey. Halata ko namang mahal mo pa rin ang batang iyon. Kitang kita ko kung paano ka magtanong sa akin noon kung nagpunta nga ba talaga si Neil dito. Ayoko namang humadlang sa pagkakaayos niyong dalawa, kaya sasabihin ko na ang lahat–”
Pinutol ko na ang kaniyang nais na sabihin. Hindi ko ugaling gawin iyon pero natatakot talaga ako sa mga maaari ko pang marinig mula sa kanya. Baka mas lalo ko pang ikasakit iyon at maduwag na naman akong puntahan si Neil bukas sa Bulacan.
BINABASA MO ANG
The Barker Who Stole My Heart [COMPLETED✔]
Romance[A STAND-ALONE NOVEL] "Marami ang nai-in love sa mga doctor, engineer, pulis, at kung ano-ano pa. Lahat ng mga mayroong propesyunal na estado sa buhay. Mga taong mas nakaaangat kaysa sa mga katulad nating pangkaraniwan lamang. Pero ako, minahal ko a...