Chapter 36 [✔]

105 10 0
                                    

STACEY’s P.O.V.

        Mabilis na lumipas ang mga araw. Ganoon pala kapag masaya ka. Tatlong buwan na simula noong lumipat ako rito sa bahay nila Tita Lourdes at nasasanay na ako sa buhay Maynila. Katunayan nga niyan, mas lalo akong napalapit kila Liliane at Neil. Sila-sila lang naman kasi ang mga kaibigan ko sa labas ng bahay dahil tuluyan na akong dinidedma nila Aira at Josh.

        Si Kevin naman, patuloy pa rin siya sa panliligaw sa akin at madalas ay gumagawa siya ng paraan upang maihatid ako tuwing hapon. Dahil doon ay mukhang mas lalo akong pinag-iinitan ng dugo ni Sandra. Madalas ko siyang mahuling nakatingin sa akin sa Cafeteria, syempre kasama ang mga kampon niya na sila Aira at Josh.

“Stacey! Nakita mo ba ’yong wallet na ibinigay mo?” Nabulabog ang pag-iisip ko nang dahil kay Evelyn.

“Ha? Hindi ah. Saan mo ba kasi ipinatong?”

“Hindi ko nga alam eh, kaya ko tinatanong sa’yo,” masungit na pamimilosopo niya.

        Tsssk. Sa mahigit tatlong buwan kong paninirahan dito ay hindi ko pa rin makasundo-sundo itong bruha kong pinsan. Paano ba naman kasi, lalo akong sinungitan nang malaman niya na nililigawan na ako ni Kevin. Sinumbong pa ako kay Tita Lourdes, mabuti na lamang ay hindi sila nagalit sa akin. Basta raw ay mag-aaral pa rin ako ng mabuti ay walang magiging problema sa panliligaw ni Kevin. Masaya rin ako na kahit papaano ay itinago muna nila Tito Alex at Tita Lourdes ang tungkol dito kila Papa Joey at Kean. Sigurado kasi akong magwawala sila kapag nalaman nila iyon.

“Tignan mo kasing mabuti r’yan. Baka kung saan-saan mo lang naipatong.” Hindi ko na maiwasang mainis nang dahil sa kanya.

        Ewan ko ba sa pinsan kong ito, masyadong burara. Kababaeng tao pero hindi iniingatan ang mga gamit niya.

        Isang tunog ang nagpatigil sa aming dalawa. Tinignan ni Evelyn ang cellphone na ibinigay sa kanya nila Tita Lourdes noong birthday niya at nang kumunot ang kaniyang noo, alam ko na kaagad na hindi sa kanya ang tumatawag. Kaagad kong dinampot ang pinaglumaan naman niyang cellphone, ang ibinigay sa akin nila Tito Alex at Tita Lourdes na madalas kong ginagamit sa tuwing tatawag ako sa probinsya namin.

“Sino ’yan, Stacey?” usisa ni Evelyn.

        Napangiti naman ako ng bahagya pagkatapos makita ang numero nila Papa Joey sa screen ng aking cellphone. Mabilis kong sinagot iyon bago binulungan si Evelyn.

“Sila Papa Joey.”

        Napasimangot naman siya sa narinig. Akala niya siguro ay si Kevin ang kausap ko ngayon. Bihira lang naman kasing tumawag ang lalaking iyon dahil kadalasan ay bumibisita siya mismo dito sa bahay. Sa mga ganoong panahon ay kilig na kilig naman ang malandi kong pinsan na akala mo talaga ay siya ang nililigawan.

“Hello, Papa Joey? Kamusta na po kayo r’yan?” pagbati ko.

“Okay lang naman kami rito, anak. Inaayos na ni Kean ang mga requirements niya sa school para kapag lumipat na kami r’yan ay wala nang problema pa.”

“Malapit na po ba kayong sumunod dito?” tanong ko pa.

“Hindi ko pa sigurado, anak. Pabago-bago kasi ng isip ang kliyente. Hindi sigurado kung gustong bilhin ang lupa kaya naman naghahanda na lamang kami kung sakali.”

“Ah. Ganoon po ba?” Ngayon lamang ako naubusan ng ikwekwento sa kanila.

“Kumusta naman pala ang pag-aaral mo r’yan? Baka mamaya ay may nanliligaw na pala sa’yo ah? Alam mong bawal pa ’yan,” seryosong palala niya.

        Nakagat ko ang sariling labi at hindi makapagsalita. Paano ko naman kasi ipapaliwanag na nag-aaral naman ako ng mabuti habang nagpapaligaw? Mukhang hindi niya maiintindihan iyon.

The Barker Who Stole My Heart [COMPLETED✔]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon