Chapter 48 [✔]

113 6 0
                                    

STACEY’s P.O.V.

“P-pa?”

         Nagtungo siya sa aking direksyon saka ako hinatak sa braso papasok sa bahay nila Tita Lourdes. Galit na galit siya ngayon ngunit mas mababakas mo pa rin ang pagod sa kanyang mga mata.

“Magandang gabi–”

“Tumahimik ka!” walang takot na sigaw ni Papa Joey kay Neil.

        Kaagad namang lumabas si Tita Lourdes mula sa loob na mukhang natatakot na rin dahil sa ikinikilos ni Papa. Nahagip din ng aking mga mata si Kean, nasa isang sulok at mukhang nakikinig lamang sa pagtatalong nangyayari sa amin.

        Akala ko ba ay sa isang linggo pa ang kanilang dating? Hindi naman sa ayaw ko silang makita, nakakagulat lang talaga at sana lang ay hindi sa ganitong sitwasyon nila nakilala si Neil.

“Umuwi ka na muna, Neil. Mainit kasi ang ulo ng Papa ni Stacey, kagagaling lamang sa byahe. Sige na, ako na ang bahala sa kanya,” paninigurado ni Tita Lourdes sa kanya.

        Napatango naman si Neil bago mahinang nagpaalam sa akin. Sinamaan naman siya ng tingin ni Papa Joey at nang tuluyan na siyang makaalis, ako naman ang binalingan niya ng galit.

“Magpaliwanag ka sa akin, Stacey!”

“Pa... Si Neil po...”

“Ano mo ang lalaking iyon?! Nagpapakahirap kaming ibenta ang lupa natin sa probinsya para makapag-aral ka rito sa Maynila, pagkatapos ano?! Maaabutan lang kitang nakikipaglandian sa lalaki?”

        Hindi ko na napigilan ang aking sarili na mapaiyak. Lumapit naman sa akin si Kean at hinaplos ng bahagya ang aking likod. Bakas din sa mukha niya ang pagod ngunit mas nangingibabaw doon ang pagkatakot niya kay Papa.

“Kuya Joey, nag-aaral naman ng mabuti si Stacey eh, isa pa ay mabait na bata si Neil,” pagtatanggol sa akin ni Tita Lourdes.

“At alam mo rin ito, Lourdes? Bakit, ano bang trabaho ng batang iyon? Kaya niya na bang pakainin at buhayin si Stacey?!”

“Masipag po si Neil, Pa. Sa katunayan nga ay nag-iipon na po siya ng pampaaral niya sa pamamagitan ng pagbabarker doon sa–”

“Anong sinabi mo?! Barker?! Stacey naman! Hindi kita pinag-aral dito sa Maynila para lang mapunta sa isang barker na katulad niya!”

“Kuya Joey, tama na muna ’yan. Mabuti pa ay magpahinga muna kayo ni Kean, alam kong pare-pareho tayong pagod ngayon. Bukas mo na lamang kausapin si Stacey,” sabat ulit ni Tita Lourdes.

“Pa, kumalma lang po kayo. Baka mapano kayo niyan eh,” may halong pag-aalala naman na segunda ni Kean.

        Tinignan niya kami ng masama isa-isa bago tuluyang naupo sa maliit na sofa sa sala ng aming bahay. Dismayado niya akong tinignan tsaka ilang beses na huminga ng malalim.

“Hindi pa tayo tapos, Stacey. Mag-uusap pa tayo ulit bukas.”

        Nanghihina akong napatango at nanginginig na naupo sa may kusina, malayo sa kanila. Sobrang tagal ko nang hinihintay ang araw na makikita ko ulit sila Papa Joey at Kean, pero ngayong nandito na sila sa aking harapan, parang hindi naman ako masaya.

The Barker Who Stole My Heart [COMPLETED✔]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon