STACEY’s P.O.V.
Nang muling magmulat ang aking mga mata, bumungad kaagad sa akin ang puting kisame at tunog ng kung anong makinarya. Lumingon ako sa paligid na tila ba naghahanap ng kung ano... O sino. Hanggang sa makita ko siya, kaagad akong ngumiti kahit hindi ko alam ang dahilan.
Nang makita niya akong nakatingin sa kanya, para siyang nabunutan ng tinik dahil kaagad nawala ang pag-aalala sa kaniyang mga mata bago lumapit sa gilid ng kama kung saan ako nakahiga ngayon.
“Stacey... Gising ka na.” Tinitigan niya lamang ako bago marahang hinaplos ang aking buhok.
Saka ko napagtantong hindi pala ako nananaginip. Totoong nangyayari ito ngayon. Napansin ko ang ayos ng paligid at doon ko nasiguradong nasa ospital pala ako. Teka, ano bang nangyari sa akin?
“Okay ka lang ba? Masama pa ba ang pakiramdam mo? Gusto mo bang tumawag ako ng doktor?” sunod-sunod niyang tanong. Marahil ay nakita niya ang nagtatakang ekspresyon sa aking mukha.
Aalis na sana siya sa tabi ko pero kaagad ko siyang pinigilan sa pamamagitan ng paghawak sa kaniyang kamay. Kahit nalilito pa rin ako sa mga nangyayari, isa lamang ang sigurado ako. Iyon ay ang ayokong umalis siya rito.
“Huwag n-na. Okay l-lang ako, Neil.”
Napatingin siya sa akin bago ngumiti. Bakit ganiyan siya makangiti? May nasabi ba ako? Dinaig niya pa kasi ang naka-jackpot sa lotto.
“B-bakit?” naiilang kong tanong.
Ngumiti lamang siyang muli bago napailing.
“Wala naman. Ngayon ko lang kasi ulit narinig na tinawag mo akong Neil.”
Nag-init ang mga pisngi ko. Ngayon lang ba talaga? Hindi ko na rin kasi matandaan kung kailan ko siyang huling tinawag ng ganito.
“Okay ka na ba talaga?”
Tumango ako.
“Ano nga palang nangyari?”
“Nahimatay ka kanina roon sa may sakayan ng jeep. Mabuti na lang nakaready na ’yong kotse ko kaya dinala na kita rito.”
“M-may... May s-sakit ba ako?”
Tumawa siya bago hinawi ang isang hibla ng buhok ko na nakaharang sa aking mata.
“Wala. Huwag kang mag-panic, sabi ng doktor kanina napagod ka lang daw. Pwede ka na ring lumabas maya-maya lang.”
Nakahinga naman ako ng maluwag bago muling tumingin sa kanya.
“Tinawagan mo ba si Papa Joey?”
“Hindi pa. Gusto mo ba, tawagan ko sila Kean ngayon?”
Mabilis akong umiling-iling.
“Huwag na. Baka mag-alala pa sila. Hihingi sana ako ng pabor. Pwede bang huwag mo na lang ’tong banggitin sa kanila? Kahit kay Liliane.”
“Bakit naman?” Kumunot ang kaniyang noo.
“Baka kasi kapag nalaman nila, patigilin na nila ako sa trabaho. Ayoko namang kapusin ulit kami. Malapit nang umuwi si Tita Lourdes. Ayokong maudlot na naman ’yon nang dahil sa akin.”
Tinitigan niya lamang ako bago lumapit at idinampi ang kaniyang mga labi sa aking ulunan. Muli, hindi ko na naman alam kung ano ang gagawin ko. Naestatwa na naman ako roon at natameme.
“Pinag-alala mo ako kanina, Stacey... Please lang, huwag mo nang ulitin iyon.”
Lumayo na siya at muli akong tinitigan nang may blankong ekpresyon.
BINABASA MO ANG
The Barker Who Stole My Heart [COMPLETED✔]
Romance[A STAND-ALONE NOVEL] "Marami ang nai-in love sa mga doctor, engineer, pulis, at kung ano-ano pa. Lahat ng mga mayroong propesyunal na estado sa buhay. Mga taong mas nakaaangat kaysa sa mga katulad nating pangkaraniwan lamang. Pero ako, minahal ko a...