STACEY’s P.O.V.
Malakas ang dagundong ng aking dibdib pagkatapos kong lumabas sa gate ng aming apartment upang salubungin si Neil. Kabababa niya lamang sa kaniyang itim na sasakyan hawak ang isang bouquet ng sari saring mga bulaklak. Kaagad siyang ngumiti nang makita niya ako.
“Good morning,” pagbati ko sa kanya.
“I love you.” Kumindat pa ang loko sa akin.
Natawa na lamang ako bago tuluyang lumapit sa kanya. Iniabot niya sa akin ang mga bulaklak bago humalik sa aking noo.
“Nasabi mo na ba sa kanila?” biglaang tanong niya.
Kinakabahan akong umiling. Paano ko naman kasi sasabihin sa kanila? Arrrgh! Baka mamaya kung ano anong pang-aasar na naman ang abutin ko eh!
“That’s fine. Kaya nga ako nandito, ’di ba? Tutulungan kita.”
Hinawakan niya ang aking kamay bago ako nagyaya na pumasok na sa loob. Nang makarating kami doon, nagtatakang tumingin sa aming dalawa sila Tita Lourdes at Papa Joey bagama’t alam naman nilang darating ngayon si Neil.
“Oh, Stacey, nandiyan na pala si Neil. Pasok lang kayo.”
Ngumiti si Neil bago bumati sa kanilang dalawa. Naupo lamang kaming tatlo roon nila Papa Joey habang naghahanda naman ng meryenda si Tita Lourdes.
“Pa, Neil, tutulungan ko lang si Tita Lourdes ah.”
Tumango silang dalawa kaya naman nagtungo na ako sa kusina. Pang-asar na tumingin sa akin si Tita Lourdes kaya naman nagtataka akong lumapit sa kanya.
“Bakit naman po ganiyan kayo makatingin?” natatawang tanong ko.
“Ikaw ha, mukhang nagkaayos na kayo ni Neil...” Pabiro niyang kinurot ang aking tagiliran.
“Tita! Huwag po kayong maingay, baka marining ni Papa.”
“Sus. Eh ’yang Papa mo nga ang pasimuno na nagtutulak kay Neil na pasagutin ka na. Mabuti naman at nangyari iyon.”
Nangingiti ako habang ipinagtitimpla sila ng juice sa pitsel. Si Tita Lourdes naman ay tuloy pa rin sa panunudyo sa akin na akala mo naman ay isa akong batang unang beses pa lamang nakaranas ng ganito.
“Tita Lourdes! Huwag naman po kayong ganiyan tumingin!”
“Sus! Namumula mula ka pa.”
Nakagat ko ang aking pang-ibabang labi upang pigilan ang pagngiti. Ewan ko ba, hindi ko maiwasang gawin iyon sa tuwing inaasar nila ako tungkol kay Neil.
“Hanggang saan na ang nagawa niyo, Stacey?” tanong ulit ni Tita Lourdes na mas lalo pang nagpapula sa aking mukha.
Awtomatiko tuloy akong napahawak sa aking labi nang may maalala dahil sa tanong niya.
“Hinalikan ka na niya?! Jusko, Stacey.” Humagikgik siya kaya naman natawa na lamang din ako.
“Tita naman. Tama na nga po. Dadalhin ko na po itong meryenda sa kanila.”
“Oh siya, mabuti pa nga. Pero seryoso, pamangkin. Masaya ako para sa inyong dalawa ni Neil. Ngayon ko lang ulit nakitang ngumiti ka ng ganiyan. Sana hindi na ulit kayo maghiwalay.”
“Salamat po, Tita Lourdes. At sana nga po.”
Lumapit siya sa akin bago yumakap.
“Matanda ka na talaga. Sigurado akong proud na proud sa’yo ang Mama mo kung nasaan man siya ngayon. Pero Stacey, kahit sana nandiyan na si Neil para sa’yo, lumapit ka pa rin sa amin kapag may problema ka ah? Huwag kang mahihiya sa amin.”
BINABASA MO ANG
The Barker Who Stole My Heart [COMPLETED✔]
Romance[A STAND-ALONE NOVEL] "Marami ang nai-in love sa mga doctor, engineer, pulis, at kung ano-ano pa. Lahat ng mga mayroong propesyunal na estado sa buhay. Mga taong mas nakaaangat kaysa sa mga katulad nating pangkaraniwan lamang. Pero ako, minahal ko a...