STACEY’s P.O.V.
Ilang minuto na lamang ang hihintayin ko at isa na ako sa mga bagong salta sa Manila. Promdi kung tawagin. Lilipat lang ako sa tiyahin ko na kapatid ni Papa. Sa kanya ako makikitira dahil gusto ni Papa Joey na sa Taguig ako mag-college. Iyon kasi ang huling habilin sa kanya ni Mama bago ito sumakabilang buhay. Gusto niya na roon din ako magtapos sa university na pinasukan niya noon.
Susunod naman na rin dito sila Papa at ang bunso kong kapatid na si Kean kapag naibenta na ang lupa namin sa probinsya na gagamitin bilang panimula namin at sa pag-aaral ko na rin.
Pangarap ko talagang maging doctor, pero dahil mukhang hindi kakayanin nila Papa ang pagpapaaral sa akin, kukuha na lang ako ng kahit na anong kursong may kinalaman sa business at computer. Siguro para mabilis na rin akong makapaghanap ng trabaho at ako na ang mag papaaral kay Kean, ang bunso kong kapatid.
Halos anim na oras din ang byahe mula sa Pangasinan hanggang sa Maynila. Sumakay ako ng bus na ang babaan ay sa Cubao. Unang beses kong magbyahe mag-isa pero pumayag na ako dahil susunduin naman daw ako ni Tita Lourdes sa may terminal ng bus. Wala akong ginawa buong byahe kundi ang kumain at matulog lamang. Mahina kasi ang byahe ngayon kaya naman solong solo ko ang dalawang upuan dito.
Maya-maya pa ay natanaw ko na sa bintana ang terminal. Pinasyal na kasi ako ni Papa dito noon kung kaya medyo pamilyar na ang babaang ito. Naroon parin ang mga upuang bakal kung saan naghihintay ng masasakyan ang iba pang pasahero. Sa gilid ay may nagtitinda ng fishballs at kung ano-ano pang mga chitchirya.
Isa lang naman ang masasabi ko tungkol sa Maynila, magulo. Panay busina ang mga sasakyan at maririnig mo sa taas ng tulay ang tunog ng tren. Napakaingay. Makulimlim din ang paligid dahil sa nagtataasang mga building at nagkalat na billboards kung saan-saan ngunit gayunpaman ay napakainit pa rin sa pakiramdam.
Nagbabaan na ang mga sakay ng bus kaya naman inayos ko na ang mga gamit ko at bumaba na rin. Natanaw ko na kaagad ang nakababatang kapatid ni Papa na naghihintay sa akin.
“Oh kamusta naman ang byahe mo, pamangkin?” bungad kaagad ni Tita Lourdes pagkababa ko ng bus.
“Okay naman po, tita,” magalang na sagot ko.
“Mabuti naman kung ganoon. Naku Stacey, napakalaki mo na! Dalagang dalaga kana ngang talaga! Maliit ka pa noong huli kayong lumuwas ng Papa Joey mo eh! Ngayon tignan mo naman, napakaganda mo na!”
“Si Tita Lourdes talaga. Nambola pa eh. Huwag po kayong mag alala, dinalhan ko po kayo ng mga saba at mangga.”
Napangiti naman ito nang mabanggit ko ang mga pasalubong na dala-dala ko. Tinulungan niya akong magbitbit saka muling nagtanong sa akin.
“Ito lang ba ang mga gamit mo Stacey? Wala ka na bang naiwan?”
“Ah wala na po, tita. Mahirap po kasi magbyahe ng mag-isa kaya dinala ko lang po ’yong mga importante. Si Papa na raw po ang magsusunod ng iba pang mga gamit pagluwas nila.”
“Ganoon ba? Oh siya, sige. Pero teka, kailan nga ba ang luwas nila ni Kean dito?”
“Hindi ko pa nga po alam eh. Hinahanapan pa po kasi ng buyer ’yong bahay at lupa. Alam niyo naman po, dagdag din sa allowance namin dito.”
“Tama ka naman diyan. Pero sana bago ka matapos sa isang semester eh makaluwas na sila. Para sama-sama na tayo dito nila Kuya Joey.”
“Kaya nga po eh.”
“Naku, tatawag ako sa kanya. May trabaho nang naghihintay sa kanya rito. Ipapasok ko siya sa trabaho ng Tito Alex mo. Mahal ang sahod do’n. Kaya ka na niyang pag-aralin.”
BINABASA MO ANG
The Barker Who Stole My Heart [COMPLETED✔]
Romance[A STAND-ALONE NOVEL] "Marami ang nai-in love sa mga doctor, engineer, pulis, at kung ano-ano pa. Lahat ng mga mayroong propesyunal na estado sa buhay. Mga taong mas nakaaangat kaysa sa mga katulad nating pangkaraniwan lamang. Pero ako, minahal ko a...