STACEY’s P.O.V.
Mula sa University, patakbo kong tinungo ang sakayan ng jeep upang maagang makauwi. Kahapon kasi ang flight ni Tita Lourdes at nag-text sa akin kanina si Evelyn na nasundo na raw nila ito. Syempre, excited akong makita siyang ulit.
Tumatakbo pa rin ako nang makalabas na ako ng gate at ang unang lalaking bumungad sa akin ay walang iba kung hindi, sino pa? Edi si Neil. Nandito ulit siya. Habol hininga akong lumapit sa mga jeep upang makakuha kaagad ng pwesto pero may humila sa aking kamay na ikinatigil ko naman.
“Ano ba?!” Nilingon ko kung sino iyon. Si Neil ulit. “I-ikaw pala.”
“Ang sungit mo naman. Nagmamadali masyado?” pang-uusisa niya.
“Oo. May gagawin pa kasi ako sa bahay eh.”
“Ito naman. Meryenda muna tayo r’yan sa gilid,” pangungulit pa niya.
“Sorry, Neil, hindi talaga pwede. Mauuna na ako.”
Kinalas ko ang pagkakakapit niya sa aking braso. Nagtataka niya lamang akong tinignan nang makapasok na ako sa loob ng jeep. Hindi na rin naman nagtagal bago napuno iyon kaya umandar na ito papalayo.
Bumaba ako sa tapat ng aming apartment ng hinihingal dahil sa excitement. Nang makapasok na ako sa gate, narinig ko na kaagad ang tawanan sa loob. Doon ko ulit narinig ng malinaw ang mga tawa ni Tita Lourdes. Bigla tuloy akong naging emosyonal. Pinahid ko ang namumuong luha sa aking mga mata bago malakas na binuksan ang pinto.
“Nandito na po ako!”
Napalingon silang lahat sa akin. Nginitian ako ni Tita Lourdes na sobrang namuti na ngayon. Dahil siguro iyon sa hindi siya lumalabas ng bahay sa ibang bansa.
“Stacey! Nandito ka na!” Lumapit siya sa akin at niyakap ako ng mahigpit.
Niyakap ko naman siya pabalik kahit medyo hindi na ako makahinga. Nang mapansin ’yon nila Papa Joey ay nagtawanan sila.
“Lalo ka pang gumanda. Halika, samahan mo kami nila Evelyn na magbuklat ng mga pasalubong.”
Nangiti ako bago muling yumakap sa kanya. Inubos namin ang oras sa pagbubuklat at pagliligpit ng kung ano anong mga dala ni Tita Lourdes. Nang matapos iyon, naghanda na ako ng hapunan para makakain na kaming lahat.
“Wow, mukhang gumaling ka nang magluto, Stacey.”
Ngumiti ako sa kanya.
“Hindi naman po. Si Evelyn din po, marunong na.”
“Talaga?” Napatingin siya sa kaniyang anak.
“Hindi naman po, Mommy. Tinuruan lang din ako ni Stacey.”
“Naku Tita, huwag kang maniwala r’yan. Sunog kaya ’yong luto niya,” sabat naman ni Kean na ikinatawa naming lahat.
Sinamaan lamang siya ni Evelyn ng tingin na sinuklian naman niya ng paglabas ng dila.
“Alam mo Mommy, si Kean po may girlfriend na,” pagbawi ni Evelyn.
Halos mabulunan naman si Tita Lourdes kaya inabutan siya ni Papa Joey ng isang baso ng tubig.
“Talaga? Naku, paano? At sino naman?”
“Sino pa, edi ’yong bestfriend ni Stacey.”
Hindi makapaniwala si Tita Lourdes kaya mas lalo niya pang inasar si Kean. Si Evelyn naman ngayon ang naglabas ng dila para makaganti ng pang-aasar sa kanya.
BINABASA MO ANG
The Barker Who Stole My Heart [COMPLETED✔]
Romance[A STAND-ALONE NOVEL] "Marami ang nai-in love sa mga doctor, engineer, pulis, at kung ano-ano pa. Lahat ng mga mayroong propesyunal na estado sa buhay. Mga taong mas nakaaangat kaysa sa mga katulad nating pangkaraniwan lamang. Pero ako, minahal ko a...