STACEY’s P.O.V.
Isang linggo na ang lumipas. Dala ang isang envelope na naglalaman ng mga papeles na kakailanganin ko sa trabaho ay nagtungo ako sa kumpanya ng mga Salazar. Hindi naman ako nahirapan sa paghahanap ng lokasyon nito dahil sa katapat lamang mismo ng building nila Kevin ang Salazar’s Corp. Gusto pa nga sana niyang sunduin ako eh, pero ako na mismo ang tumanggi.
Pagdating ko sa tapat ng malaking gusali, tumingala ako upang tanawin ang pinakatuktok nito. Nakakalula pala kahit ako 'yung nasa ibaba. Pakiramdam ko ay mababagsakan ako ng mga semento.
Tinanaw ko ang kabilang panig ng kalsada, nakita ko ang pulang sasakyan ni Kevin na nakaparada sa tapat ng building nila. Napabuntong hininga na lamang ako. Ilang beses ko rin kasing tinanggihan ang trabahong alok niya, pagkatapos ito ako ngayon, papasok sa kabilang kumpanya na katapat lamang nila.
Papasok na sana ako sa loob nang harangin ako ng kanilang gwardiya. Batid ko na mahigpit pa sila ngayon dahil bagong lipat pa lamang ng kumpanya dito sa Pilipinas.
“Ma’am, mag-aapply po ba kayo?”
“Opo.”
“Ano pong pangalan?”
“Stacey, Stacey Maulap Mercado,” pagpapakilala ko.
“Ah. May mag-aassist po sa inyo. Ibinilin sa akin ni Ma’am Dana.”
“Talaga po?”
“Opo, Ms. Mercado. Tatawagin ko lang po siya.”
Nginitian ko ang gwardiya bago hinintay na lumabas ang kung sino mang sinasabi niyang mag-aassist sa akin. Ilang minuto lamang ang lumipas, lumabas mula sa loob ng gusali ang isang babaeng mahaba ang kulot na buhok, may katangkaran at maayos ang dating. Mukha naman siyang mabait base sa kaniyang awra.
“Hi, good morning! Ikaw ba si Stacey?”
“Ah... Oo, ako nga.”
“Ako nga pala si Dixie. Inutusan ako ni Ma’am Dana na ilibot ka dito sa kumpanya dahil unang araw mo pa lamang daw sa trabaho.”
“Ha? Akala ko ba ay mag-aapply pa lang ako? Hindi na ba ako iinterviewhin?” takang-tanong ko.
“Hindi na, tanggap ka na. Si Ma’am Dana talaga. Alam mo bang ganyan din ang ginawa niya sa akin noon?”
Batid kong alam niya na gusto kong marinig ang kwento kaya naman pinapasok na niya ako sa loob. Habang naglalakad, patuloy lamang siya sa pagsasalita at ako naman ay sa pakikinig.
“Anak ako ni Mang Estong, hardinero nila Ma’am Dana at Sir James noon. Akala ko noong una ay tutulungan lang nila akong makapunta sa States, pero hindi ko alam na kukunin pala nila ako sa loob ng kanilang kumpanya. Ang bait nila ’no, Stacey? Kaya ngayong lumipat na ang negosyo nila sa Pilipinas, lumipat na rin kaming mga empleyado.”
Napatango-tango naman ako. Dumiretso kami sa tapat ng isang clear elevator at hinintay na magbukas iyon.
“Anak ka raw ni Mang Joey?” tanong niya na pumukaw sa aking atensyon.
“Ah, oo.”
“Magkatrabaho pala ang mga tatay natin. Halos lahat ng mga empleyado rito anak ng mga dating katiwala nila Ma’am Dana.”
“Ahh.”
“Hindi ka talaga madaldal, ano?” Ngumiti siya dahilan upang mawala ang kaniyang mga mata.
“Pasensya ka na, kinakabahan lang ako.”
“Huwag kang kabahan. Mababait silang lahat dito. Maliban na lang kay Diablo.”
BINABASA MO ANG
The Barker Who Stole My Heart [COMPLETED✔]
Romansa[A STAND-ALONE NOVEL] "Marami ang nai-in love sa mga doctor, engineer, pulis, at kung ano-ano pa. Lahat ng mga mayroong propesyunal na estado sa buhay. Mga taong mas nakaaangat kaysa sa mga katulad nating pangkaraniwan lamang. Pero ako, minahal ko a...