Diane's Point Of View
"SORRY PO mom at dad, kung ngayon na lang ulit kami nakabisita sa inyo." Paumanhin ko kila mom at dad habang inaalis ang mga tuyong dahon na nasa lapida nila.
Si Kyla ay nagsisindi ng kandila, si Angel ay inilalapag ang mga bulaklak at pagkain na dinala namin para sa kanila, habang sila Angelo, Tristhan at Macky ay inaayos ang tela na maaari naming maupuan habang kumakain.
"Pasenya na po kayo, matatakpan po namin yung mga lapida niyo at mauupan pa. Pero saglit lang naman po kami dito, peace po tayo ha?" Malumanay na kinakausap ni Macky ang mga taong nakahimlay na dahil nasakop ng tela ang ilan sa mga lapida na kalapit nila mom at dad.
"Hindi naman na sila makakapagsalita para magreklamo, pero pwede naman silang magpakita sa'yo. Lalo na sa gabi." Kunwaring pananakot ni Kyla kay Macky.
"Bakla ka!" Maarteng hinampas ni Macky si Kyla sa braso. Natawa na lang kami. Matatakutin talaga si Macky, binabae talaga.
"Anong oras na guys?" Tanong ni Angel nang matapos kami sa kaniya-kaniyang ginagawa.
"It's quarter to 8." Si Angelo ang sumagot.
"Oh, siya--kumain na tayo. Baka mamaya nando'n na sila Dextar sa apartment at hinihintay na tayo." Ani Angel kaya naupo na kami sa tela na inilatag nila at sabay-sabay kaming kumain habang nagke-kwentuhan.
"Hindi ko pa pala nami-meet ang mommy at daddy ni ate Diane. Mababait ba sila?" Tanong ni Tristhan sa ate niya. Katabi niya ito at nasa kabila naman si Angelo.
"Oo naman 'no! Kaya nga hindi ko pa rin alam hanggang ngayon kung kanino nagmana si Diane." Sabi naman ni Kyla! Inis ko siyang tinignan.
"Bakit naman?" Nagpipigil pa ng tawa si Angel. Sinasakyan ang kung ano pang sasabihin ni Kyla. Masama ang tingin ko kay Kyla kaya kusa siyang natigilan sa akmang pagsasalita niya. Naitikom niya ang bibig at umiling.
"Wala hehe..." Nakangiting sabi ni Kyla. Nag-peace sign pa siya sa'kin.
"Ilang araw ba tayong mag-sstay sa resort nila Dextar?" Pag-iiba ni Macky.
"Isang araw lang. Lunes na bukas e, may pasok na."
"Ah, sabagay."
"Maligo agad tayo sa pool pagkadating natin do'n!" Hiyaw ni Kyla dahil sa excitement.
"Hay... namimiss ko na yung swimming pool sa mansion." Pabuntong hiningang sabi ko bago kumagat ng sandwich.
"Oo nga, naaalala ko pa no'n. Madalas tayo maligo sa swimming pool niyo, dahil do'n naging madalas na rin ang pagligo ko." Natawa pa si Kyla sa huli.
"Naalala ko rin, palagi tayong hinahandaan ni tita Dane ng pagkain kapag nando'n tayo sa mansion nila. Masipag si tita Dane at masarap magluto. Kahit pa marami silang maids noon, gusto niya siya pa rin yung nagluluto para sa'min at sa pamilya niya." Kwento ni Angel.
Napangiti naman ako kasabay ng pangingilid ng luha sa mga mata ko. Bigla akong nangulila sa kanila. Gusto kong maranasan ulit ang mga pangyayari noon kung saan ay kasama ko pa sila. Buhay na buhay at nakikisali sa kasiyahan namin noon.
Pero umurong ang luha ko nang maalala ang dahilan kung bakit sila maagang nawala sa'kin. Naka-burol pa lang sila nang pina-imbestigahan ko ang nangyari sa kanila. Isa rin 'yon sa dahilan kung bakit ako nalusutan nila si Don Edson at Doña Marcel. Huli na ang lahat nang malaman kong kumikilos na pala sila habang nakatalikod at abala ako.