Dextar's Point Of View
"MY BABY is back...." Bulong ko sa sarili habang titig na titig kay Diane mula sa malaking screen. Kasalukuyan siyang naglalakad papasok dito sa venue, maraming cameras ang panay ang pag-flash sa kaniya.
Nangilid ang mga luha sa mata ko at malungkot na napangiti nang masilayan ko ulit ang mukha at ngiti niya. Ito na lang ulit ang unang beses na nakita ko siyang ngumiti ng walang problema, lungkot, galit, at sakit mula sa mga mata niya.
Kaya ngayon ay interesado akong malaman kung anong nangyari sa kanila sa ibang bansa, at gusto kong malaman kung ano ang nasa likod ng mga ngiti niya, bukod sa tagumpay na narating nila, gusto kong malaman kung ano pa ang ibang dahilan ng ngiting 'yon.
Natinag ako sa pagtutula sa screen nang makitang katabi na ni Diane ang dalawang kaibigan niya. Gayunpaman ay nasa kaniya lang ang paningin at buong atensyon ko. Titig na titig ako sa pagbabago ng pisikal niyang anyo.
Mas lalo siyang gumanda, mas pumuti at mas kuminis ang balat niya. Kahit sa screen ko pa lang siya nakikita ay napansin ko na agad 'yon. Dahil kahit tatlong taon na ang lumipas ay kabisadong-kabisado ko pa rin ang lahat-lahat sa kaniya, maski pwesto ng mga nunal sa buong katawan niya. Tandang-tanda ko.
Nang tuluyan silang makapasok ay nilingon ko agad siya. Sabik na sabik akong makita siya ng personal at malapitan. Yung magagawa ko siyang hawakan at mayakap, dahil miss na miss ko siya... ng sobra.
Akmang tatayo na ako nang hawakan ni Selena ang kamay ko para pigilan. Sinamaan ko siya ng tingin pero hindi man lang siya natinag at talagang hinatak pa niya ang kamay ko para mapaupo ulit ako.
"What do you think you're going to do? You want to run near her and hug her and say to her that you miss her so much? Gosh! Dextar! Don't make a cringe scene here!" Anas ni Selena.
"Shut up." Pinatahimik ko lang siya pero inirapan niya pa ko. Hindi ko na lang siya pinansin at tumingin na lang ulit kay Diane na nakikipag-usap ngayon kay Macky at Angelo.
"She obviously loss weight." Dinig kong ani Aiverson kaya napalingon ako sa kaniya. Tutok lang din ang paningin at atensyon niya kay Angel na nasa pwesto na ng mga pagkain ngayon habang hila-hila si Kyla. Tinignan ko rin si Angel at napansin din ang sinabi niya, nagmukha tuloy siyang mas tumangkad ngayon.
Mayamaya ay naagaw ulit nila ang atensyon ng lahat nang umakyat na sila sa stage. Kapansin-pansin naman ang malungkot na aura ni Kyla, mapapansin naman ang pag-aalala ng mga kaibigan dahil panay ang lingon ng mga ito sa kaniya. Napatingin ako kay Klyn na masama ang tingin kay Angelo, bago siya walang emosyon na tumingin ulit kay Kyla.
Alam kong nakikita at nararamdaman niya rin na malungkot si Kyla, lahat naman ata ng tungkol kay Kyla ay napapansin niya. Wala pa rin pinagbago, kahit nasa tabi niya si Alysa ay hindi niya pwedeng itangging wala na siyang nararamdaman kay Kyla, o talaga bang nawala 'yon sa paglipas ng taon.
Dahil para sa'kin, sinusubukan niya lang ibaling sa iba ang sakit na nararamdaman niya, marahil ay dahil bago 'yon sa pakiramdam niya at hindi siya pamilyar do'n, dahil si Kyla lang naman ang unang minahal niya.
Nagpalakpakan kami nang matapos silang mag-speech sa harap namin. Hinihintay kong tumingin si Diane sa gawi namin, o sabihin na nating umaasa akong titingin siya sa direksyon ko. Pero nabigo ako dahil hindi 'yon nangyari, hanggang sa makabalik sila sa table nila para kumain.
Nabuhayan ako ng loob kasabay ng pagbilis ng tibok ng puso ko nang makitang naglalakad na sila papalapit sa table namin. Nang huminto sila sa harap namin ay sinabayan namin 'yon ng pagtayo para salubungin sila. Napapalunok akong tumitig kay Diane, napamura pa ko sa isip nang makitang mas lalo siyang gumanda, at mula sa distansya namin ay nalalanghap ko ang panibago niyang amoy. Kahit hindi ako sigurado kung sa kaniya ba 'yon dahil katabi niya ang mga kaibigan niya.