Diane's Point Of View
"WALA PA RIN si Dextar?" Tanong ni Kyla bago kumaway sa mga batang papauwi na.
Nag-imbita sila ng mga bata galing sa orphanage para sa binyag ni Klyrix. Tapos na ang palaro at kainan dito sa malawak na bakuran ng bahay nila Kyla kaya matapos magpahinga ay nagpaalam na silang babalik na sa bahay ampunan. Hapon na, pero hanggang ngayon ay wala pa rin sila Dextar, Xian at Alysa. Ni hindi sila dumalo sa simbahan kaninang umaga.
"Pati si Xian at Alysa, wala rin. Pero kausap ko sila kaninang madaling araw nung lumapag na ang eroplano nila." Dagdag pa ni Kyla nang tuluyan siyang humarap sa'min. Si Klyn naman ay nakaupo sa tabi ni Kyla at buhat-buhat si Klyrix na nilalaro ng anak ko.
"Baka naman nahihiyang magpakita kay Diane?" Konklusyon ni Macky kaya napatingin kami sa kaniya.
"Kahit si Dextar?" Nakangiwing tanong ni Kyla na tumingin pa sa'kin.
"I dunno bakla." Nagkibit balikat si Macky. "Ano na bang ganap sa inyo?" Baling nito sa'kin.
"Dex, it's good you came."
Napatingin kami kay Aiverson nang sabihin niya 'yon habang nakatingin sa loob ng bahay nila Kyla. At 'ayon, nakita naming naglalakad ang kanina pa namin hinahanap. Naka-faded jeans siya, at white shirt na pinatungan niya ng formal blazer. Seryoso ang mukha niya at diretso siyang nakatingin sa'kin na nagpabilis ng tibok ng puso ko.
"Dada!"
Tatakbo na sana si Dexiane papalapit kay Dextar pero pinigilan ko siya nang makita kung sino-sino ang kasunod niya. Inaasahan ko ng makikita ko sila Xian at Alysa, pero ang hindi ko nauunawaan ay kung bakit kasama nila si Jake at si Selena.
Anong ginagawa ng bruhildang 'yan dito?
Napatayo kaming lahat habang hinihintay ang paglapit nila sa'min. Nakahawak si Selena sa tiyan na halata ang umbok kaya todo alalay si Jake sa kaniya, si Xian at Alysa ay maghawak ang kamay at may nag-aalala na tingin na animong nanghihingi ng pasensya sa'min. At si Dextar naman ay hindi maalis ang tingin sa'kin at bakas ang pagmamadali sa lakad niya hanggang sa makalapit sila sa'min.
"Daddy!" Nakangiting sigaw ni Dexiane na pilit kumakawala sa hawak ko habang ang isang kamay niya ay inaabot si Dextar na animong gustong magpabuhat sa kaniya.
Nagbaba ng tingin si Dextar sa kaniya at nakita ko kung paano lumambot ang ekspresyon niya. Lumamlam ang mga mata nito at madamdaming napangiti.
"My son..."
Dumagundong ang kaba sa dibdib ko nang i-usal 'yon ni Dextar. Napaawang ang labi ko at nagugulat na tinignan siya bago ko nilibot ang tingin sa mga kasama namin. Nakita kong napatakip ng bibig si Angel, napalunok si Macky at si Kyla na mukhang kinakabahan din na nakatingin sa'kin. Tumingin din ako sa kaniya na animong nanghihingi ako ng tulong sa kaniya.
Lalapit na sana siya sa'kin nang hawakan ni Klyn ang isang kamay niya, tipid itong ngumiti sa kaniya bago umiling. Tumingin ulit si Kyla sa'kin at napabuntong hininga. Hindi na siya lumapit sa'kin kaya napahigpit ang kapit ko kay Dexiane.
Tumingin ulit ako kay Dextar at akmang lalapit ulit kay Dexiane nang ilayo ko ang anak ko sa kaniya.
"Diane, please. Hayaan mong yakapin ko ang anak ko." Pakiusap ni Dextar sa'kin.
"A-ano bang s-sinasabi mo diyan?" Utal at kinakabahan na tanong ko.
Tumingin siya ng diretso sa'kin kaya nabasa ko ang halo-halong emosyon sa mga mata niya. Samahan pa ng pangingilid ng mga luha niya sa palibot niyon.