Diane's Point Of View
NANANATILING nakikipagtitigan ako kay Kyla, na ngayon ay hindi ko na mabasa ang emosyon sa mukha niya. Napalunok ako at tinignan naman si Angel, bahagyang nakaawang ang labi niya at parang pinaglilinay-linayan na ang nakitang Pregnancy Test, wala pa mang kompirmasyon na nanggagaling sa'kin.
"Bakit 'te? Anong problema?"
Nahugot ko ang hininga ko at nilingon si Tristhan, pabalik-balik ang tingin niya sa'ming tatlo at nagtataka kung bakit nagtititigan lang kami at hindi nagsasalita.
Tulirong nilingon ni Kyla ang kapatid at saka tumingin ulit sa'kin. "M-may tinatanong lang kami kay Diane."
"Ano ba 'yon?" Tanong ulit ni Tristhan na patuloy pa rin sa pagsulyap-sulyap sa'ming tatlo.
Bumuntong hininga si Kyla at itinaas ulit ang Pregnancy Test na hawak niya. "Kung sa kaniya ba 'to."
Nagugulat na napatingin si Tristhan do'n, saka parang babaeng napatakip ng bibig gamit ang dalawang kamay at nanlalaki ang mga mata na tumingin sa'kin.
"Diane--" Hindi ko na pinatapos si Angel.
"S-sa'kin nga 'yan." Nanginginig ang ibabang labi na usal ko.
Pare-pareho ko silang napanood kung paano nagulat sa sinabi ko, napatakip na rin ng bibig si Angel habang si Kyla ay panay ang kurap ng mga mata habang nakaawang ang labi na nakatuon pa rin ang tingin sa'kin. Si Tristhan naman ay gano'n pa rin ang reaksyon.
Nakagat ko ang labi ko nang kalaunan ay nasapo ni Kyla ang kaniyang noo at napabaling sa kaliwa niya. Nadinig ko pa ang pagbuga niya ng hangin, kaya nang tumingin ulit siya sa'kin ay nagsisimula na ulit mangilid ang mga luha sa mata ko.
"B-buntis ka?" Pangungumpirma pa ni Kyla, nagugulat pa rin at animong hindi malaman kung paano iintindihin ang nalaman.
Nagbaba ako ng tingin kasabay ng pagtulo ng luha mula sa mga mata ko. Bahagya akong tumango-tango para sagutin ang tanong niya.
"N-nakakabigla..." Dinig kong halos pabulong na usal ni Angel.
Muling tumulo ang luha sa mga mata ko. Ang takot at kaba ko ay mas domoble, sa loob-loob ko ay hinahanda ko na ang sarili ko para tanggapin ang mga sasabihin nila patungkol sa pagdadalang tao ko. Kung bakit ko hinayaan mangyari 'yon gayong may mga napag-usapan kami sa nakaraan, at kung bakit pumayag ako gayong hindi pa naman kami kasal ni Dextar.
Hindi ko na napigilan ang sarili kong humikbi sa harap nila, lalo na nang magsimulang mag-imahinasyon ang isip ko sa mga masasakit na salita na maaari nilang ibato at isumbat sa'kin, kung paano sila nadidismaya, kung paano nila ako lalayuan at kung paano magbabago ang tingin at iniisip nila patungkol sa'kin.
Nagpunas ako ng luha at may pagsusumamong tumingin sa kanila. "I-i'm s-sor--"
"Congrats."
Hindi ko natapos ang sasabihin nang iwika 'yon ni Kyla. Nanlalabo ang mata kong tumingin sa kaniya pero hindi naging sabagal 'yon upang makita ang dahan-dahan niyang pagngiti sa'kin.
"Oo nga, congrats. Magiging mommy ka na."
Napatingin naman ako kay Angel nang sabihin niya din 'yon. Nakangiti na rin siya sa'kin at tumaas-taas ang parehong kilay habang pailalim ang tingin sa'kin.
Nakuha ulit ni Kyla ang atensyon ko nang lumapit siya sa'kin para umupo sa paanan niya upang mapantayan ang tiyan ko.
"Hello there baby, I'm your pretty tita mommy!" Nakangiting usal ni Kyla habang nakaharap sa tiyan ko.