Diane's Point Of View
NANG IHINTO ko ang sasakyan namin ay nilibot ko pa ang paningin sa mansion na nasa harap ko. Maraming mga tao sa labas, pero nagpapasalamat akong wala akong nakikitang taga-media.
"Sigurado ka ba talaga dito Diane? Baka naman magkagulo lang kapag nakita nila tayo." Ani Angel na may pag-aalala sa tinig.
Napangisi ako. "Magkakagulo talaga kapag sinimulan nila ako."
"Diane." Banggit ni Angel sa pangalan ko kaya napatingin ako sa kaniya. "Hangga't kaya mo ay iwasan mo ang gulo."
"Hindi ko magagawa 'yon Angel."
"Kailangan mong gawin."
"At bakit?"
"Dahil hindi ako makakain ng maayos. Saka mo na lang sila patulan kapag pauwi na tayo hehe." Biglang ngiti ni Angel! Napailing na lang ako.
"Desisyon." Ang nasabi na lang ni Kyla kay Angel.
"Pagkain naman kasi ang pinunta natin dito hindi gulo. Hindi naman kasi 'yan nakakabusog kaya iwasan niyo na lang."
"Wala ng ibang mahalaga sa'yo kundi pagkain Gel."
"Hindi ah. Mahalaga rin kayong dalawa sa'kin, ayokong napapasali kayo sa away o gulo dahil ayokong mapahamak kayo." Seryosong ani Angel.
Ngumiti ako sa kaniya at ginulo ang buhok niya. "Oo na, iiwas na. Wala tayong papansin do'n at ang gagawin lang natin ay kumain ng kumain. Gusto mo ipag-take out pa kita e." Ngumiwi ako sa huli.
Nagningning naman ang mga mata niya. Sineryoso ang huling sinabi ko. "Sige ba!" Hiyaw niya sa tuwa.
Natawa na lang kami ni Kyla sa kaniya. Nang kumalma na kami ay sabay-sabay na kaming bumaba ng sasakyan. Naagaw namin ang ilang taong kasabay namin papasok sa mansion, at dahil likas na sa'min na ninanamnam ang mga tingin ng ibang tao sa'min ay mas lalo naming kina-reer ang pagrampa.
Dahil sa lawak ng masion nila Kisha ay sa loob mismo ginaganap ang party. As usual, puro round tables ang kabuuan ng malawak nilang sala. Agaw atensyon naman ang stairs kung saan bababa ang birthday celebrant mamaya, halata 'yon sa decorations na nakapalibot do'n. Marami ng tao pero mukhang hindi pa nagsisimula ang party.
Napabuntong hininga naman ako nang mamataan na halos lahat ng mga kamag-anak ko ay narito, at lahat sila ay nasa akin na ang tingin. Iba-iba ang reaksyon nila. May nagulat, may nagsalubong at nag-angat ng kilay, may inis na nakatingin sa'kin, at may masama pa ang tingin. Lahat sila ay kapansin-pansin na ayaw nila akong makita.
The feeling is mutual...
Nananatili namang blanko ang mukha ko at hindi na muli sila tinignan pa. Pero aware akong wala pa ang boss nila.
Si doña Marcel....
"Umupo na tayo. 'Wag mo na lang silang pansinin." Ani Angel na hinawakan pa ang braso ko. Nginitian ko naman siya at saka kami naghanap ng pwesto.
Nang maupo kami ay siyang dating ni doña Marcel. Pero matapos matigilan ay naasiwa ako nang makitang kasama niya ang anak niya na mukhang kauuwi lang ng pilipinas. May kasama siyang lalaki, at halatang nagmana siya sa ina niya. Mahilig sa may lahi katulad ng ama niya.
Bruhilda...
"Oh, nandito Ex ni Dextar." Anunsyo ni Kyla na para bang hindi ko rin nakikita.