Kabanata 11: Mahigpit na Yakap

30 3 2
                                    

SANDALI akong napahinto. Nakakabinging katahimikan. Nagbabakasakali akong marinig niya iyon ngunit nabigo ako. Hindi ito bumalik.

    Napayuko ako. Sinusubukan kong hilutin iyong namamanhid kong kaliwang paa. Natuluyan na iyon. Hindi ko na ito maigalaw.

    “Ano bang nangyari?”

    Napahinto ako sa paghihilot ng binti ko. Hindi ako nagkakamali kung sino ang lalaking iyon na kapapasok lang sa silid ko. Nang magtaas ako ng tingin ay hindi ako nagkamali sa inakala ko.

    Si Axl.

    “Anong nangyari?” pag-uulit nito sa tinanong niya kanina.

    “Tu-Tumayo ako para magpahangin sandali pe-pero... hindi kinaya ng kaliwang paa ko ang tumayo ng matagal kaya namanhid na't hindi ko na maigalaw...” pagpapaliwanag ko nang hindi tumitingin sa kanya.

    Sa lahat pa ng taong tutulong sa akin ay bakit siya pa? Puwede namang ibang tao na lang, 'di ba? Kung minamalas ka nga naman, oo!

    Nagulat na lang ako nang hawakan nito ang paa ko. “Namamanhid pa ba?”

    Wala na 'kong nagawa kundi tumango. Sino ba naman ako para sungitan siya. Ako na nga 'tong humingi ng tulong sa kanya.

    “A-Arayyy! Dahan-dahan naman!” sambit ko nang makaramdam ako ng sakit.

    Mayamaya pa ay nagkatinginan kaming dalawa. Ngunit agad din akong nagbaba ng tingin sa paa ko. Ano bang mayroon sa mga titig niya? Bakit nakukuryente ako nang bigla-bigla?

    Patuloy ang paghilot niya sa kaliwa kong paa hanggang sa mawala iyong pamamanhid.

    “Kumapit ka sa akin, aalalayan kitang makatayo...” aniya na ikinatango ko.

    Ibinigay ko ang kamay ko sa kanya at dahan-dahan niya akong itinayo. Nakahawak naman iyong kanang kamay ko sa pole habang iyong kaliwa naman ay hawak ni Axl. Inalalayan ako nito hanggang sa maka-upo ako sa hospital bed. Nakahinga ako nang maluwag. Sandali pa akong napapikit upang bumuntong-hininga.

    “Wala ka bang kasama rito?”

    Hindi ko ito binalingan ng tingin. “Obvious ba? May nakikita ka?”

    “Ikaw na nga 'tong tinulungan... Ikaw pa ang may ganang magsungit sa akin ng ganyan. Ni hindi mo man lang ba ako pasasalamatan—”

    “Salamat...” sabay irap ko sa kawalan.

    “Hayan! Ganyan dapat! Marunong kang tumanaw ng utang na loob!”

    Sinungitan ko ito nang hindi niya namamalayan. “Kaya naman... utang na loob kung wala ka ng ibang sasabihin sa akin, lumayas ka na...”

    Pumameywang ito sa harap ko. “Bakit ba ang sungit mo?”

    “Bakit ba ang dami mong tanong?” pabalang kong sagot sa kanya.

    “Kung hindi ka nagsusungit, pabalang ka naman makipag-usap sa akin. 'Yong totoo, saan ka pinaglihi?”

    Bumuntong-hininga ako. “'Yong totoo... bakit gustong-gusto mong manghimasok sa buhay nang may buhay?” Pagkatapos kong banggitin ang mga katagang iyon ay tumingin ako sa kanya. Hindi ko namamalayang kanina pa pala siya nakatingin kaya nagtama ang paningin naming dalawa sa isa't isa.

    Inilapit nito ang sarili niya sa akin. “Ngumiti ka nga. I think... you are better when smiling...”

    Ang mga mata niya. It reminds me of daddy. Hindi ko alam kung bakit o kung paano pero... pakiramdam ko sobrang lapit ko sa kanya. Pakiramdam ko matagal ko na siyang kilala.

Tales Of The Heart [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon