UNTI-UNTI nang bumabalik ang lahat sa dati. Ang saya ng puso ko dahil wala ng bigat at sama ng loob na dinadala ito. Sunod-sunod na rin ang magagandang balitang natatanggap ko. Bumalik na sa serbisyo si Ate Dein bilang isang doktor. Namalagi na siya sa Amerika kasama ang asawa nitong si Jaiden at biniyayaan na rin sila ng mga supling. Si Dant Aquios naman ay natupad na ang pangarap na maging business man. Siya ang may ari ng pumapangalawang kumpanya ng famous brand na wine sa Amerika. Ang buong pamilya Fabellar ay namalagi na sa ibang bansa ngunit si Axl ay mas piniling manatili sa Pilipinas at dito na bumuo ng masayang pamilya.
Naipagpatuloy ni Nheia ang Cosmetic Company niya at naitaguyod niyang mag-isa ang pagpapalaki sa anak niya. Si mama naman ay ipinaubaya na sa akin ang pag-aalaga ng farm dahil sumunod siya sa Canada upang makapiling si Tita Olivia kasama si Tito Alfred.
Tunay ngang nagbago na ang ihip ng hangin. May kanya-kanya na kaming mundong ginagalawan ngunit mananatili kaming iisa sa puso.
Sampung taon na rin ang nakalipas noong magpalitan kami ng ‘I Do’ ni Axl sa harap ng altar. Malinaw na malinaw pa sa isipan ko kung gaano naging ispesyal ang araw na 'yon para sa akin. Ang pinangarap kong magsuot ng wedding gown ay natupad din. Minsan lang sa buhay ang maikasal, kasama ko ang mga ala-alang iyon sa aking pagtanda lalo na't pinakasalan ko ang lalaking nagbibigay ng pag-asa sa buhay ko. Unti-unti niyang tinupad ang mga pangako niya, 'yong iba ay sobra-sobra pa.
Napakasuwerte ko sa asawa ko. Pinatunayan niyang kaya niya akong panindigan. Pinatunayan niyang mamahalin niya ako habang buhay. Hindi naging madali ang buhay, ngunit sa bisa ng aming pagmamahalan sa isa't isa, walang araw na hindi kami nakangiti.
“At bakit nakangiti ang ate ko?”
Natawa ako nang bigla akong tanungin ni Nheia. Bumisita sila sa bahay kasama ang anak niyang si Janina.
“Na-realize ko lang. Sobrang dami na pa lang nangyari sa loob ng sampung taon, 'no?” nakangiting tanong ko.
Nasa pool area kami ni Nheia, nagpapahangin at umiinom ng juice habang ang mga staffs ko ay nagtatrabaho sa loob ng bahay. Nagse-setup sila ng mga dekorasyon para sa gagawing family photoshoot namin.
“Sinabi mo pa. Itong si Janina ko, dalaga na. Hindi ko rin akalaing, maitataguyod ko siya nang mag-isa. Sobrang sarap sa pakiramdam na may rason ako para sumaya at magpatuloy sa buhay,” salaysay ni Nheia.
Hinawakan ko ang kamay niya. “Sabi ko naman sa iyo na kakayanin mo 'yan.”
“Hindi ka kasi nawala sa tabi ko noong mga panahong lugmok na lugmok ako.”
“Tigilan mo nga ako sa drama mo!” natatawang sambit ko at saka ko patapon na binitiwan ang kamay niya.
“Ikaw kaya ang nag-umpisa!” nakataas-kilay na sumbat niya sa akin.
Kinuha ko 'yong juice at ininom iyon. Wala nang mas sasaya pa sa buhay na mayroon ako ngayon. Panatag na ako. Ito ang pamilyang hinahangad ko sa buong buhay ko.
“Drex, sandali! Juice ko kang bata ka, halika nga rito!”
Napalingon kami ni Nheia nang makarinig kami ng ingay mula sa kabilang gilid ng pool. Nakangiti akong pinapanood si Drex habang pinaglalaruan iyong water hose. Kasama niya si Manang Belen, ang nag-alalaga at nagbabantay sa kanya sa tuwing abala ko sa trabaho.
“Habulin niyo 'ko, manang Belen!”
“Mapapagod ako sa iyong bata ka!”
“Manang Belen, dito!”
Tumayo ako nang tumakbo si Drex palapit sa amin ni Nheia. Kinuha ko 'yong tuwalyang nakasabit sa upuan at lumapit ako kay Drex para punasan ang mukha't katawan niya.
BINABASA MO ANG
Tales Of The Heart [COMPLETED]
RomanceFormer Title: My Secret Heart Hindi akalaing magiging misteryoso ang buhay ng dalagang si Nicole Ayesha Arcueda nang pumanaw ang kanyang minamahal na ama. Noon pa man ay papa's girl na ito kung ituring ng kanyang ina. Hindi maipinta ang galit sa pus...