THIRTY FOUR

3 2 0
                                    

CELLINE



Isang linggo bago ang graduation namin ay masaya akong umuwi sa bahay dahil wala na 'kong ibang gagawin kundi hintayin ang graduation day namin. Sa wakas, makakapag-relax na rin ako. Malawak ang ngiti ko habang papasok ng bahay pero nawala 'yon nang makita 'kong nagkukumpulan ang apat naming kasambahay malapit sa hagdan.



“Grabe, nakakatakot talaga kanina! 'Di ko alam na magwawala siya ng gano'n.” Rinig kong sabi ng isa.



“Eh mukhang napakalma na naman ni Ma'am at Sir. Baka stress lang—”



“Sino pong pinag-uusapan niyo?” Pinutol ko ang sinasabi ni Ate Sally para magtanong.



“Ma'am Celline!” Halos sabay-sabay nilang sabi na parang nakakita pa ng multo. Pinalipat-lipat ko ang tingin sa kanila, naghihintay ng sagot. Kumunot ang noo ko nang makita kong nagsisikuhan silang apat na para bang natatakot silang magsalita.



“Ano kasi... Ma'am Celline...” Binasa ko ang labi ko, naiinip na. Ilang oras lang akong nawala sa bahay at parang may hindi maganda nang nangyari?



“Ano?” Tanong ko ulit.



“Si Ma'am Callie po kasi kanina...” Alanganing tumingin sa'kin si Ate Sally, nabasa ko rin ang pagkabahala sa buong mukha niya.



“Anong meron sa kapatid ko? Ano ba talagang nangyari?” Bakit ba parang natatakot silang sabihin? Si Callie ba ang nagwala na sinasabi nila kanina?



“Si Ma'am Callie po kasi kanina nagwawala po sa kwarto niya. Pinagbabato niya po ang mga gamit niya roon kaya tinawagan na namin ang Mommy niyo dahil hindi namin siya maawat.” Dire-diretso at mabilis na kwento ni Ate Sally, sa sobrang bilis ng pagkakasabi niya, ang tanging tumatak lang sa isip ko ay nagwala si Callie.



Nangunot ang noo ko.



“Buti nga po dumating agad ang Mommy at Daddy niyo. Nandoon po sila sa kwarto ni Ma'am Callie.” Tumango lang ako dahil hindi ko alam kung anong isasagot at agad na umakyat. Inaatake ng kaba at pag-aalala ang puso ko dahil sa sinabi ni Ate Sally. Bakit naman magwawala si Callie? Baka kung ano nang nangyari sa kapatid ko.



Hindi na 'ko kumatok at basta na lang binuksan ang pinto ng kwarto ni Callie. Napasinghap ako nang makitang parang dinaanan ng bagyo ang buong kwarto niya. Nagkalat ang ibang unan, damit at kung ano-ano pa. Nakita ko ring basag ang lampshade at ang mga picture frames na nasa side table niya.



Tumingin ako kila Mommy na nakaupo sa gilid ng kama ni Callie. Natutulog na ang kakambal ko.



“A-ano pong nangyari? Ayos lang ba siya?” Agad akong lumapit at sinipat ang katawan ni Callie. Bahagya kong tinaas ang braso niya at pinakatitigan ang bawat parte ng katawan niya, baka nagkasugat siya kanina.



“She's fine, anak. Don't worry.” Sabi ni Daddy. Nakahinga naman ako ng maluwag sa narinig ko.



“Bakit po siya nagwala? Anong problema?” Takang tanong ko. Nagkatinginan ang magulang ko, nakita ko pang umiling si Daddy at napamasahe sa sentido niya. Lumipas ang ilang segundo na walang sumagot sa'kin, nanatili silang tahimik at nagpapalitan lang ng maririing tingin dahilan para makaramdam ako ng inis at pagkainip.



Bakit hindi sila makasagot agad?



“We need to talk, Celline.” Seryosong sabi ni Mommy sa'kin matapos ang mahabang katahimikan. Hindi ko alam pero biglang bumalik ang kaba ko at parang dumoble pa! Ang seryosong boses ni Mommy ay sapat na para patayuin ang maliliit kong balahibo sa batok, wala pa siyang sinasabi pero base sa boses at hitsura nila, alam ko agad na may problema.



Love and Crosses (DELREAL SERIES #1)Where stories live. Discover now