Martina
Tuluyang nilamon ng antok si Martina habang nakahiga sa kanyang kama. Nakatulog siya na may luha sa gilid ng mga mata at nakapulupot ang isang pulang rosaryohan sa kanang kamay niya.
Mayamaya ay napabalikwas siya ng bangon. Tagaktak ang pawis sa noo niya at hinahabol ang paghinga.
"I-isang masamang panaginip," bulong niya. Dinampot niya ang isang basong tubig sa ibabaw ng lamesitang nasa gilid ng kaniyang higaan. Sunod-sunod na lagok ang ginawa niya upang maibsan ang panunuyo ng lalamunan at ang bahagyang paninikip ng dibdib niya. Makaraan ang ilang segundo ay unti-unting bumuti ang pakiramdam niya. Inilapag niya ang baso, at saka sinuyod ng tingin ang kabuuan ng kaniyang silid.
Dahan-dahan siyang tumayo at nilapitan ang maliit na eskaparate. Tinitigan niya ang kuwadrong nakapatong sa ibabaw niyon.
Sa larawang iyon ay kompleto pa ang kanyang pamilya, nakaukit ang matatamis na ngiti sa mga labi nila, at bakas ang lubos na kasiyahan sa kanilang mga mata.Hinaplos niya ang kuwadro at saka iyon ginawaran ng halik. Marahan niya itong dinala sa kanyang dibdib at niyakap nang mahigpit. Tumulo ang luha niya. "Kayo na po ang bahala sa amin, Panginoon. Ipinauubaya ko na po sa 'yo ang lahat—"
Umalingawngaw ang tunog ng nabasag na kung ano mula sa unang palapag ng bahay. Dahil doon ay napapitlag siya at muntik nang mabitiwan ang kuwadro. Biglang bumilis ang kabog ng dibdib niya.
Yakap ang larawan ay unti-unti siyang humakbang patungo sa may pinto. Nanginginig ang kamay niya nang pihitin ang siradura, pagkatapos ay sumilip siya sa kaunting siwang sa pintuan... kadiliman ang unang bumungad sa kanyang mga mata. Napakurap-kurap siya. Nakapatay kasi ang ilaw sa pasilyo maging sa ibaba ng bahay at tanging ang silid lamang niya ang may liwanag.
Ilang minuto ang lumipas, isasarado na sana niya ang pinto nang nakarinig siya ng mga yabag sa ibaba ng bahay. Para bang may nag-uutos sa kaniya na lumabas at tingnan kung sino ang may gawa ng ingay. Nagtatalo ang isip niya. Ayaw niyang lumabas ng silid, ngunit ang mga paa niya ay kusang humakbang palabas... para bang may kumukontrol sa kaniyang katawan na hindi niya maipaliwanag.
Nasa bungad na siya ng hagdanan ngunit wala pa rin siyang lakas upang pigilin ang sarili niyang mga paa. Nag-umpisa siyang humakbang pababa. Napakapit na lamang siya sa malamig na bakal sa gilid ng hagdan.
Pinagala niya ang mga mata nang makarating sa ibaba. Tanging ang liwanag na nagmumula sa poste ng ilaw sa labas ng bahay ang siyang nagbibigay ng kaunting liwanag sa sala. Napasinghap siya nang mapansin ang basag na bintana at ang manipis na kurtinang isinasayaw ng hangin.
Muli na sana siyang papanhik sa itaas nang... nang biglang may tumulo sa kaniyang noo. Natigilan siya, at saglit na nakiramdam. Muli na namang naulit at sa pagkakataong iyon ay pumatak na ito sa gilid ng pisngi niya. Mabilis niyang pinahid ang likido at inamoy-amoy iyon. Malagkit. Mabaho.
Tumingala siya.
"P-paniki..." Halos lumuwa ang mga mata niya nang makita ang maitim na nilalang na nakatiwarik sa kisame. Namumula ang mga mata nitong nakatutok sa kaniya. Bigla itong lumundag sa harapan niya kaya awtomatikong napaurong siya. "'W-wag kang lalapit!" Iniumang niya ang rosaryohang nakapulupot pa rin sa kanang kamay niya.
Hindi siya pinansin ng nilalang. Nagsimula itong humakbang palapit sa kaniya. Patuloy din siya sa pag-urong hanggang sa bumangga ang likod niya sa dingding.
"M-Martina."
"Lumayo ka sa akin, halimaw ka!"
"Martina..."
Itinaas niya ang hawak na kuwadro at akmang ihahampas iyon sa kaharap ngunit natigilan siya. "A-ang boses mo... pamilyar sa akin ang boses mo." Sinuyod niya ito ng tingin. Nawala ang malalapad nitong pakpak, maging ang itim na balahibong bumalot sa buong katawan nito.
BINABASA MO ANG
BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death
ParanormalMasamang balita ang nakarating kay MacKenzie tungkol sa kanyang kapatid na si Allison at sa kasintahan nito. Hindi na nakabalik ang dalawa matapos mag-camping sa Mount Balbaruka. Maging ang kanilang ama, pati na rin ang mga kasama nitong rescuers ay...