Chapter 26

153 14 19
                                    

Agad na tumalikod si MacKenzie at saka dinampot ang kaputol na kahoy na ang dulo ay nagliliyab. Magagamit nila iyon para  makakita sa dilim si Mattias. Mahirap pa naman itong pasunurin. Kalalaking tao... mareklamo.

"Paano kaya sila nakagagawa nito?" Kaagad siyang kumapit sa braso ni Mattias at nagpatuloy sa pagpasok sa lagusang iyon.

"Sigurado akong galing sa dagta ng puno ang nasa dulo ng sulong 'yan. Tirahan nila ang bundok na ito, natural lamang na marami silang alam para maka-survive."

Napatango-tango siya. "May alam ka rin pala kahit paano."

Siniko siya nang mahina ni Mattias. "Ano naman ang akala mo sa 'kin... baka nakalimutan mong nag-training akong maging sundalo. Kasali 'yan sa mga survival tips kapag nasa bundok ka."

"Oo na. Natatandaan ko. Lampa ka kaya hindi ka nakapa—"

"Ayaw lang talaga nina Mama't Papa. Kaya hindi ko itinuloy."

Alam naman niya ang bagay na iyon. Gusto lang niyang asarin ang binata, para saglit nitong makalimutan ang nangyari kanina. Hindi na lang siya umimik.

Makaraan ang mahigit sampung minuto ay narating nila ang bahagi ng kuweba, kung saan may mga uka ang magkabilaang lagusan. Napahinto sila, at saka sinuri ang paligid. Sinadyang lagyan ng mga espasyo ang bahaging iyon.

Sumilip siya sa isang uka. May mga kaputol na kahoy ang nakaharang sa bukana, at mayroon itong maliit na pintuan.

"Sa tingin ko... bahay nila 'yan dito sa loob ng kweba," bulong ni Mattias.

"Siguro nga. Tara, pasukin natin. May natatanaw akong mga butas sa dulo," aniya.

"Sigurado ka?" anito. Mukhang hindi na naman ito kumbinsido. Sabagay, kung saan ang naaabot ng liwanag ng sulo, iyon lamang ang nakikita ni Mattias.

"Oo. Malay natin, baka may mga itinitago silang bihag d'yan."

"Okay. Ako na ang mauuna," ani Mattias. Nauna nga itong pumasok sa pintuan habang nakasunod naman siya na hindi bumibitiw sa kamay nito.

Masyadong tahimik sa loob. Pinasadahan niya ng tingin ang buong paligid. Wala namang kakaiba roon, maliban sa mga tuyong dahon na nagkalat sa lupa.

"Tingnan natin doon," aniya, at itinuro ang makipot na lagusang nasa gawing kanan.

Mabuti na lang at nagkasya si Mattias sa butas. Wala siyang narinig na reklamo mula rito.

Nang makapasok sa loob ay agad silang natigilan.

May apat na batang natutulog sa papag. Mga lumang tela ang sapin ng mga ito na halos hindi na makilala kung ano'ng kulay dahil sa kalumaan.

Walang kaalam-alam ang mga ito sa presensiya nila.

Itinaas ni MacKenzie ang hawak na patalim. Akmang lalapit siya sa papag pero hinatak siya pabalik ni Mattias.

"'Wag mong sabihing papatayin din natin sila?" Matigas ang boses ni Mattias bagama't pabulong lang. Nakakunot-noo ito nang lingunin niya.

Gusto niyang batukan ang binata. "Naaawa ka sa kanila?" Itinuro niya ang mga bata. "Oo, bata ang mga 'yan... pero kaya rin nilang pumatay ng tao!"Napabuntong hininga siya. "Ito ang misyon ko, Mattias, ang ubusin ang lahi ng mga bangkilan. Matanda o bata, walang ititira!"

Napasabunot sa sariling buhok si Mattias. "Hindi ko kayang pumatay ng mga batang walang kala—"

"Hindi ko sinabing gawin mo... ako ang gagawa!" Iniabot niya kay Mattias ang hawak na sulo. "Tumalikod ka na lang," aniya, at pinagtaasan ito ng kilay.

BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon