Chapter 24

160 12 24
                                    

NAGISING si MacKenzie nang makarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril mula sa malayo. Pinagala niya ang paningin sa buong paligid at nasigurong wala roon si Mattias—bumalikwas siya ng bangon. Parang tinatambol ang dibdib niya dahil sa lakas ng tibok ng kanyang puso.

Masama ito! Kung bakit ba naman kasi natulog-tulog ka pa!

Agad niyang kinuha ang sinturon niya na nasa tabi lamang ng kanyang backpack. Nakasabit doon ang kanyang mga patalim,   mabilis niya iyong ipinulupot sa kanyang baywang. Kailangan niyang magmadali. Dapat ay mahanap niya ang kaibigan bago mahuli ang lahat. Ano ba ang naisip nito't bigla na lang lumabas? Alam naman nitong lubhang napakadelikado. Napailing na lamang siya.

Nang sipatin niya ang relong pambisig ay sampung minuto na lang bago sumapit ang ika-anim ng umaga. Masyadong naging mahimbing ang tulog niya't hindi man lang namalayan na wala na pala siyang kasama. Isang buntong hininga ang pinakawalan niya, bago nagsimulang gumapang palabas sa ilalim ng malaking batong pinagtaguan nila. Babalikan na lamang niya ang mga gamit nila roon, sagabal lamang ito kung dadalhin pa niya.

Malamig na hangin ang agad na sumalubong sa kanya, at humalik sa kanyang mukha. Saglit niyang pinasadahan ng tingin ang buong paligid, nakiramdam, at pinakinggan ang katahimikan, tanging ang huni ng mga ibon lamang ang narinig niya.

Agad siyang pumikit, hinawakan ang suot na medalyon, at dinala iyon malapit sa kanyang mga labi...

"Medalyon, simula ngayon ay buong puso kong tinatanggap na maging tagapangalaga mo. Magtulungan tayong talunin ang kasamaan, at ipatupad ang kabutihan. Ang kapangyarihan mo sa akin ay ipamalas, sapagkat ikaw at ako, ngayon ay magiging iisa na," bulong niya. Sa kanyang pagdilat ay nasilayan niyang muli ang pagkinang ng medalyon, ngunit agad din naman itong naglaho kasabay ng paghupa ng kabang kanina lang ay pumuno sa kanyang puso. Biglang gumaan ang kanyang pakiramdam, naglaho ang pag-aalinlangan.

Agad na siyang kumilos, ngayon ay handa na siyang harapin ang lahat—iligtas ang dapat na iligtas.

Buo ang kanyang mga hakbang habang tinatahak ang mabatong daan patungo sa kakahuyan. Kailangang makita niya si Mattias, sa lalong madaling panahon. Sigurado siyang nasa panganib ito dahil sa putok ng baril na siyang gumising sa kanya.

Ngunit, bago siya tuluyang makababa ay nakarinig siya ng mga yabag, naalerto siya, at mabilis na nagkubli sa likod ng puno. Ilang minuto siyang naghintay sa mga parating. Hindi nagtagal ay may nasagap siyang mga boses na nag-uusap, para bang sinadya ng hangin na ihatid sa kanyang tainga ang pag-uusap ng mga ito.

"Para saan naman kaya ang pagpupulong na ito't ki aga-aga'y ipinatawag tayo?" wika ng isang matandang babae. Nakayuko ito at sa dinaraan nakatuon ang paningin, hindi niya makita ang mukha nito. Puro puti na ang buhaghag na buhok  na halos umaabot hanggang sa sakong. Napailing siya. Paanong  nagawa ng babaeng ito na maglakad nang maayos, gayong halos tumabing na ang buhok sa buong mukha nito?

"Baka dahil sa mga dayo. Nasaksihan naman natin ang nangyaring kaguluhan kagabi," wika ng matandang lalaking nakabahag.

"Malaking perwisyo talaga ang dulot sa atin ng mga tao!" sabi ng matandang babae bago makapasok sa bunganga ng kuweba.

Mga huni ng ibon ang muling namayani sa buong paligid. Hindi na niya narinig ang mga boses nang makapasok ang mga ito sa loob ng yungib. Dalawang impormasyon ang napag-alaman niya. Una, may pagpupulong ang mga Bangkilan. Pangalawa, hindi lang sa kuwebang iyon nakatira ang mga bangkilan, may iba pa itong pinamumugaran. Kailangan talaga niyang mag-ingat.

Ilang minuto ang pinalipas niya. Akmang lalabas na siya sa kanyang pinagkublihan nang muli siyang nakarinig ng mga yabag. Napilitan siyang bumalik sa dating posisyon at palihim na sinilip ang mga paparating.

BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon