NAG-AAGAW NA ang liwanag at dilim. Nag-umpisa na ring dumapo sa sanga ng mga punong kahoy ang sari-saring klase ng ibon, ang mga huni nila ang siyang bumabasag sa katahimikan ng buong paligid. Idagdag pa ang ingay ng mga kuliglig na nakikipagsabayan din sa pag-awit ng mga ibon.
Mabagal ang ginagawang paghakbang ni Mackie, tantsado ang bawat galaw niya at iniiwasan na makalikha ng ingay.
Tinitiis niya ang pangangati ng kanyang katawan dahil sa mga dahon at baging na nakapulupot sa kanya. Nagmistula silang taong halaman na naglalakad nang marahan. Sa mga palabas lamang nakikita ang ganitong eksena, hindi niya akalain na ginagawa rin nila ito ngayon. Ideya ito ni Mattias na sinang-ayunan naman niya.
Sa pagtunton sa pinanggalingan ng usok na natanaw nila kanina ay kanilang narating ang abandonadong baryo sa gitna ng kakahuyan. Tila pinaglipasan na iyon nang napakatagal na panahon dahil puro haligi na lamang ang ibang bahay na daanan nila. Kahit nilulumot na at karamiha'y lugmok na, ang iba ay pinuluputan na ng mga halamang baging, halata pa rin na yari sa matitibay na kahoy ang mga bahayan doon.
"Mukhang wala nang nakatira dito," bulong ni Mattias, nasa unahan niya ito at pansamantala munang huminto sa paghakbang.
"Sinabi mo pa. Pero sigurado akong tama ang tinutumbok nating direksyon," aniya.
"Langya, hindi naman kaya patibong lamang ito!" matigas na sabi nito.
"Hindi naman siguro, pero kailangan pa rin nating maging alerto. Mahirap na. Gumagabi na rin at siguradong dito na tayo magpapalipas ng dilim."
Kampante siya dahil wala pang ibinibigay na hudyat ang medalyon.
"Tama ka. Dito na lang tayo magpalipas ng gabi," pagsang-ayon ni Mattias.
Muli silang nagpatuloy sa paglalakad, pero sa pagkakataong iyon ay abala na sila sa paghahanap ng lugar na puwede nilang pagtaguan.
"Pwede na siguro tayo riyan," bulong ni Mattias.
Pinagmasdan niyang mabuti ang itinuro ni Mattias. Isang bahay na tinubuan na ng malaking puno sa gitna. Ang kalahating parte nito ay bagsak na ang kalahati naman ay nakaangat na at halos wala ng bubong. Para na itong nakukumutan ng mga halamang baging, ngunit mayroon itong espasyo sa gilid na puwede nilang daanan papasok sa loob ng bahay.
Wala naman siyang naramdaman na kakaiba. Maliban lang sa pagtayo ng kanyang mga balahibo dahil sa naglalaro sa kanyang isipan.
"Mukhang maraming ahas d'yan!"
"Ano'ng gusto mo? Mamatay sa tuklaw o lalapain ka nang buhay ng mga halimaw?"
"Sira! Wala akong gugustuhin alin man sa sinabi mo!"
Narinig niya ang mahinang pagtawa ni Mattias.
"Nasa gubat tayo kaya kahit saang parte rito siguradong may ahas. Ipagdasal mo na lang na wala riyan," anito.
Hinawi ni Mattias ang mga baging na nakaharang at nauna na itong pumasok sa loob ng espasyo. Hindi nga talaga mapapansin na may tao roon lalo pa't madilim na, hindi rin tinanggal ni Mattias ang mga dahon na nakadikit sa katawan nito.
Susunod sana siya kay Mattias pero agad siyang natigilan sa kanyang kinatatayuan.
Isang sigaw mula sa 'di kalayuan ang narinig niya. Nasundan pa iyon nang pagdaing ng isang lalaki. May ibang mga boses pa siyang nasagap pero hindi niya maintindihan kung ano ang mga sinasabi nito. Mas nangingibabaw ang boses ng lalaki na tila humihingi ito ng saklolo.
"May sumigaw ba? Parang may narinig ako?" tanong ni Mattias. Nasa tabi na niya ito.
"Meron... at mukhang galing sa gawing 'yon."
BINABASA MO ANG
BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death
ParanormalMasamang balita ang nakarating kay MacKenzie tungkol sa kanyang kapatid na si Allison at sa kasintahan nito. Hindi na nakabalik ang dalawa matapos mag-camping sa Mount Balbaruka. Maging ang kanilang ama, pati na rin ang mga kasama nitong rescuers ay...