MackenzieMabigat sa pakiramdam na nakapatay siya. Nanginginig pa rin ang mga kamay ni MacKenzie habang nakatitig sa lalaking wala ng buhay.
"Kalmahin mo ang iyong sarili, hija! Hindi ito ang tamang oras upang maging mahina ka... ginawa mo lang kung ano ang nararapat!"
"P-Pero nakapatay ako, 'lo. A-Ayokong makulong!"
"Hindi ka makukulong, apo! Hindi siya normal na tao, tama lamang ang iyong ginawa. May higit na nangangailan sa tulong natin ngayon, kaya 'wag mo munang isipin ang nagawa mo." Lumingon ang lolo niya sa gawing likuran nito. "Kailangan natin silang tulungan."
Wala sa loob na sinundan niya ito ng tingin. Saka lang niya napansin ang mag-anak sa tabi ng puno na halos limang dipa ang layo sa kinaroroonan nila. Nagkukumpulan ang apat na bata habang patuloy ang mga ito sa paghikbi. Isang lalaki naman ang hindi mapakali sa tabi ng babaeng buntis. Panay ang haplos nito sa tiyan ng asawa.
"Antonio, hindi ko na yata kaya," sabi ng buntis.
Natauhan siya. Mas kailangan nga ng tulong ng mga ito sa tingin niya. Saka na niya iisipin ang kanyang problema.
Agad siyang tumakbo palapit sa mga ito. Ang takot na nadarama niya kanina ay napalitan ng pag-aalala dahil sa kalagayan ng buntis. Bilang isang nars ay talagang nasa sistema niya ang tumulong sa nangangailangan ng agarang aksyon.
"Kaunting tiis pa. Dadalhin kita sa center. Baka kung mapano kayo ng anak natin kung dito mo siya ilalabas," ani Mang Antonio habang palapit siya. Ang kanyang abuelo ay nakasunod naman sa kanyang likuran.
"Kailangan makaalis na tayo rito sa lalong madaling panahon. Hindi pwedeng magtagal pa rito ang asawa mo at ang mga bata," turan ng matanda nang makalapit sila sa mag-anak.
"Kaya n'yo pa ba, Manang Carmen?" Saka lang niya nakilala ang babae nang malapitan ito. Ito ang anak ni Mang Berting, ang dating katiwala sa tubuhan, kaya lang ay nabalitaan niyang namatay na ito noong nakaraang taon.
Nanlaki ang mga mata nito. Marahil ay hindi nito inaasahan ang pagsulpot niya. Kahit nahihirapan ito ay pilit itong ngumiti. "Kakayanin ko, alang-alang sa anak ko."
Tumango siya.
"Kumapit ka sa akin," sabi ng asawa nito na si Mang Anton kung tawagin niya. Dahan-dahan nitong binuhat ang asawa. Ikinapit naman ni Manang Carmen ang braso paikot sa leeg ng asawa.
"Tara na. Umalis na tayo rito bago pa sila bumalik," wika ng lolo niya. Nilapitan niya ito na ngayon ay nasa tabi ng apat na bata.
Kinarga niya ang batang babae na sa hula niya ay nasa dalawang taong gulang pa lamang. "'Wag kang umiyak. May candy ako sa bahay, bibigyan kita mamaya," aniya rito dahil patuloy pa rin ito sa pag-iyak. Huminto naman ito nang marinig ang candy na sinabi niya.
Nag-umpisa na silang maglakad paalis sa lugar na iyon. Nauna si Mang Anton na buhat-buhat ang asawa, nakasunod naman ang batang lalaki na may nakasabit na tirador sa leeg; ang panganay ng mag-asawa. Hawak nito ang isang kamay ng nakababatang kapatid. Siya naman ang sumunod sa dalawang bata, samantalang ang kanyang lolo ay nasa likuran niya at akay ang isa pang bata.
Makitid ang daang tinahak nila, kasya lamang ang dalawang tao roon. Madilim pa ang buong paligid kaya hindi niya gaanong maaninag kung mga damo ba o taniman ng gulay ang magkabilaang bahagi ng daan na tinatahak nila. Naalala niya ang lampara, kung kailan naman kailangan nila ng liwanag saka pa nawala sa isip niya. Maging ang kampilan ay hinayaan na niyang nakabaon sa likod ng lalaki. Nawalan na kasi siya ng lakas upang tanggalin pa ito. Hindi pa rin siya makapaniwala na nagawa niya ang bagay na iyon.
BINABASA MO ANG
BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death
ParanormalMasamang balita ang nakarating kay MacKenzie tungkol sa kanyang kapatid na si Allison at sa kasintahan nito. Hindi na nakabalik ang dalawa matapos mag-camping sa Mount Balbaruka. Maging ang kanilang ama, pati na rin ang mga kasama nitong rescuers ay...