Chapter 10

248 24 146
                                    


Hapung-hapo ang katawan ni MacKenzie, parang gusto na niyang ibaon ang sarili sa malambot na kama. Pero ang kaniyang mga mata ay hindi naman nakikisama. Alas-otso na pala ng gabi nang lingunin niya ang maliit na orasang nakapatong sa ibabaw ng kaniyang tokador.

Dahan-dahan niyang hinilot ang sariling noo at saka pinakawalan ang isang malalim na buntonghininga. Marami ang nangyari kaya parang sasabog na tuloy ang utak niya.

Nang dumating sila kanina ay pinagpahinga muna siya ng kaniyang ina. Maging ang lolo niya ay hindi na rin umangal nang pati ito ay pinilit ng mama niyang magpahinga. Mukhang batid nito na talagang napagod silang dalawa; marahil ay halata na iyon sa kilos at ayos nilang dalawa.

Ang mama na lang daw niya at ang mga ka-baryo ang siyang magtutulong-tulong sa pag-aayos ng maliit na kapilya para sa burol ni Manang Carmen.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin talaga siya makapaniwalang patay na si Manang Carmen. Sumakit ang puso niya nang maalala ang sanggol na nawalan ng pagkakaong masilayan ang mundo. Hindi na rin ito inilabas ng doktor dahil namatay na ito sa sinapupunan pa lang ng ina nito. Mabuti na rin siguro iyon. Sigurado siyang hindi ito nag-iisa dahil kasama nito si Manang Carmen hanggang sa kabilang buhay.

Dahil sa mga halimaw na iyon ay dalawang buhay na naman ang nawala. Kung hindi dahil sa kanila ay buhay pa sana ang mag-ina. Ito rin ang siyang dahilan nang pagkawala ng kaniyang kapatid at ama. Bigla niyang naikuyom nang mahigpit ang mga kamao, nagtagis ang mga bagang niya. Nag-umpisa na namang sumiklab ang apoy sa kaniyang puso; parang bulkan na gustong sumabog.

Walang mawawala sa pamilya ko mula ngayon! Humanda sila... talagang pagbabayarin ko sila!

Agad siyang bumangon. Sa isang iglap lang ay nawala ang pagkahapo niya. Ngayon pa ba siya magpapabaya, mapapagod o susuko? Sabi nga ng kaniyang abuelo ay nagsisimula na ang mga kalaban; dapat na rin siyang maghanda. Tama ang kaniyang ama, kailangan nga siya ng mga tao rito kaya dapat lamang na hindi niya biguin ang huling habilin nito.

Mabilis siyang naglakad patungo sa banyong karugtong lamang ng kanyang silid. Ilang segundo siyang tumayo sa harap ng salamin na nakadikit sa dingding, ang kaniyang mga kamao ay mahigpit na nakakuyom habang nakapatong sa malamig na tiles ng lababo. Hindi pa rin nawawala ang poot sa dibdib niya, upang maibsan ang nadarama ay lumapit siya at itinapat sa dutsa ang hubad na katawan, binuksan ang shower, at ilang sandali lang ay niyakap ng malamig na tubig ang buong katawan niya. Kahit paano'y kumalma ang nagpupuyos niyang damdamin.

Nang matapos maligo ay agad niyang isinuot ang skinny jeans at tinirnuhan iyon ng itim na t-shirt. Pupunta siya sa lamay kaya dapat lang na magsuot siya ng ganoong kulay. Itim din ang suot na sneaker shoes, komportable ang paa niya sa sapatos na iyon. Kahit makipaghabulan siya o makipagkarate ay siguradong puwede; hindi siya mahihirapan.

Habang nasa harap ng tokador at sinusuklay ang mahabang buhok ay biglang bumukas ang pinto ng kaniyang silid. Muntik na siyang mapalundag mula sa pagkakaupo sa taborete.

Mula sa siwang ng pinto ay sumilip ang lolo niya.

"'Lo, ginulat n'yo naman ako!" Mabuti na lang at hindi niya naibato rito ang hawak na suklay.

"Dapat ay magsanay kang maging alerto—talasan ang pakiramdam. Ano na lang ang magiging laban mo sa kanila kung ganyan ka?" Nakakunot ang noo nito habang naglalakad palapit sa kinaroroonan niya.

May punto naman ito. Hindi man lang kasi niya narinig ang mga yabag nito mula sa labas ng kaniyang silid.

"Wala ng panahon para magsanay ka pa, hija. Pero kailangang maging handa tayo anumang oras dahil siguradong lulusob sila!"

BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon