Mackenzie
Nakarating si MacKenzie sa ikalawang palapag ng kanilang bahay bitbit ang kaniyang mga gamit. Tatlong taon siyang hindi umuwi kaya naman nanibago siya. Lalo na ngayong wala ang ama at kapatid. Wala si Allison na sumasalubong sa kanya, walang nangungulit kung ano ang pasalubong niya.
Biglang nangilid ang luha sa kanyang mga mata. Naalala niya ang huling pag-uusap nila ng ama noong tumawag ito.
"Anak, nawawala ang kapatid mo. Ilang araw na siyang hindi umuuwi."
"Baka naman po nagtanan sila ni Matt. Ang sabi n'yo ay magkasama ang dalawa."
"Masama ang kutob ko, Mackie. Umakyat sila sa Mt. Balbaruka, at natagpuan sa paanan ng bundok ang sasakyan ni Matt," turan nito.
"Baka po naligaw sila kaya hindi pa nakabalik."
"Mackie, masama talaga ang kutob ko sa ginawa ng kapatid mo at ni Matt, panganib ang pinuntahan nila. Lagi kong sinasabi sa kapatid mo na huwag pupunta roon, pero sinuway pa rin ako." Bakas ang pagkainis sa boses ng ama. Hindi rin niya ito masisisi.
"Uuwi rin 'yon, Papa. 'Wag po kayong masyadong mag-alala."
Sinabi lang niya iyon para pakalmahin ang ama. Maging siya man ay nag-aalala rin sa nakababatang kapatid, sadya talagang matigas ang ulo nito.
"Hahanapin ko ang kapatid mo, Mackie. Kung sakaling hindi ako makabalik, umuwi ka rito. Kakailanganin ka ng lolo at mama mo, maging ng mga tao rito sa baryo natin. Mag-iingat ka sana at 'wag mong kalilimutang mahal na mahal ka ni Papa."
Tuluyang tumulo ang mga luha niya.
Mahal na mahal din kita, Papa.
Sa kanilang magkapatid, mas malapit siya sa ama. Samantalang si Allison naman ay sa mama nila.
Pinunas niya ang luhang umalpas sa kanyang mga mata nang makapasok siya sa sariling kuwarto. Inilagay niya ang maletang dala sa gilid ng kama at saka siya umupo sa tabi nito. Pinagmasdan niya ang buong paligid, wala pa rin itong pinagbago.
Nang mapadako ang paningin sa malaking salamin na nasa ibabaw ng tokador ay napangiti siya.
Lumapit siya roon at umupo sa silyang gawa sa kahoy. Pinagmasdan niya ang sariling repleksyon. Sa tingin niya ay talagang gumaganda siya kapag nananalamin sa salaming iyon. Bigay iyon ng kanyang yumaong lola noong ikalabing walong kaarawan niya. Isa iyon sa mga regalong paborito niya, bukod sa may sentimental value, ito ay isang antigong salamin.
Kung titingnan ay parang nakatatakot ito, katulad noong lumang palabas sa TV na may lumilitaw na ibang mukha sa salamin. Dahil nasanay na siya sa mga lumang kagamitan kaya balewala na lang iyon sa kanya, isa pa, hindi naman siya matatakutin. Hindi siya naniniwala sa mga supernatural o kahit ano pa man ang tawag sa kanila.
BINABASA MO ANG
BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death
ParanormalMasamang balita ang nakarating kay MacKenzie tungkol sa kanyang kapatid na si Allison at sa kasintahan nito. Hindi na nakabalik ang dalawa matapos mag-camping sa Mount Balbaruka. Maging ang kanilang ama, pati na rin ang mga kasama nitong rescuers ay...