Mackenzie
Ilang minuto ang lumipas matapos umalis ng lolo niya ay nanatili pa rin siyang nakatayo sa likod ng pinto kung saan ito dumaan. Hindi maintindihan ni MacKenzie kung bakit bumugso ang kaba sa kanyang dibdib, parang may mga torong biglang naghabulan doon. Huminga siya nang malalim at pilit na kinalma ang sarili.
Umakyat ka na, at 'wag kang susunod sa akin!
Hindi niya makalimutan ang sinabi nito bago tuluyang lumabas sa pintong iyon.
Napailing na lang siya. Mayamaya ay pinagala niya ang paningin sa buong paligid hanggang sa natuon ang kanyang pansin sa dingding. Maraming nakasabit na armas doon, iba't ibang uri ng mga patalim.
Namalayan na lamang niya ang sarili na hawak na ang isang mahabang kampilan. Marahan niya itong iniangat at saka hinugot sa salungan. Kuminang ang talim nito dahil sa pagtama ng liwanag mula sa bombilyang nakasabit sa kisame.
Hindi pwedeng maghintay na lamang ako rito. Patawad kung susuway rin ako sa utos mo, abuelo.
Ibinalik niya sa salungan ang mahabang patalim saka ito hinawakan nang mahigpit.
Malalaki ang kanyang mga hakbang nang tunguhin ang pintuan kung saan dumaan ang lolo niya. Binuksan niya ang pinto, ngunit kadiliman ang sumalubong sa kanyang mga mata. Magkahalong amoy kulob at ihi ng daga ang sumuot sa kanyang ilong kaya naman sunod-sunod na pagbahing ang dulot nito sa kanya. Ilang sandali siyang nanatili sa kinatatayuan; pinakiramdaman ang buong paligid. Muli siyang bumaling sa loob ng silid at mabilis na lumapit sa istante. Nakapatong doon ang isang lumang lampara, agad niya itong sinindihan gamit ang posporong nasa tabi lamang nito.
I-isang tunnel...
Ito ang nakumpirma niya matapos kumalat ang liwanag mula sa hawak niyang lampara. Siguro ay nasa pitong talampakan ang taas nito at isang dipa naman ang lapad sa hula niya. Bakas pa ang mga dinaanan ng piko at pala sa lupa, ito marahil ang ginamit na panghukay sa lagusang iyon.
Nag-umpisa siyang humakbang, marahan lamang ang ginawa niyang paglakad dahil sa mga nakausling bato sa kanyang dinaraanan. Isang pagkakamali niya ay siguradong matitisod siya roon. May mga sapot din ng gagamba na nagkalat sa itaas, kailangan pa niyang hawiin ang iba para hindi ito kumapit sa kanyang mukha.
Habang tinatahak ang lagusan ay pabilis nang pabilis naman ang kabog ng kanyang dibdib. Kulang na lang ay marinig niya ang pagtibok ng puso niya dahil napakatahimik ng buong paligid. Inaalala niya ang kanyang lolo. Saan ba ito pupunta at bigla na lamang itong umalis kahit alanganing oras na? Matanda na ito kaya ganoon na lamang ang pag-aalalang nararamdaman niya sa mga oras na iyon.
Huminto siya sa paghakbang nang mapansing nasa dulo na ng lagusan. Inilibot niya ang paningin at bahagyang itinaas ang hawak na lampara para lalong makita kung ano ang nasa unahan niya.
Isang malaking bato ang nakaharang, halos sakupin na nito ang kalahating butas ng lagusan. Kasya lamang ang katawan ng isang tao para makadaan doon.
"Aray! Kapag minamalas ka nga naman." Tumama ang tuhod niya sa gilid ng bato kaya nakagat niya ang pang-ibabang labi.
Kahit iniinda ang nagasgasang tuhod ay nagpatuloy pa rin siya sa paglabas sa butas.
Nang makalabas ay bumungad naman sa kanya ang malalaking bato, karamihan doon ay matutulis. Kapansin-pansin din na mas lumawak ang sakop ng butas dahil hindi na maabot ng liwanag mula sa gasera ang itaas na bahagi ng kinalalagyan niya. May ilang puting bato na patusok ang hugis mula sa taas ang tinatamaan ng liwanang at tila kumikislap-kislap iyon dahil sa tubig na tumutulo mula roon.
BINABASA MO ANG
BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death
ParanormalMasamang balita ang nakarating kay MacKenzie tungkol sa kanyang kapatid na si Allison at sa kasintahan nito. Hindi na nakabalik ang dalawa matapos mag-camping sa Mount Balbaruka. Maging ang kanilang ama, pati na rin ang mga kasama nitong rescuers ay...